Add parallel Print Page Options

32 O langit, makinig, sapagkat magsasalita ako!
O lupa, pakinggan ang aking mga salita.
Ang aking mga katuruan ay papatak gaya ng ulan at hamog.
Ang aking mga salita ay katulad ng patak ng ulan sa mga damo;
katulad rin ng ambon sa mga pananim.
Ipahahayag ko ang pangalan ng Panginoon.
Purihin natin ang kadakilaan ng ating Dios!
Siya ang Bato na kanlungan;
matuwid ang lahat ng gawa niya
at mapagkakatiwalaan ang lahat ng kanyang mga pamamaraan.
Matapat siyang Dios at hindi nagkakasala;
makatarungan siya at maaasahan.
Ngunit nagkasala kayo sa kanya at hindi na kayo itinuring na mga anak niya,
dahil sa inyong kasamaan.
Makasalanan kayo at madayang henerasyon!
Ganito pa ba ang igaganti ninyo sa Panginoon, kayong mga mangmang at kulang sa pang-unawa?
Hindi baʼt siya ang inyong ama na lumikha sa inyo at nagtaguyod na kayoʼy maging isang bansa?
Alalahanin ninyo ang mga taon na lumipas;
isipin ninyo ang mga lumipas na henerasyon.
Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda, at ihahayag nila ito sa inyo.
Nang binigyan ng Kataas-taasang Dios ang mga bansa ng lupain nila at nang pinagbukod-bukod niya ang mga mamamayan,
nilagyan niya sila ng hangganan ayon sa dami ng mga anghel ng Dios.[a]
Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob bilang mamamayan niya.
10 Nakita niya sila sa disyerto, sa lugar na halos walang tumutubong pananim.
Binabantayan niya sila at iniingatan katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mata.
11 Binantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng agila sa kanyang mga inakay habang tinuturuan niya itong lumipad.
Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila.
12 Ang Panginoon lang ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,
walang tulong mula sa ibang mga dios.
13 Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,
at pinakain ng mga ani ng lupa.
Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14 Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing,
at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan.
Binigyan din niya sila ng pinakamagandang trigo at pinainom ng katas ng ubas.
15 Naging maunlad ang mga Israelita[b] pero nagrebelde sila.
Tumaba sila at lumakas,
ngunit tinalikuran nila ang Dios na lumikha sa kanila,
at sinuway nila ang kanilang Bato na kanlungan na kanilang Tagapagligtas.
16 Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga dios na kasuklam-suklam.
17 Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na dios – mga dios na hindi nila kilala at kailan lang lumitaw,
at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
19 Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20 Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.
21 Pinagselos nila ako sa mga hindi tunay na dios,
at ginalit nila ako sa kanilang walang kwentang mga dios-diosan.
Kaya pagseselosin ko rin sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa ibang mga lahi.
Gagalitin ko sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa mga mangmang na bansa.
22 Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;
susunugin nito ang lupa at ang lahat ng naroon,
pati ang kailaliman ng lupa,[c] at ang pundasyon ng mga bundok.

23 “Padadalhan ko sila ng mga kalamidad, at tatamaan sila ng aking mga pana.
24 Gugutumin ko sila; at mangamamatay sila sa gutom at karamdaman.
Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop para atakihin sila at mga ahas para silaʼy tuklawin.
25 Sa labas ng kanilang bahay, marami ang mamamatay sa labanan,
at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.
Mamamatay ang lahat, maging ang mga kabataan, matatanda at mga bata.
26 Sinabi ko na pangangalatin ko sila hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.
27 Ngunit hindi ko papayagang magyabang ang kanilang mga kaaway. Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila. Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”

28 Ang Israel ay isang bansa na walang alam at pang-unawa.
29 Kung matalino lang sila, mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.
30 Paano ba mahahabol ng isang tao ang 1,000 Israelita?
Paano matatalo ng dalawang tao ang 10,000 sa kanila?
Mangyayari lamang ito kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Bato na kanlungan.
31 Sapagkat ang Bato na kanlungan ng ating mga kaaway ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;
at kahit sila ay nakakaalam nito.
32 Kasinsama ng mga naninirahan sa Sodom at Gomora ang ating mga kaaway,
katulad ng ubas na mapait at nakakalason ang bunga,
33 at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.
34 Nalalaman ng Panginoon ang kanilang ginagawa,
iniipon niya muna ito at naghihintay ng tamang panahon para parusahan sila.
35 Sabi niya, “Ako ang maghihiganti at magpaparusa sa kanila,
sapagkat darating ang panahon na madudulas sila.
Malapit nang dumating ang panahon ng kanilang pagbagsak.”
36 Ipagtatanggol ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan;
kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod, kapag nakita niya na wala na silang lakas at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.
37 At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan, “Nasaan na ngayon ang inyong mga dios, ang batong kanlungan ninyo?
38 Nasaan na ngayon ang inyong mga dios na kumakain ng taba at umiinom ng alak na inyong handog?
Magpatulong kayo sa kanila, at gawin ninyo silang proteksyon!
39 Tingnan ninyo ngayon; ako lang ang Dios!
Wala nang iba pang dios maliban sa akin.
Ako ang pumapatay at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas sa aking mga kamay.
40 Ngayon, itataas ko ang aking mga kamay at manunumpa,
‘Ako na nabubuhay magpakailanman,
41 hahasain ko ang aking espada at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa:
Gagantihan ko ang aking mga kaaway at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.
42 Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana, at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.
Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.
Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno.’ ”
43 Mga bansa, purihin nʼyo ang mga mamamayan ng Panginoon.[d]
Sapagkat gaganti ang Panginoon sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.
Gaganti siya sa kanyang mga kaaway, at lilinisin niya ang kanyang lupain at ang kanyang mamamayan.

