Add parallel Print Page Options

Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan

Nang(A) ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Pinahintulutan(B) ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos.

Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia. Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari. Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda. Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias.

Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon. Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz. 10 Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.”

11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan. 12 Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.”

14 Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. 15 At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari. 16 Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari.

17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip.

18 Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar. 19 Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari. 20 Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian. 21 Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro.

Ang Panaginip ni Nebucadnezar

Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip.”

Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico,[a] “Mabuhay ang hari! Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”

Sinabi ng hari sa mga astrologo, “Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan. Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip.”

Muli silang sumagot, “Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”

Sinabi naman ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo iyon.”

10 Sumagot ang mga astrologo, “Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. 11 Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila namumuhay na kasama ng tao.”

12 Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. 13 Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga kaibigan.

Inihayag ng Diyos kay Daniel ang Panaginip

14 Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 15 Tinanong niya ito, “Bakit po nag-utos ng ganito kabigat[b] ang mahal na hari?” At sinabi naman sa kanya ni Arioc ang dahilan.

16 Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. 17 Matapos payagan, umuwi si Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. 18 Hiniling niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 19 Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. 20 Ang sabi ni Daniel:

“Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,
    pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21 Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,
    naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;
    siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22 Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;
    nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
    sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23 Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,
dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,
    ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
    panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari

24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”

25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”

26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”

27 Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:

29 “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. 30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.

31 “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.

36 “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”

Ginantimpalaan si Daniel

46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” 48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.

Iniutos sa Lahat na Sumamba sa Rebultong Ginto

Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. Nang nasa harap na sila ng rebulto, malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar.

Pinaratangan ang Tatlong Judio

Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! 10 Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. 11 At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. 12 Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.”

13 Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. 14 Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? 15 Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?”

16 Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. 17 Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. 18 Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.”

Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon

19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.

Ang Panalangin ni Azarias

24 Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon. 25 Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,

26 “Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.
    Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!
27 Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;
    makatuwiran ang iyong landas;
    walang kinikilingan ang mga hatol mo.
28 Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,
    ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.
    Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.
29 Talagang kami'y nagkasala,
    lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.
30 Hindi namin ginampanan ang iyong mga utos
    na para sa kapakanan din naming lahat.
31 Kaya nga, makatarungan lamang
    ang mga parusang inilapat mo sa amin.
32 Ipinabihag mo kami sa pinakamahigpit naming mga kaaway, lahing malulupit at kasuklam-suklam.
    Inalipin kami ng isang napakasamang hari, pinakamasama sa buong sanlibutan.
33 At ngayon, nauutal ang aming dila sa laki ng kahihiyan.
    Kaming iyong mga alipin at tagasunod ay naging kasuklam-suklam.
34 Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon;
    huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin.
35 Muli mo kaming kahabagan,
    alang-alang kay Abraham na iyong minamahal,
    kay Isaac na iyong lingkod,
    at kay Israel na iyong ginawang banal.
36 Ipinangako mong pararamihin ang kanilang lahi
    gaya ng mga bituin sa langit at ng buhanginan sa tabing-dagat.
37 Subalit ngayon, Panginoon, kami ay naging pinakamaliit na bansa.
    Dahil sa aming mga kasalanan, kami ang pinakaaba ngayon sa sanlibutan.
38 Wala kaming hari, mga propeta, o mga pinuno ngayon.
    Walang templong mapagdalhan sa mga handog na susunugin, mga hain at insenso;
    wala man lamang dakong mapaghandugan upang kami ay humingi ng awa mo.
39 Ngunit lumalapit kami sa iyo ngayon na nagsisisi at nagpapakumbaba.
Tanggapin mo na kami na parang nag-aalay ng mga barakong tupa at toro,
    at libu-libong matatabang tupa na susunugin bilang handog sa iyong harapan.
40 Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
    upang kami'y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
    Walang nagtiwala sa iyo na nabigo.
41 Simula ngayon, buong puso kaming susunod sa iyo,
    sasamba at magpupuri sa iyo.
42 Huwag mo kaming biguin.
    Sapagkat ikaw ay maamo at mapagkalinga,
    kahabagan mo kami at saklolohan.
43 Muli mong iparanas sa amin ang iyong kahanga-hangang pagliligtas
    upang muling dakilain ang iyong pangalan, Panginoon.
44 “Mapahiya nawa ang lahat ng nananakit sa amin na iyong mga alipin;
    alisin mo ang kanilang kapangyarihan,
    at durugin ang kanilang lakas.
45 Ipakita mong ikaw lamang ang Panginoong Diyos
    na makapangyarihan at dakila sa buong sanlibutan.”

