Efeso 2
Ang Salita ng Diyos
Binuhay kay Cristo
2 At patungkol sa inyo, kayo ay dating mga patay na sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan.
2 Sa mga ito dati kayong namuhay ayon sa takbuhin ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapamahalaan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. 3 Tayo noon ay nag-asal na kasama nila ayon sa mga nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang nasa ng laman at ng mga kaisipan. Tayo rin ay likas na mga anak na kinapopootan tulad ng iba. 4 Ngunit, ang Diyos ay sagana sa kahabagan. Sa pamamagitan ng kaniyang dakilang pag-ibig, tayo ay inibig niya. 5 Kahit noong tayo ay patay sa ating mga pagsalangsang ay binuhay niya tayong kasama ni Cristo. Sa pamamagitan ng biyaya kayo ay naligtas. 6 Tayo ay kasamang binuhay at kasamang pinaupo sa kalangitan kay Cristo Jesus. 7 Ito ay upang maipakita niya sa darating na mga kapanahunan ang nakakahigit na yaman ng kaniyang biyaya, sa kaniyang kabutihan sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8 Ito ay sapagkat sa biyaya kayo naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito ay hindi sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Diyos. 9 Ito ay hindi dahil sa gawa upang hindi magmalaki ang sinuman. 10 Ito ay sapagkat tayo ay kaniyang mga likha na nilikha ng Diyos kay Cristo Jesus para sa mga mabuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una na dapat nating ipamuhay.
Nagkakaisa kay Cristo
11 Kaya nga, alalahanin ninyo na kayo ay dating mga Gentil sa laman. Mga tinawag na hindi nasa pagtutuli niyaong mga nasa pagtutuli sa laman na gawa ng kamay.
12 Sa panahong iyon, kayo ay hiwalay kay Cristo, mga ihiniwalay sa pagkamamamayan ng Israel at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako. Wala kayong pag-asa at wala kayong Diyos sa sanlibutan. 13 Sa ngayon, kay Cristo Jesus, kayo na dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14 Ito ay sapagkat siya ang ating kapayapaan. Pinag-isa niya ang dalawa. Kaniyang giniba ang gitnang dinding na humahati. 15 Sa pamamagitan ng kaniyang katawan, pinawalang-bisa niya ang pag-aalitan, ang batas ng kautusan na nasa mga utos. Ginawa niya ito upang magawa niya sa kaniyang sarili na ang dalawa ay maging isang bagong tao, sa gayon siya ay gumawa ng kapayapaan. 16 At upang kaniyang pagkasunduin ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na dito ang pag-aalitan ay pinatay niya. 17 Sa kaniyang pagdating, inihayag niya ang ebanghelyo ng kapayapaan sa inyo na malayo at sa kanila na malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay kapwa may daan patungo sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu.
19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at ng sambahayan ng Diyos. 20 Kayo ay naitayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta. Si Jesucristo ang siya mismong batong-panulok. 21 Sa kaniya ang lahat ng bahagi ng gusali na sama-samang pinaghugpong ay lumalago sa isang banal na dako sa Panginoon. 22 Sa kaniya rin kayo ay sama-samang itinayo upang maging tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Copyright © 1998 by Bibles International