44 Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita. 45-46 Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa mga tao, “Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito. 47 Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”

Ipinaalam ang Kamatayan ni Moises

48 Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin. 50 Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na. 51 Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kadesh, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan. 52 Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, pero hindi ka makakapasok doon.”

Binasbasan ni Moises ang mga Lahi ng Israel

33 Ito ang basbas na sinabi ni Moises na lingkod ng Dios sa mga Israelita bago siya namatay. Sinabi niya,

“Dumating ang Panginoon galing sa Sinai;
nagpakita siya galing sa Bundok ng Seir katulad ng pagsikat ng araw.
Sumikat siya sa mga tao galing sa Bundok ng Paran.
Dumating siya kasama ang libu-libong mga anghel,
at ang kanyang kanang kamay ay may dala-dalang naglalagablab na apoy.[e]
Tunay na minamahal ng Panginoon ang kanyang mamamayan.
Pinoprotektahan niya ang mga taong kanyang pinili.
Kaya siyaʼy sinusunod nila at tinutupad ang kanyang utos.
Ibinigay ni Moises sa ating mga lahi ni Jacob ang kautusan bilang mana.
Naging hari ang Panginoon ng Israel nang magtipon ang kanilang mga pinuno at ang kanilang mga angkan.”
Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Reuben,
“Sanaʼy hindi mawala ang mga lahi ni Reuben kahit kakaunti lang sila.”

Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda
“O Panginoon, pakinggan po ninyo ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda.
Muli po ninyo silang isama sa ibang mga lahi ng Israel.
Protektahan at tulungan ninyo sila laban sa kanilang mga kaaway.”
Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi,
“O Panginoon, ibinigay po ninyo ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[f] sa tapat ninyong mga lingkod na lahi ni Levi.
Sinubukan ninyo sila sa Masa at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
Nagpakita sila ng malaking katapatan sa inyo kaysa sa kanilang mga magulang, mga kapatid at mga anak.
Sinunod po nila ang inyong mga utos, at iningatan ang inyong kasunduan.
10 Tuturuan nila ang mga Israelita ng inyong mga utos at tuntunin,
at maghahandog sila ng insenso at mga handog na sinusunog sa inyong altar.
11 O Panginoon, pagpalain nʼyo po sila, at sanaʼy masiyahan kayo sa lahat ng kanilang ginagawa.
Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway upang hindi na sila makabangon pa.”

12 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Benjamin,
“Minamahal ng Panginoon ang lahi ni Benjamin,
at inilalayo niya sila sa kapahamakan at pinoprotektahan sa buong araw.”

13 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Jose,
“Sanaʼy pagpalain ng Panginoon ang kanilang lupain at padalhan silang lagi ng ulan at ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
14 Sa tulong ng araw, mamunga sana nang maayos ang kanilang mga pananim at mamunga sa tamang panahon nito.
15 Sana ang kanilang sinaunang kabundukan at kaburulan ay magkaroon ng mabuti at masaganang mga bunga.
16 Umani sana ng pinakamagandang produkto ang kanilang lupa dahil sa kabutihan ng Dios na nagpahayag sa kanila sa naglalagablab na mababang punongkahoy. Manatili sana ang mga pagpapalang ito sa lahi ni Jose dahil nakakahigit siya sa kanyang mga kapatid.
17 Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki.
Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka.
Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang nasa malayo.
Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manase.”
18 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar,
“Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19 Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Dios.
Magdiriwang sila dahil maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”
20 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad,
“Purihin ang Dios na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad!
Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.
21 Pinili niya ang pinakamagandang lupain na nababagay sa mga pinuno.
Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala ng mga mamamayan ng Israel, sinusunod nila ang mga ipinatutupad ng Panginoon at ang kanyang mga tuntunin para sa Israel.”

22 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Dan,
“Ang lahi ni Dan ay katulad sa mga batang leon na tumatalon-talon mula sa Bashan.”

