Eclesiastes 2:10-23
Ang Biblia, 2001
10 At anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, sapagkat nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking gantimpala para sa lahat ng aking pagpapagod.
11 Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat na ginawa ng aking mga kamay, at ang pagpapagal na aking ginugol sa paggawa nito. At muli, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin, at walang mapapakinabang sa ilalim ng araw.
12 Kaya't ako'y bumaling upang isaalang-alang ang karunungan, ang kaululan at ang kahangalan; sapagkat ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? Ang kanya lamang nagawa na.
13 Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay nakakahigit sa kahangalan, na gaya ng liwanag na nakakahigit sa kadiliman.
14 Ang mga mata ng pantas ay nasa kanyang ulo, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman; gayunma'y aking nakita na isang kapalaran ang dumarating sa kanilang lahat.
15 Nang magkagayo'y sinabi ko sa aking sarili, “Kung ano ang nangyari sa hangal ay mangyayari rin sa akin; kaya't bakit pa nga ako naging napakarunong?” At sinabi ko sa puso ko na ito man ay walang kabuluhan.
16 Sapagkat kung paano sa pantas ay gayundin sa hangal, walang alaala magpakailanman; na sa mga araw na darating ay malilimutan nang lahat. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!
17 Sa gayo'y kinamuhian ko ang buhay, sapagkat ang ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin, sapagkat lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
18 Kinamuhian ko ang lahat kong pagpapagal na aking ginawa sa ilalim ng araw; yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.
19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang hangal? Gayunman ay mamumuno siya sa lahat ng aking pinagpaguran, at sa aking ginamitan ng aking karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.
20 Kaya't ako'y bumalik at aking ibinigay ang aking puso sa kawalang pag-asa sa lahat ng gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.
21 Sapagkat kung minsan ang taong gumawa na may karunungan, kaalaman, at kakayahan ay iiwanan ang lahat upang pakinabangan ng taong hindi nagpagod para dito. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.
22 Sapagkat ano ang natatamo ng tao sa lahat ng kanyang ginagawa at pinagpaguran sa ilalim ng araw?
23 Sapagkat(A) lahat ng kanyang araw ay punô ng sakit at ang kanyang gawa ay pagdaramdam; at pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kanyang isip. Ito man ay walang kabuluhan.
Read full chapter