Daniel 2
Magandang Balita Biblia
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
2 Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. 2 Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip.”
4 Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico,[a] “Mabuhay ang hari! Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
5 Sinabi ng hari sa mga astrologo, “Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan. 6 Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip.”
7 Muli silang sumagot, “Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
8 Sinabi naman ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo 9 na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo iyon.”
10 Sumagot ang mga astrologo, “Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. 11 Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila namumuhay na kasama ng tao.”
12 Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. 13 Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga kaibigan.
Inihayag ng Diyos kay Daniel ang Panaginip
14 Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 15 Tinanong niya ito, “Bakit po nag-utos ng ganito kabigat[b] ang mahal na hari?” At sinabi naman sa kanya ni Arioc ang dahilan.
16 Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. 17 Matapos payagan, umuwi si Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. 18 Hiniling niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 19 Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. 20 Ang sabi ni Daniel:
“Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,
pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21 Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,
naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;
siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22 Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;
nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23 Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,
dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,
ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”
25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”
26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”
27 Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:
29 “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. 30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.
31 “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
36 “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”
Ginantimpalaan si Daniel
46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” 48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.
Footnotes
- Daniel 2:4 ARAMAICO: Sa orihinal na wika, ang bahaging 2:4–7:28 ay nakasulat sa wikang Aramaico, isang wikang malapit sa wikang Hebreo.
- Daniel 2:15 kabigat: o kaya'y kabilis .
Daniel 7
Magandang Balita Biblia
Ang Pangitain ni Daniel tungkol sa Apat na Halimaw
7 Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.
2 Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. 3 Mula(A) sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. 4 Ang(B) una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. 5 Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” 6 Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. 7 Pagkaraan,(C) nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. 8 Pinagmasdan(D) kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.
Ang Pangitain tungkol sa Nabubuhay Magpakailanpaman
9 Habang(E) ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. 10 Parang(F) bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.
11 Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy. 12 Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay.
13 Patuloy(G) ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. 14 Binigyan(H) siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.
Ang Kahulugan ng mga Pangitain
15 Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. 16 Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. 17 Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. 18 Ngunit(I) ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”
19 Hinangad kong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw sapagkat malaki ang kaibahan nito sa tatlo at dahil sa nakakatakot ang anyo nito: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilulunok ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. 20 Hinangad ko ring malaman ang kahulugan ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at naging dahilan para mabunot ang tatlo. Gusto ko ring malaman ang kahulugan ng mga mata at ng bibig sa sungay na sobrang kayabangan ang pinagsasasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba.
21 Samantalang(J) ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito ang mga hinirang ng Diyos. 22 Pagkatapos,(K) dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.
23 Ganito ang sinabi niya sa akin: “Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kahariang lilitaw sa daigdig. Kakaiba ito sa lahat ng kaharian sapagkat masasakop, yuyurakan at dudurugin nito ang buong daigdig. 24 Ang(L) sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari ng kahariang ito. Sa gitna nila'y lilitaw ang isa na kaiba sa mga nauna at tatlong hari ang kanyang pababagsakin. 25 Magsasalita(M) siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. 26 Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at pupuksain siya nang lubusan. 27 Ang(N) kaharian at ang karangalan ng mga kaharian sa buong daigdig ay ibibigay sa mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Sila ay maghahari magpakailanman. Maglilingkod at susunod sa kanila ang lahat ng kaharian.”
28 Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay lubhang nabahala at namutla sa takot. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na ito.
Daniel 8
Magandang Balita Biblia
Ang Pangitain tungkol sa Barakong Tupa at Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain.[a] 2 Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. 3 Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. 4 Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya.
5 Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. 6 Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. 7 Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa.
8 Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. 9 Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. 10 Umabot(A) ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. 11 Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. 12 Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. 13 May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?”
14 “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa.
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain
15 Habang akong si Daniel na nakakita ng pangitaing ito ay nagsisikap na maunawaan ang kahulugan nito, biglang lumitaw sa harapan ko ang tulad ng isang tao. 16 At(B) mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig ng tao na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa taong ito ang pangitain.” 17 Nang lumapit siya sa akin, dumapa ako sa lupa dahil sa matinding takot.
Sinabi niya sa akin, “Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.”
18 Samantalang nagsasalita siya, walang malay-tao akong bumagsak sa lupa. Ngunit hinawakan at itinayo niya ako. 19 Sinabi niya sa akin, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa katapusan ng panahon kapag ipinakita na ng Diyos ang kanyang poot. 20 Ang dalawang sungay ng barakong tupa na nakita mo ay ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang barakong kambing ay ang hari ng Grecia at ang malaking sungay sa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Tungkol naman sa apat na sungay na humalili sa unang sungay, nangangahulugan itong mahahati sa apat ang kaharian ngunit hindi magiging makapangyarihang tulad noong una. 23 Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit at tusong hari ang lilitaw. 24 Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat sapagkat magagawa niya ang lahat niyang magustuhan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga hinirang ng Diyos. 25 Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay. Magiging palalo siya at walang pakundangan niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makakahadlang sa kanya; pati ang Pinuno ng mga pinuno ay lalabanan niya. Ngunit pababagsakin siya hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. 26 Ang pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa gabi at sa umaga ay totoo ngunit ilihim mo muna ito sapagkat matatagalan pa bago ito maganap.”
27 Akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Pagkatapos, nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo ng hari. Nabagabag ako ng pangitaing iyon sapagkat hindi ko iyon maunawaan.
Footnotes
- Daniel 8:1 Sa orihinal na wika, ang bahaging 8:1–12:13 ay nakasulat na sa wikang Hebreo.
Daniel 11
Magandang Balita Biblia
11 “Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako.
Ang mga Hari ng Egipto at Siria
2 “Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. 3 Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. 4 Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.
5 “Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. 6 Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.
7 “Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. 8 Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. 9 At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.
10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.
14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15 Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16 Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.
17 “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19 Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.
20 “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.
Ang Masamang Hari ng Siria
21 “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22 Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23 Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24 Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.
25 “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26 Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.
29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30 Hahadlangan(A) siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31 Magpapadala(B) siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34 Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35 Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.
36 “Gagawin(C) ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. 37 Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. 38 Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. 39 Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala.
40 “Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. 41 Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. 42 Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. 43 Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia[a] ay masasakop niya. 44 Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. 45 Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya.
Footnotes
- Daniel 11:43 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus,” sakop nito ang kasalukuyang mga bansa ng Etiopia at Sudan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.