46 Ang mga alipin ng hari na naghagis sa tatlong kabataang lalaki sa pugon ay patuloy na naghahagis doon ng mga pampaningas: langis, alkitran, dayami at mga sanga ng kahoy, 47 anupa't tumaas nang mahigit dalawampu't dalawang metro ang apoy. 48 Lumabas ang ningas at nasunog ang mga taga-Babilonia na nakatayo malapit sa pugon. 49 Ngunit(C) bumabâ ang isang anghel ng Panginoon at sinamahan ang tatlong kabataan. Itinulak ng anghel ang apoy papalayo sa tatlo 50 at ginawang sa paligid nila'y tila may umiihip na napakalamig na hanging parang hamog. Kaya't hindi sila nalapatan ng apoy o nasaktan dahil dito.

Ang Awit ng Tatlong Kabataan

51 Habang naroon sa loob ng pugon, ang tatlong kabataan ay sama-samang nagpuri at nagparangal sa Diyos,

52 “Pinupuri ka namin, Panginoon; Diyos ng aming mga ninuno;
    karapat-dapat po kayong parangalan
    at dakilain magpakailanman!
53 Purihin po ang iyong marangal at banal na pangalan.
    Nararapat kang purihin at parangalan magpakailanman.
54 Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
    lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
55 Purihin ka mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
    nakikita po ninyo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
    Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
56 Purihin ka, na nakaupo sa maningning mong trono,
    karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
57 Purihin ka sa buong sangkalangitan;
    karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.

58 “Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilikha;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
59 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat, mga kalangitan;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
60 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga anghel ng Panginoon;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
61 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga tubig sa ibabaw ng langit;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
62 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na bumubuo ng kanyang hukbo;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
63 Purihin ninyo ang Panginoon, araw at buwan;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
64 Purihin ninyo ang Panginoon, mga bituin sa langit;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

65 “Purihin ninyo ang Panginoon, mga ulan at hamog;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
66 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng hanging umiihip sa buong daigdig;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
67 Purihin ninyo ang Panginoon, apoy at init;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
68 Purihin ninyo ang Panginoon, matinding lamig at nakakapasong init;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
69 Purihin ninyo ang Panginoon, mga hamog at yelong nalalaglag;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
70 Purihin ninyo ang Panginoon, mga gabi at mga araw;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
71 Purihin ninyo ang Panginoon, liwanag at kadiliman;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
72 Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at ginaw;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
73 Purihin ninyo ang Panginoon, yelo at taglamig;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
74 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kidlat at mga ulap;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

75 “O lupa, dakilain mo ang Panginoon;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
76 Purihin ninyo ang Panginoon, mga bundok at mga burol;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
77 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tumutubo sa lupa;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
78 Purihin ninyo ang Panginoon, mga dagat at mga ilog;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
79 Purihin ninyo ang Panginoon, mga batis at mga bukal;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
80 Purihin ninyo ang Panginoon, mga balyena at lahat ng nilikhang nasa tubig;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
81 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng ibon sa himpapawid;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
82 Purihin ninyo ang Panginoon, mga kawan at maiilap na hayop;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

83 “Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng tao sa daigdig;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
84 Purihin ninyo ang Panginoon, bansang Israel;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
85 Purihin ninyo ang Panginoon, mga paring naglilingkod sa Panginoon;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
86 Purihin ninyo ang Panginoon, mga lingkod ng Panginoon;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
87 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga tapat;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
88 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga banal at mapagpakumbaba;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
89 Purihin ninyo ang Panginoon, Hananias, Azarias, at Misael;
    awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Sapagkat hinango niya tayo sa daigdig ng mga patay; iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kamatayan.
    Hinango niya tayo sa nagliliyab na pugon;
    iniligtas niya tayo sa apoy.
90 Pasalamatan natin ang Panginoon sapagkat napakabuti niya;
    nananatili magpakailanman ang kanyang habag.
91 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na sumasamba sa kanya;
    awitan siya ng papuri, ang Diyos ng mga diyos.
    Pasalamatan natin siya dahil sa habag niyang walang hanggan.”

