Deuteronomio 16
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Pinaalala ang Pista ng Paskwa(A)
16 “Ipagdiwang(B) ninyo ang unang buwan at ganapin ang Paskwa para kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat unang buwan nang ilabas niya kayo sa Egipto. 2 Mag-aalay kayo ng tupa o baka bilang handog na pampaskwa sa lugar na pipiliin niya. 3 Sa pagkain ninyo ng handog na ito, huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa; sa loob ng pitong araw, ang kakainin ninyo ay tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng pagtitiis. Gagawin ninyo ito bilang pag-alala sa inyong pag-alis sa Egipto. 4 Sa loob ng pitong araw na iyon, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa nasasakupan ng inyong lupain. Huwag din ninyong pababayaang umagahin ang kahit kapiraso ng inihandog ninyo sa gabi. 5 Ang paghahandog ay huwag ninyong gagawin sa loob ng inyu-inyong bayan, 6 kundi sa lugar lamang na pipiliin ni Yahweh. Ito'y iaalay ninyo paglubog ng araw, sa oras ng pag-alis ninyo noon sa Egipto. 7 Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda. 8 Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon.
Pinaalala ang Pista ng mga Sanlinggo(C)
9 “Pagkalipas(D) ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas, 10 ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo. 11 Kasama ninyo sa pagdiriwang ang inyong sambahayan, mga alipin, ang mga Levitang kasama ninyo, ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga babaing balo; gaganapin ninyo ito sa lugar na pipiliin ni Yahweh. 12 Huwag ninyong kalilimutang kayo'y naging alipin din sa Egipto, kaya't sundin ninyong mabuti ang kanyang mga tuntunin.
Pinaalala ang Pista ng mga Tolda(E)
13 “Pitong(F) araw na ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Tolda, matapos iligpit sa kamalig ang inyong inani at mailagay sa imbakan ang katas ng ubas. 14 Isasama ninyo sa pagdiriwang na ito ang inyong mga anak, mga alipin, ang mga Levita, mga dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo. 15 Pitong araw kayong magpipista sa lugar na pipiliin ni Yahweh; pagpapalain niya ang inyong mga pananim at lahat ng inyong gagawin para makapagdiwang kayong lahat.
16 “Sa loob ng isang taon, ang inyong kalalakihan ay tatlong beses haharap kay Yahweh: tuwing Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng mga Sanlinggo, at Pista ng mga Tolda. Magdadala sila ng handog tuwing haharap, 17 ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.
Ang Paggagawad ng Katarungan
18 “Pumili kayo ng mga hukom at ng iba pang pinuno para sa bawat bayan, ayon sa inyong mga lipi. Sila ang magpapasya sa inyong mga usapin at maggagawad ng katarungan. 19 Huwag(G) ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid. 20 Katarungan lamang ang inyong paiiralin, at kayo'y mabubuhay nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
21 “Huwag(H) kayong magtatayo ng haligi bilang rebulto ng diyosang si Ashera sa tabi ng altar na gagawin ninyo para kay Yahweh na inyong Diyos. 22 At(I) huwag kayong gagawa ng rebultong sasambahin sapagkat iyon ay kasuklam-suklam sa kanya.