Deuteronomio 23
Ang Biblia, 2001
Ang mga Di-Kabilang sa Kapulungan
23 “Ang sinumang nadurog ang itlog o naputol ang ari ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon.
2 “Ang isang anak sa labas ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon; kahit na hanggang sa ikasampung salinlahi ay walang papasok sa kanyang mga anak sa kapulungan ng Panginoon.
3 “Ang(A) isang Amonita o Moabita ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasampung salinlahi ay wala sa kanilang maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon magpakailanman.
4 Sapagkat(B) hindi nila kayo sinalubong sa daan na may tinapay at tubig nang kayo'y dumating mula sa Ehipto; at sapagkat inupahan nila laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Petor ng Mesopotamia upang sumpain ka.
5 Gayunma'y(C) hindi pinakinggan ng Panginoon mong Diyos si Balaam; kundi ginawang pagpapala ng Panginoon mong Diyos ang sumpa sa iyo sapagkat minamahal ka ng Panginoon mong Diyos.
6 Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang pag-unlad sa lahat ng iyong mga araw magpakailanman.
7 “Huwag mong kasusuklaman ang Edomita sapagkat siya'y iyong kapatid. Huwag mong kasusuklaman ang mga Ehipcio, sapagkat ikaw ay naging dayuhan sa kanyang lupain.
8 Ang mga anak ng ikatlong salinlahi na ipinanganak sa kanila ay makakapasok sa kapulungan ng Panginoon.
Pagpapanatili ng Kalinisan sa Kampo
9 “Kapag ikaw ay lalabas sa kampo laban sa iyong mga kaaway, lalayo ka sa bawat masamang bagay.
10 “Kung mayroong sinumang lalaki sa inyo na hindi malinis dahil sa anumang nangyari sa kanya sa kinagabihan, lalabas siya sa kampo; hindi siya papasok sa loob ng kampo.
11 Ngunit sa pagsapit ng gabi, siya'y maliligo sa tubig at kapag lubog na ang araw, ay papasok siya sa kampo.
12 “Magkakaroon ka rin ng isang pook sa labas ng kampo na ikaw ay lalabas doon;
13 at ikaw ay magkakaroon din ng isang kahoy na kabilang sa iyong mga sandata. Kapag ikaw ay dudumi sa labas, gagawa ka ng hukay sa pamamagitan nito at pagkatapos ay tatabunan mo ang iyong dumi.
14 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay lumalakad sa gitna ng iyong kampo upang iligtas ka at ibigay ang iyong mga kaaway sa harapan mo, kaya't ang iyong kampo ay magiging banal upang huwag siyang makakita ng anumang kahiyahiyang bagay sa gitna ninyo at lumayo sa iyo.
Iba't ibang mga Batas
15 “Huwag mong ibabalik sa kanyang panginoon ang isang aliping tumakas sa kanyang panginoon at pumunta sa iyo.
16 Siya'y maninirahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kanyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga bayan na kanyang nais; huwag mo siyang pagmamalupitan.
17 “Huwag(D) magkakaroon ng bayarang babae[a] sa mga anak na babae ng Israel, ni magkakaroon ng bayarang lalaki[b] sa mga anak na lalaki ng Israel.
18 Huwag mong dadalhin ang upa sa isang masamang babae, o ang pasahod sa isang aso sa bahay ng Panginoon mong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapwa karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.
19 “Huwag(E) kang magpapahiram na may patubo sa iyong kapatid, patubo ng salapi, patubo ng kakainin, patubo ng anumang bagay na ipinapahiram na may patubo.
20 Sa isang dayuhan ay makapagpapahiram ka na may patubo, ngunit sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may patubo upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gagawin mo sa lupain na malapit mo nang pasukin upang angkinin.
21 “Kapag(F) ikaw ay gagawa ng isang panata sa Panginoon mong Diyos, huwag kang magiging mabagal sa pagbabayad nito, sapagkat tiyak na hihingin sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at ikaw ay magkakasala.
22 Ngunit kung iiwasan mong gumawa ng panata, ito ay hindi magiging kasalanan sa iyo.
23 Maingat mong isasagawa ang lumabas sa iyong mga labi, ayon sa iyong kusang loob na ipinanata sa Panginoon mong Diyos, na ipinangako ng iyong bibig.
24 “Kapag ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapwa ay makakakain ka ng mga nagustuhan mong ubas hanggang sa ikaw ay mabusog; ngunit huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.
25 Kapag ikaw ay lumapit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa, mapipitas mo ng iyong kamay ang mga uhay; ngunit huwag kang gagamit ng karit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa.
Footnotes
- Deuteronomio 23:17 BAYARANG BABAE: Babaing nagbibili ng panandaliang-aliw sa loob ng templo.
- Deuteronomio 23:17 BAYARANG LALAKI: Lalaking nagbibili ng panandaliang-aliw sa loob ng templo.
Deuteronomio 23
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel
23 “Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.
2 “Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi. 3 Walang Amoreo o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. 4 Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Egipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. 5 Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Dios kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Dios. 6 Habang buhay kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.
7 “Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Egipcio dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. 8 Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.
Iba pang mga Tuntunin
9 “Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10 Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.
11 “Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo. 12 Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ito kapag tapos na kayo. 14 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo. Kaya kailangang malinis ang inyong kampo para wala siyang makitang hindi maganda sa inyo, at para hindi niya kayo pabayaan.
15 “Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16 Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.
17 “Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo. 18 Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Dios ang pera na natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Dios, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.
19 “Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20 Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, pero hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.
21 “Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Dios, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22 Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23 Pero anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Dios ay dapat ninyong tuparin.
24 “Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, pero huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan para dalhin. 25 Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, pero huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