92 Nagtaka at biglang napatindig si Haring Nebucadnezar at itinanong sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”

“Opo, kamahalan,” sagot nila.

93 “Bakit apat ang nakikita kong walang gapos at naglalakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog? At ang tingin ko sa ikaapat ay parang anak ng mga diyos.”

Pinalaya at Itinaas sa Tungkulin sina Shadrac, Meshac at Abednego

94 Lumapit si Haring Nebucadnezar sa may bunganga ng pugon. Sinabi niya, “Lumabas kayo riyan at halikayo rito, Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!” Lumabas nga silang tatlo mula sa pugon 95 at lumapit sa kanila ang lahat ng mga pinuno ng kaharian. Tiningnan silang mabuti ng mga ito ngunit wala man lamang nakitang bakas ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog ni bahagya man ang kanilang buhok at ang kanilang kasuotan. Hindi rin sila nag-amoy usok.

96 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego! Isinugo niya ang kanyang anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na sumampalataya sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan. 97 Kaya, ipinag-uutos ko: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay papatayin at ang kanilang bahay ay wawasakin. Walang ibang diyos na makakapagligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.”

98 At sina Shadrac, Meshac at Abednego ay itinaas niya sa tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.

Ang Ikalawang Panaginip ni Haring Nebucadnezar

Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang pahayag para sa lahat ng lahi, bansa at wika sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad:

“Kapayapaan nawa ang sumainyo. Buong kagalakang ipinapahayag ko sa inyo ang mga kababalaghan at himala na ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos.

“Ang kanyang kababalaghan ay kamangha-mangha
    at kagila-gilalas ang mga himala!
Walang hanggan ang kanyang kaharian;
    kapangyarihan niya'y magpakailanman.

“Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag. Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo'y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin.

10 “Ito ang panaginip ko habang ako'y natutulog: May isang napakataas na punongkahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig. 11 Tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito ng buong daigdig. 12 Madahon ang mga sanga nito at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga hayop at ang mga ibon naman ay namumugad sa kanyang mga sanga. Dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.

13 “Nakita ko rin sa panaginip na bumababa mula sa langit ang isang anghel na nagbabantay. 14 Sumigaw siya nang malakas, ‘Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito. 15 Ngunit huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. 16 Ang isip niya'y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon. 17 Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’

18 “Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.”

Ang Paliwanag ni Daniel sa Panaginip ng Hari

19 Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.”

Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip. 20 Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig, 21 may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon, 22 ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig. 23 Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon. 24 Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. 25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. 26 Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. 27 Kaya,(D) mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”

28 Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia. 30 Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”

31 Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. 32 Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.”

33 Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.

Patotoo ni Nebucadnezar

34 “Pagkatapos(E) ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.

Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan,
    ang paghahari niya'y magpakailanman.
35 Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga;
    ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya.
Walang maaaring mag-utos sa kanya
    ni makakatutol sa kanyang ginagawa.

36 “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati.

37 “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.”

Ang mga Sulat sa Pader

Minsan, si Haring Belsazar ay nagdaos ng malaking handaan para sa sanlibo niyang tagapamahala, at nakipag-inuman siya sa kanila. Nang lasing na si Haring Belsazar, ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito. Habang sila'y nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga diyos na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.

Walang anu-ano'y lumitaw ang isang kamay ng tao at sumulat ito sa pader ng palasyo sa tapat ng lalagyan ng ilawan. Nakita ito ng hari, namutla siya, nangatog ang mga tuhod at nalugmok sa matinding takot. Sumigaw siya, “Dalhin dito ang mga enkantador, mga astrologo, at mga manghuhula.” Sinabi niya sa mga ito, “Sinumang makabasa at makapagpaliwanag sa nakasulat na ito ay bibihisan ko ng damit na kulay ube, kukuwintasan ko ng ginto, at gagawin kong ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian.” Dumating lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa kahulugan ng nakasulat sa pader. Lalong nabagabag at namutla ang hari. Litung-lito naman ang kanyang mga tagapamahala.

