A A A A A
Bible Book List

Deuteronomio 8Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay inyong isasagawa, upang kayo'y mangabuhay at dumami, at inyong mapasok at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang.

At iyong aalalahanin ang buong paraan na ipinatnubay sa iyo ng Panginoon mong Dios nitong apat na pung taon sa ilang, upang kaniyang mapangumbaba ka, at subukin ka, na maalaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong gaganapin ang kaniyang mga utos o hindi.

At ikaw ay pinapangumbaba niya, at pinapagdamdam ka niya ng gutom, at pinakain ka niya ng mana, na hindi mo nakilala, ni nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't bagay na nagmumula sa bibig ng Panginoon.

Ang iyong suot ay hindi naluma sa iyo, ni hindi namaga ang iyong paa nitong apat na pung taon.

At iyong pagmunimuniin sa iyong puso, na kung paanong pinarurusahan ng tao ang kaniyang anak, ay gayon pinarurusahan ka ng Panginoon mong Dios.

At iyong tutuparin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at matakot ka sa kaniya.

Sapagka't dinala ka ng Panginoon mong Dios sa isang mabuting lupain, na lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok.

Lupain ng trigo at ng sebada at ng puno ng ubas at ng mga puno ng igos, at ng mga granada; lupain ng mga puno ng olibo at ng pulot:

Lupain na kakainan mo ng tinapay na di kapos, na walang magkukulang sa iyo roon; lupain na ang mga bato ay bakal, at ang kaniyang mga burol ay makukunan mo ng tanso.

10 At kakain ka, at mabubusog ka, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Dios dahil sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa iyo.

11 Magingat ka na baka iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, sa hindi mo pagtupad ng kaniyang mga utos, at ng kaniyang mga kahatulan, at ng kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito:

12 Baka pagka ikaw ay nakakain at nabusog, at nakapagtayo ng mabubuting bahay, at iyong natahanan;

13 At pagka ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng tinatangkilik mo ay dumami;

14 Ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin;

15 Na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na tinatahanan ng mga makamandag na ahas at mga alakdan, at uhaw na lupa, na walang tubig; na siyang naglabas sa iyo ng tubig mula sa batong pingkian;

16 Na siyang nagpakain sa iyo ng mana sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang mapangumbaba ka, at kaniyang subukin ka, na pabutihin ka sa iyong wakas:

17 At baka iyong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.

18 Kundi iyong aalalahanin ang Panginoon mong Dios, sapagka't siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kaniyang papagtibayin ang kaniyang tipan na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, gaya nga sa araw na ito.

19 At mangyayari, na kung iyong kalilimutan ang Panginoon mong Dios, at ikaw ay susunod sa ibang mga dios, at iyong paglilingkuran sila, at iyong sasambahin sila ay aking pinatototohanan laban sa inyo sa araw na ito, na kayo'y tunay na malilipol.

20 Kung paano ang bansang nililipol ng Panginoon sa harap ninyo, ay gayon kayo malilipol; sapagka't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios.

  Back

1 of 1

You'll get this book and many others when you join Bible Gateway Plus. Learn more

Viewing of
Cross references
Footnotes