23 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Naftali,
“Ang lahi ni Naftali ay sagana sa pagpapala ng Panginoon. Maangkin sana nila ang lupain sa kanluran[g] at sa timog.”

24 Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Asher,
“Pagpalain sana ng Panginoon ang lahi ni Asher ng higit pa sa lahat ng lahi ng Israel.
Sana ay maging masaya sa kanila ang kapwa nila mga Israelita at maging sagana ang kanilang langis.
25 At sanaʼy maprotektahan ng mga tarangkahang bakal at tanso ang mga pintuan ng kanilang lungsod,
at sanaʼy manatili ang kanilang kadakilaan habang silaʼy nabubuhay.
26 Walang katulad ang Dios ng Israel.[h]
Sa kanyang kadakilaan, sumasakay siya sa ulap para matulungan kayo. Sa kanyang kadakilaan dumarating siya mula sa kalangitan.
27 Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan;
palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan.
Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan,
at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.
28 Kaya mamumuhay ang Israel na malayo sa kapahamakan, sa lupaing sagana sa trigo at bagong katas ng ubas,
at kung saan ang hamog na mula sa langit ay nagbibigay ng tubig sa lupa.
29 Pinagpala kayo, mga mamamayan ng Israel!
Wala kayong katulad – isang bansa na iniligtas ng Panginoon.
Ang Panginoon ang mag-iingat at tutulong sa inyo,
at siya ang makikipaglaban para sa inyo.
Gagapang ang inyong mga kaaway papunta sa inyo, at tatapakan ninyo sila sa likod.”[i]

Ang Pagkamatay ni Moises

34 Mula sa kapatagan ng Moab, umakyat si Moises sa Bundok ng Nebo sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa Jerico. Doon ipinakita ng Panginoon ang buong lupain – mula sa Gilead hanggang sa Dan, ang buong lupain ng Naftali, ang lupain ng Efraim at ng Manase, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[j] ang Negev, at ang buong lupain mula sa Lambak ng Jerico (ang lungsod ng mga palma) hanggang sa Zoar.

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi kong ibibigay ko ito sa kanilang salinlahi. Ipinakita ko ito sa iyo, pero hindi ka makakapunta roon.”

Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon. Inilibing siya sa Moab, sa lambak na nakaharap sa Bet Peor, pero hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan talaga siya inilibing. Si Moises ay 120 taong gulang nang mamatay, pero malakas pa rin siya, at malinaw pa ang paningin. Nagluksa ang mga Israelita kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa loob ng 30 araw.

Ngayon, si Josue na anak ni Nun ay binigyan ng Espiritu ng karunungan dahil pinili siya ni Moises na pumalit sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay nito sa kanya. Kaya sinunod siya ng mga Israelita, at ginawa nila ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 Mula noon, wala nang propeta pa sa Israel na katulad ni Moises, na nakakausap ng Panginoon nang harapan. 11 Isinugo ng Panginoon si Moises para gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto laban sa Faraon, sa kanyang mga opisyal at sa buong bansa. 12 Wala nang nakagawa pa ng mga makapangyarihan at kamangha-manghang bagay na katulad ng ginawa ni Moises sa harap ng lahat ng Israelita.

Footnotes

  1. 32:8 mga anghel ng Dios: Ito ang nasa tekstong Septuagint. Sa Dead Sea Scrolls, mga anak ng Dios. Sa tekstong Masoretic, mga anak ni Israel.
  2. 32:15 mga Israelita: sa Hebreo, Jeshurun; ang ibig sabihin, mga matuwid.
  3. 32:22 kailaliman ng lupa: o, lugar ng mga patay.
  4. 32:43 purihin … Panginoon: o, mangagalak kayo kasama ng mga mamamayan ng Panginoon. Sa Dead Sea Scrolls at sa tekstong Griego, Mangagalak kayong kasama niya, O langit, at lahat ng mga anghel ng Dios ay dapat sambahin siya.
  5. 33:2 Dumating … apoy: o, Dumating siya galing sa Meriba sa Kadesh, mula sa timog, sa mga libis.
  6. 33:8 ‘Urim’ at ‘Thummim’: Dalawang bagay na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Dios.
  7. 33:23 kanluran: Ganito ang nakasulat sa tekstong Septuagint, Syriac, at Vulgate. Sa Hebreo, Jeshurun; ang ibig sabihin, matuwid.
  8. 33:26 Israel: sa Hebreo, Jeshurun, ang ibig sabihin, matuwid.
  9. 33:29 tatapakan ninyo sila sa likod: o, tatapak-tapakan ninyo ang kanilang mga sambahan sa matataas na lugar.
  10. 34:2 Dagat ng Mediteraneo: sa Hebreo, dagat sa kanluran.