10 Ang inang reyna ni Haring Belsazar ay pumasok sa bulwagan nang marinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, “Mabuhay ang anak kong hari. Huwag kang mabagabag at mamutla sa takot. 11 Sa kaharian mo ay may isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nebucadnezar, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking iyon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pinuno ng mga salamangkero, mga enkantador, mga nakikipag-usap sa mga espiritu, at mga astrologo 12 dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip at ng mga palaisipan, at paglutas ng mabibigat na suliranin. Ang lalaking iyon ay si Daniel na tinawag ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ito sa iyo.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat sa Pader

13 Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. 14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. 15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”

17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.

18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. 21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.

22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. 23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. 24 Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.

25 “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin.[c] 26 Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. 27 ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. 28 ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”[d]

29 Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. 30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia. 31 Ang kanyang kaharian ay kinuha ni Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na.

Si Daniel sa Kulungan ng mga Leon

Si Haring Dario ay pumili ng isandaa't dalawampung pinuno ng mga rehiyon sa buong kaharian. Pumili rin siya ng tatlong mamamahala sa mga pinuno ng rehiyon at mangangalaga sa kapakanan ng hari, at isa rito si Daniel. Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga pinuno ng mga rehiyon dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian. Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga pinuno ng mga rehiyon ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makitang dahilan sapagkat laging matapat si Daniel sa kanyang tungkulin. Kaya't sinabi nila, “Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”

Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, “Mabuhay ang Haring Dario! Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga pinuno ng mga rehiyon, at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyong sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon. Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia—batas na hindi mababago ni mapapawalang bisa.” At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario.

10 Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian. 11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin, 12 siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?”

Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.”

13 Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”

14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. 15 Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.”

16 Dahil(F) dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” 17 Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. 18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.

19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”

21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! 22 Wala(G) pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”

23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. 24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.

25 Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! 26 Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.

“Sapagkat siya ang Diyos na buháy,
    at mananatili magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian,
    at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
27 Siya ay sumasaklolo at nagliligtas;
    gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”

28 At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.

Ang Pangitain ni Daniel tungkol sa Apat na Halimaw

Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.

Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. Mula(H) sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. Ang(I) una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. Pagkaraan,(J) nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. Pinagmasdan(K) kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.

Ang Pangitain tungkol sa Nabubuhay Magpakailanpaman

Habang(L) ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. 10 Parang(M) bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.

11 Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy. 12 Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay.

13 Patuloy(N) ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. 14 Binigyan(O) siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.

Ang Kahulugan ng mga Pangitain

15 Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. 16 Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. 17 Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. 18 Ngunit(P) ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”

19 Hinangad kong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw sapagkat malaki ang kaibahan nito sa tatlo at dahil sa nakakatakot ang anyo nito: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilulunok ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. 20 Hinangad ko ring malaman ang kahulugan ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at naging dahilan para mabunot ang tatlo. Gusto ko ring malaman ang kahulugan ng mga mata at ng bibig sa sungay na sobrang kayabangan ang pinagsasasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba.

21 Samantalang(Q) ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito ang mga hinirang ng Diyos. 22 Pagkatapos,(R) dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.

23 Ganito ang sinabi niya sa akin: “Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kahariang lilitaw sa daigdig. Kakaiba ito sa lahat ng kaharian sapagkat masasakop, yuyurakan at dudurugin nito ang buong daigdig. 24 Ang(S) sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari ng kahariang ito. Sa gitna nila'y lilitaw ang isa na kaiba sa mga nauna at tatlong hari ang kanyang pababagsakin. 25 Magsasalita(T) siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. 26 Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at pupuksain siya nang lubusan. 27 Ang(U) kaharian at ang karangalan ng mga kaharian sa buong daigdig ay ibibigay sa mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Sila ay maghahari magpakailanman. Maglilingkod at susunod sa kanila ang lahat ng kaharian.”

28 Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay lubhang nabahala at namutla sa takot. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na ito.

Ang Pangitain tungkol sa Barakong Tupa at Kambing

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain.[e] Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya.

Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa.

Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. 10 Umabot(V) ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. 11 Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. 12 Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. 13 May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?”

14 “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa.

