Deuteronomio 25
Magandang Balita Biblia
25 “Kapag may usaping iniharap sa hukuman, at napawalang-sala ang walang kasalanan at nahatulan ang may sala, 2 at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan. 3 Apatnapu(A) ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao.
4 “Huwag(B) ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.
Ang Pag-aasawang Muli ng Isang Biyuda
5 “Kung(C) may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. 6 Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. 7 Kung(D) (E) ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ 8 Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, 9 lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ 10 At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.
Iba Pang Tuntunin
11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawa ng isa ay lumapit upang tulungan ang kanyang asawa at dinaklot ang ari ng kalaban, 12 puputulin ang kamay ng babaing iyon; hindi siya dapat kaawaan.
13 “Huwag kayong gagamit ng dalawang uri ng pabigat sa timbangan, isang mabigat at isang magaan. 14 Huwag din kayong gagamit ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. 15 Ang tamang pabigat ang gagamitin ninyo sa timbangan, at ang gagamiting takalan ay iyong husto sa sukat upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 16 Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.
Ang Paglipol sa Lahi ni Amalek
17 “Huwag(F) ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. 18 Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. 19 Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.