Add parallel Print Page Options

Ang Dila

13 Sumpain(A) ang madaldal at ang mahabang-dila,
    maraming nananahimik ang kanyang sinasalanta.
14 Marami nang ipinahamak ang dilang mapanghimasok:[a]
Mga bansa'y napatapon sa iba't ibang lupain;
    mga lunsod na may kuta ay nalupig ng kaaway; mga naghahari ay bumagsak nang tuluyan.
15 Dahil pa rin sa dilang iyan ang matapat na maybahay ay napalayas sa tahanan,
    at ang kanyang pinagpagura'y inagaw na walang awa.
16 Ang sinumang nakikinig sa tsismis ay hindi magkakamit ng kapahingahan.
17 Ang hampas ng latigo ay nakakalatay;
    ang hagupit ng dila ay nakakabali ng buto.
18 Mas marami ang namatay sa talas ng dila,
    kaysa napahamak sa talim ng espada.
19 Mapalad ang taong dito'y nakaiwas,
    sa kalupitan nito'y lubhang nakaligtas.
Mapalad ang taong hindi nito nagapos,
    at hindi nagpasan ng pamatok nito.
20 Ang pamatok nito'y sintigas ng bakal,
    ang tanikala'y mabigat na tanso.
21 Ang kamatayang iginagawad nito'y kakila-kilabot,
    higit na malupit kaysa libingan.
22 Walang magagawa ang dilang malupit sa mga tunay na banal,
    at hindi sila masusunog ng apoy nito.
23 Ngunit ang mga tumatalikod sa Panginoon ay mahuhulog sa kapangyarihan niya,
    matutupok sila magpakailanman sa kanyang ningas na di mapapawi.
Ang malupit na dila ay sasalakay na parang leon,
    parang malupit na leopardo na lalapa sa kanila.
24-25 Kung sinususian ang ginto mo't pilak upang hindi manakaw,
    mga salita mo ay dapat timbangin at pakaingatan.
Kung pinalilibutan mo ang iyong ubasan ng bakod na tinik,
    lagyan mo ng pinto't matibay na tarangka ang iyong bibig.
26 Pakaingatan mong huwag magkamali nang dahil sa dila,
    upang hindi mahulog sa kapangyarihan ng nakaabang na kaaway.

Read full chapter

Footnotes

  1. 14 dilang mapanghimasok: Sa literal na Griego ay ikatlong dila .