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain

15 Habang akong si Daniel na nakakita ng pangitaing ito ay nagsisikap na maunawaan ang kahulugan nito, biglang lumitaw sa harapan ko ang tulad ng isang tao. 16 At(W) mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig ng tao na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa taong ito ang pangitain.” 17 Nang lumapit siya sa akin, dumapa ako sa lupa dahil sa matinding takot.

Sinabi niya sa akin, “Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.”

18 Samantalang nagsasalita siya, walang malay-tao akong bumagsak sa lupa. Ngunit hinawakan at itinayo niya ako. 19 Sinabi niya sa akin, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa katapusan ng panahon kapag ipinakita na ng Diyos ang kanyang poot. 20 Ang dalawang sungay ng barakong tupa na nakita mo ay ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang barakong kambing ay ang hari ng Grecia at ang malaking sungay sa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Tungkol naman sa apat na sungay na humalili sa unang sungay, nangangahulugan itong mahahati sa apat ang kaharian ngunit hindi magiging makapangyarihang tulad noong una. 23 Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit at tusong hari ang lilitaw. 24 Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat sapagkat magagawa niya ang lahat niyang magustuhan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga hinirang ng Diyos. 25 Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay. Magiging palalo siya at walang pakundangan niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makakahadlang sa kanya; pati ang Pinuno ng mga pinuno ay lalabanan niya. Ngunit pababagsakin siya hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. 26 Ang pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa gabi at sa umaga ay totoo ngunit ilihim mo muna ito sapagkat matatagalan pa bago ito maganap.”

27 Akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Pagkatapos, nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo ng hari. Nabagabag ako ng pangitaing iyon sapagkat hindi ko iyon maunawaan.

Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan

Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. Akong(X) si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.

Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:

“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon,(Y) lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang(Z) buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. 15 Panginoon(AA) naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. 16 Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. 17 Dahil(AB) dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. 18 O(AC) Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. 19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pahayag

20 Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos, 21 ang(AD) anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi. 22 Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa. 23 Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain.

24 “Pitumpung linggo[f] ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan. 25 Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo.[g] Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo;[h] ito ay panahon rin ng kaguluhan. 26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang linggo,[i] papatayin ang hinirang ng Diyos. Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. 27 Ang(AE) haring ito'y gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo.[j] Pagkaraan ng kalahating linggo,[k] papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito.”

Ang Pangitain ni Daniel sa Pampang ng Ilog Tigris

10 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Ciro ng Persia, isang pahayag ang dumating kay Daniel na tinatawag ding Beltesazar. Ang pahayag na iyon ay totoo ngunit mahirap unawain. Ngunit naunawaan din ito ni Daniel sa pamamagitan ng pangitain.

Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagluluksa. Tatlong linggo na rin akong hindi kumain ng anumang masarap na pagkain, ni tumikim man lamang ng karne o alak. Ni hindi ako naglagay ng langis sa aking ulo. Noong ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa pampang ng malaking Ilog Tigris, tumingala(AF) ako at may nakita akong isang lalaking nakadamit ng telang lino at may sinturong yari sa lantay na ginto. Ang katawan niya'y kumikinang na parang topaz at ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat. Nagliliyab na parang sulo ang kanyang mga mata at ang kanyang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao. Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain sapagkat nagtakbuhang nanginginig sa takot at nagsipagtago ang aking mga kasama. Naiwan akong mag-isa, kaya ako lang ang nakakita sa pangitain. Nawalan ako ng lakas at ako'y namutla. Nagsalita ang lalaking iyon; at nang marinig ko ang kanyang tinig, walang malay akong nasubasob sa lupa.

Ipinaliwanag ang Pangitain

10 Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “O Daniel, lubos kitang minamahal, tumayo ka at pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko. Isinugo ako para sabihin ito sa iyo.” Nanginginig naman akong tumayo. 12 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula pa nang nagpakumbaba ka sa harapan ng Diyos upang magkaroon ka ng pang-unawa, dininig na ang iyong dalangin. Kaya naparito ako. 13 Ngunit(AG) pinigilan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel, isa sa mga pangunahing pinuno na sumaklolo sa akin sapagkat naiwan ako noong nag-iisa kasama ng mga hari ng Persia.[l] 14 Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.”

15 Matapos niyang sabihin ito, napayuko na lamang ako at hindi makapagsalita. 16 At may isang kahawig ng tao na biglang humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing ito. 17 Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo sapagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.”

