Efeso 6
Ang Salita ng Diyos
Mga Anak at Mga Magulang
6 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon dahil ito ay matuwid.
2 Igalang ninyo ang inyong ama at ina. Ito ang unang utos na may pangako:
3 Gawin ninyo ito upang maging mabuti para sa inyo at kayo ay mamuhay nang matagal sa lupa.
4 Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak sa halip ay alagaan ninyo sila sa pagsasanay at sa turo ng Panginoon.
Mga Alipin at Mga Panginoon
5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong panginoon ayon sa laman at sundin ninyo sila nang may pagkatakot at panginginig at sa katapatan ng inyong mga puso tulad ng pagsunod ninyo kay Cristo.
6 Sumunod kayo hindi upang magbigay lugod sa kanila tuwing sila ay nakatingin sa inyo, kundi bilang mga alipinni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Diyos mula sa inyong kaluluwa. 7 Sumunod kayo nang may mabuting kalooban na gumagawa ng paglilingkod sa Panginoon at hindi sa tao. 8 Nalalaman ninyo na ang anumang mabuting nagawa ng bawat isa, gayundin ang tatanggapin niya mula sa Panginoon, maging siya ay alipin o malaya.
9 Mga panginoon, gawin ninyo ang gayunding mga bagay sa kanila. Tigilan ninyo ang pagbabanta dahil nalalaman ninyo na ang sarili ninyong Panginoon ay nasa langit at siya ay hindi nagtatangi ng mga tao.
Ang Baluting Ibinibigay ng Diyos
10 Sa katapusan mga kapatid, magpakatibay kayo sa Panginoon at sa kaniyang makapangyarihang lakas.
11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa mga lalang ng diyablo. 12 Ito ay sapagkat nakikipagtunggali tayo, hindi laban sa laman at dugo, subalit laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapamahalaan, laban sa mga makapangyayari sa kadiliman sa kapanahunang ito at laban sa espirituwal na kasamaan sa mga dako ng kalangitan. 13 Dahil dito, kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa masamang araw at pagkagawa ninyo ng lahat ng mga bagay ay manatili kayong nakatayo. 14 Tumayo nga kayo na nabibigkisan ang inyong mga balakang ng katotohanan at isuot ninyo ang baluting pandibdib ng katuwiran. 15 Sa inyong mga paa ay isuot ang kahandaan ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Higit sa lahat, kunin ninyo ang kalasag ng pananampalataya. Sa pamamagitan nito ay maaapula ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17 Tanggapin din ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang tabak ng Espiritu na siyang salita ng Diyos. 18 Sa lahat ninyong pananalangin at pagdaing ay manalangin kayong lagi sa pamamagitan ng Espiritu. Sa bagay na ito ay magpuyat kayo na may buong pagtitiyaga at pagdaing para sa lahat ng mga banal.
19 Ipanalangin ninyo ako, na bigyan ako ng pananalita, upang magkaroon ako ng tapang sa pagbukas ko ng aking bibig, upang maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20 Dahil sa ebanghelyo, ako ay isang kinatawan na nakatanikala upang sa pamamagitan nito, makapagsalita akong may katapangan gaya ng dapat kong pagsasalita.
Panghuli ng Pagbati
21 Ipahahayag sa inyo ni Tiquico ang lahat ng mga bagay patungkol sa akin upang malaman ninyo ang mga bagay patungkol sa akin at ang mga ginagawa ko. Siya ay isang minamahal na kapatid at matapat na tagapaglingkod sa Panginoon.
22 Isinugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito upang malaman ninyo ang mga bagay patungkol sa amin at mapalakas niya ang inyong loob.
23 Mga kapatid, sumainyo ang kapayapaan at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesucristo. 24 Biyaya ang sumakanilang lahat na umiibig ng dalisay sa ating Panginoong Jesucristo. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International