Efeso 1
Ang Salita ng Diyos
1 Akong si Pablo, na apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ay sumusulat sa mga banal na nasa Efeso at sa mga tapat kay Cristo Jesus.
2 Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.
Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo na siyang nagpala sa atin ng bawat pagpapalang espirituwal sa kalangitan sapamamagitan ni Cristo.
4 Ito ay ayon sa pagpili niya sa atin kay Cristo bago itinatag ang sanlibutan upang tayo maging mga banal at walang kapintasan sa harapan niya sa pag-ibig. 5 Tayo ay tinalaga niya nang una pa upang ampunin sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesucristo ayon sa kaniyang kalooban. 6 Ito ay sa kapurihan ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na kung saan tayo ay ginawa niyang katanggap-tanggap sa kaniyang minamahal. 7 Na sa kaniya, ayon sa kasaganaanng kanyang biyaya, tayo ay mayroong katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran sa mga kasalanan. 8 Pinasagana niya ang mga ito para sa atin sa lahat ng karunungan at kaalaman. 9 Ginawa niya ito pagkatapos niyang ipaalam sa atin ang lahat ng hiwaga ng kaniyang kalooban ayon sa kaniyang mabuting kaluguran na nilayon niya sa kaniyang sarili. 10 Ito ay para sa pangangasiwa ng kaganapan ng mga panahon na ang lahat ng mga bagay ay kaniyang pag-isahin kay Cristo, kapwa mga bagay sa kalangitan at mga bagay sa lupa.
11 Sa kaniya rin tayo ay nagkamit ng mana. Itinalaga niya tayo nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa layunin ng kaniyang kalooban. 12 Ito ay upang tayo na mga naunang nagtiwala kay Cristo ay maging sa kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian. 13 Sumampalataya rin kayo kay Cristo, pagkarinig ninyo ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan. Sa kaniya rin naman, pagkatapos ninyong sumampalataya, ay tinatakan kayo ng Banal na Espiritu na ipinangako. 14 Ang Banal na Espiritu ang katiyakan ng ating mana, hanggang sa pagtubos ng biniling pag-aari para sa kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian.
Pasasalamat at Pananalangin
15 Kaya nga, ako ay nagpapasalamat para sa inyo, nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal.
16 Dahil dito, patuloy din akong nagpapasalamat para sa inyo at binabanggit ko kayo sa aking mga panalangin. 17 Dumadalangin ako sa Diyos ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng kaluwalhatian, na ipagkaloob niya sa inyo ang espiritu ng karunungan at kapahayagan sa kaalaman sa kaniya. 18 Idinadalangin kong maliwanagan ang mata ng inyong isipan upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa ng kaniyang pagtawag at kung ano ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal. 19 Idinadalangin kong malaman ninyo kung ano ang nakakahigit na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan patungkol sa atin na sumasampalataya, ayonsa paggawa ng lawak ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, binuhay niya si Cristo mula sa mga patay at siya ay kaniyang pinaupo sa bahaging kanan ng kaniyang kamay sa kalangitan. 21 Doon siya ay higit na nakakataas sa bawat pamunuan at kapamahalaan at kapangyarihan at paghahari at sa bawat pangalang ipinangalan. Ito ay hindi lamang sa kapanahunang ito kundi sa darating pa. 22 At ang lahat ng mga bagay ay ipinailalim niya sa kaniyang mga paa. At ipinagkaloob sa kaniya na maging ulo ng lahat-lahat ng mga bagay para sa iglesiya. 23 Ang iglesiya ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat lahat.
Copyright © 1998 by Bibles International