18 Kaya muli niya akong hinipo at nanumbalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na labis na minamahal, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong kalooban at magpakatapang ka.” Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nagbalik ang aking lakas.

Sinabi ko, “Magpatuloy kayo, ginoo, at naibalik na ninyo ang aking lakas.”

20 Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako naparito? Babalik ako sa Persia upang ituloy ang pakikipaglaban sa pinuno ng kahariang iyon. Pagkatapos ay darating naman ang pinuno ng Grecia. 21 Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nasa Aklat ng Katotohanan. Sa pakikipaglaban ko'y wala akong makatulong kundi si Miguel na iyong pinuno.”

11 “Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako.

Ang mga Hari ng Egipto at Siria

“Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.

“Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.

“Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.

10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.

14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15 Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16 Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.

17 “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19 Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.

20 “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.

Ang Masamang Hari ng Siria

21 “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22 Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23 Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24 Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.

25 “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26 Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.

29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30 Hahadlangan(AH) siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31 Magpapadala(AI) siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34 Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35 Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.

36 “Gagawin(AJ) ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. 37 Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. 38 Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. 39 Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala.

40 “Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. 41 Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. 42 Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. 43 Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia[m] ay masasakop niya. 44 Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. 45 Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya.

Pahayag tungkol sa Huling Panahon

12 “Sa(AK) panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Muling(AL) mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman. Daniel,(AM) ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay.”

Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?”

Itinaas(AN) ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.”

Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya't ako'y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinatnan ng lahat ng ito?”

Sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. 10 Marami(AO) ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. 11 Lilipas(AP) ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. 12 Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. 13 Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.”

ANG AKLAT NI SUSANA

Panimula

Ang salaysay tungkol kay Susana ay idinagdag sa Aklat ni Daniel nang ito ay isalin sa wikang Griego. Ang maikling kuwentong ito ay isa sa mga pinakamainam na maikling panitikan sa buong mundo. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga paksang "tagumpay ng mabuti laban sa masama" at "pananampalataya sa Diyos", ipinapakita nito ang angking kagandahang sining. Isinasalaysay dito kung paanong ang maganda at butihing si Susana ay pinawalang sala dahil sa karunungan at katapangang ipinamalas ni Daniel.

Naakit ang Dalawang Hukom sa Kagandahan ni Susana

13 May nakatira noon sa Babilonia na isang lalaking nagngangalang Joakim. Ang asawa niya ay si Susana na anak ni Hilkias. Si Susana ay isang babaing bukod sa napakaganda ay may takot pa sa Diyos. Ang kanyang mga magulang ay mga tapat na Judio at pinalaki siya ng mga iyon ayon sa Kautusan ni Moises.

Napakayaman ni Joakim at ang bahay niya'y napapaligiran ng malawak at magandang hardin. Karaniwa'y doon nagpupulong ang mga Judio sapagkat iginagalang siya ng lahat. 5-6 Iyon ang naging tanggapan ng dalawang hukom ng bayan at doon nagpupunta ang mga taong may usapin. Nang taong iyon, nahalal na hukom ang dalawang matandang pinuno, at ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa kanila: “Lumabas sa Babilonia ang kasamaan sa katauhan ng dalawang matanda na naglilingkod sa bayan bilang mga hukom.”

Nakagawian na ni Susana ang mamasyal sa hardin ng kanyang asawa pagkaalis ng mga tao upang mananghalian. Sa araw-araw na pamamasyal niya doon ay nakikita siya ng dalawang pinuno at naakit ang mga ito sa kanya. Nagkaroon sila ng masamang hangarin sa babae. Sa kanilang pagkahibang kay Susana, tinalikuran nila ang pananalangin at kinalimutan ang kanilang tungkuling magpatupad ng katarungan sa bayan. 10 Kapwa sila nag-aalab sa pagnanasa kay Susana, ngunit inililihim nila sa isa't isa ang kanilang nadarama, 11 sapagkat nahihiya silang aminin ang kanilang pagnanasa. 12 Kaya't buong pananabik nilang hinihintay ang gayong oras bawat araw upang makita si Susana.

13 Isang araw, sabi nila sa isa't isa, “Umuwi na tayo! Oras na ng pananghalian.” 14 Naghiwalay nga sila ngunit nagbalik agad upang sundan ng tingin si Susana. Hindi sinasadya'y nagkasalubong sila. Noong una'y sinikap nilang ipaliwanag ang dahilan kung bakit naroon sila, ngunit sa huli ay inamin nila ang tunay nilang nadarama. Kaya't nagkasundo silang abangan si Susana habang ito ay nag-iisa.

Tinangka ng Dalawang Hukom na Akitin si Susana

15 At dumating ang pagkakataon. Gaya nang dati, si Susana ay pumasok sa hardin na kasama ang dalawa niyang katulong. Napakainit noon kaya't naisipan niyang maligo. 16 Wala nang iba pang nasa hardin kundi ang nagkukubling dalawang hukom na naninilip sa kanya. 17 Sinabi ni Susana sa kanyang mga katulong, “Dalhan ninyo ako ng pabango at langis ng olibo, at isara ninyo ang mga pinto para makapaligo na ako.” 18 Sumunod naman ang mga inutusan. Isinara nga nila ang mga pinto ng hardin. Lumabas sila sa maliit na pinto sa tagiliran upang kunin ang kanyang kailangan. Hindi nila nakita ang nagtatagong dalawang hukom.

19 Pagkaalis ng mga katulong, mabilis na lumapit kay Susana ang dalawang hukom. 20 “Sarado ang mga pinto at walang makakakita sa atin,” sabi nila kay Susana. “Sabik na sabik kami sa iyo, kaya't pagbigyan mo na ang aming kahilingan. 21 Kapag tumanggi ka, sasabihin naming nahuli ka namin na nakikipagtagpo sa isang binata, kaya mo pinaalis ang iyong mga katulong.”

22 Litung-lito(AQ) si Susana at nasabi niya, “Wala akong lusot. Kung papayag ako sa inyo, paparusahan ako ng kamatayan. Kapag tumanggi naman ako, maghihiganti kayo sa akin. 23 Ngunit mamatamisin ko pang lasapin ang tindi ng inyong higanti kaysa magkasala ako laban sa Panginoon.” 24 Pagkasabi niyon ay malakas na nagsisigaw si Susana, ngunit sinabayan siya ng paratang ng dalawang lalaki. 25 Ang isa'y tumakbo sa pinto at binuksan ito.

26 Narinig sa buong kabahayan ang ingay sa hardin, kaya't nagmamadaling pumasok ang mga utusan sa pinto sa tagiliran para alamin kung ano ang nangyayari roon. 27 Sinabi ng dalawang hukom ang kanilang paratang kay Susana at ang mga katulong ay nabigla sa kanilang narinig sapagkat wala pa silang narinig na gayong paratang laban kay Susana.

Ang Paratang ng Dalawang Hukom Laban kay Susana

28 Kinabukasan, nang magkatipon na sa bahay ni Joakim ang mga tao, dumating ang dalawang hukom. Handa na silang hatulan ng kamatayan si Susana. 29 Sa harapan ng lahat ay ipinag-utos nilang tawagin si Susana, ang anak ni Hilkias at kabiyak ni Joakim. 30 Dumating ang babae, kasama ang kanyang mga magulang, mga anak, at lahat ng kanyang kamag-anak. 31 Si Susana ay napakaganda at napakahinhin. 32 May takip na belo ang kanyang mukha, subalit iniutos ng dalawang masamang hukom na alisin iyon upang pagsawaang tingnan ang kagandahan ni Susana. 33 Lungkot na lungkot namang nag-iiyakan ang pamilya ni Susana, maging ang mga taong naroroon.

34 Tumayo ang dalawang hukom, ipinatong sa ulo ni Susana ang mga kamay nila at ipinahayag ang kanilang mga paratang laban kay Susana. 35 Napatingala na lamang sa langit ang lumuluhang si Susana sapagkat tunay na nananalig siya sa Panginoon. 36 Sinabi ng mga hukom, “Naglalakad kami sa hardin nang pumasok ang babaing ito, kasama ang kanyang dalawang katulong. Isinara niya ang mga pinto ng hardin, saka pinaalis ang mga katulong. 37 Hindi nagtagal, lumabas sa pinagkukublihan ang isang binata at silang dalawa'y nagtalik. 38 Naroon kami sa isang sulok ng hardin. Pagkakita namin sa kanilang ginagawang kasamaan, lumapit kami. 39 Kahit na nakita namin sila na nagyayakapan, hindi namin napigilan ang lalaki. Higit na malakas siya kaysa amin, kaya't madali niyang nabuksan ang pinto at tumakas. 40 Itong babae ang pinigilan namin at tinanong kung sino ang binatang iyon, subalit ayaw niyang magtapat. Nanunumpa kaming ang aming ipinahayag ay pawang katotohanan.” 41 Sapagkat kinikilala silang pinuno ng bayan at mga hukom pa, pinaniwalaan ng mga tao ang kanilang salaysay at nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana.

Nanalangin si Susana

42 Dahil dito, malakas na sinabi ni Susana, “Diyos na walang hanggan, nalalaman po ninyo ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari. 43 Alam po ninyo na walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Bakit ako papatayin gayong hindi ko naman ginawa ang ibinibintang nila sa akin?”

Iniligtas ni Daniel si Susana

44-45 Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa bitayan, isang binatang nagngangalang Daniel ang nilukuban ng Diyos upang magpahayag ng pagtutol. 46 “Ayokong mapabilang sa mga sumasang-ayong patayin ang babaing ito,” sigaw niya.

47 Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”

48 Tumayo ang binata sa kalagitnaan nila at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang hindi muna sinisiyasat at maingat na inalam ang katotohanan? 49 Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan laban sa kanya.”

50 Nagmamadaling bumalik ang mga tao sa lugar na pinaglitisan. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, dahil binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang pinuno, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”

51 Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.” 52 Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang kahihiyan! Kailangang panagutan mo na ang maraming kasalanang ginawa mo. 53 Hindi(AR) makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinaparusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala, bagama't sinabi ng Panginoon, ‘Huwag ninyong paparusahan ng kamatayan ang walang sala.’ 54 Kung talagang nakita mo ang ipinaparatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa akin, sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang mahuli ninyo?”

Sumagot siya, “Sa ilalim ng maliit na puno ng goma.”

55 Sinabi ni Daniel, “Kung gayon, buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, sapagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo at hahatiin[n] ka sa dalawa.”

56 Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman malupit na Canaanita na hindi mula sa angkan ni Juda. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso. 57 Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi kayang sikmurain ang iyong kabuktutan! 58 Sabihin mo, sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”

At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng malaking puno ng roble.”

59 “Kung gayon!” sagot naman ni Daniel, “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, sapagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin[o] ka sa pamamagitan ng espada. Sa gayon, pareho kayong mapapahamak.”

60 Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng naroroon at nagpuri sila sa Diyos sapagkat iniligtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya. 61 Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila'y nagsisinungaling at nanumpa nang hindi totoo. 62 Hinatulan(AS) silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang hindi totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan nang araw na iyon. 63 Si Hilkias at ang kanyang asawa ay nagpuri sa Diyos sapagkat napatunayang hindi totoo ang mga ipinaratang kay Susana. Gayon din ang pasasalamat ng asawa niyang si Joakim at lahat ng kanyang mga kamag-anak. 64 At mula noon, si Daniel ay dinakila ng kanyang mga kababayan.

SI BEL AT ANG DRAGON

Panimula

Ang aklat ng Si Bel at ang Dragon ay binubuo ng dalawang kuwento na idinagdag sa Aklat ni Daniel nang isalin ito sa wikang Griego. Ang unang salaysay ay patungkol sa karunungan at katapangan ni Daniel nang ibunyag niya na hindi totoo ang diyus-diyosang si Bel. Ang pangalawang kuwento ay naglalarawan naman kung paano niya pinatay ang dragon na sinasamba ng mga taga-Babilonia.

Si Daniel at ang mga Pari ni Bel

14 1-2 Nang mamatay si Haring Astyages, ang humalili sa kanya ay si Haring Ciro ng Persia. Si Daniel ay malapit sa hari at higit na pinagkakatiwalaan nito kaysa iba niyang tagapayo.

Ang(AT) mga taga-Babilonia ay may diyus-diyosan na tinatawag nilang Bel. Araw-araw, ibinibili nila ito ng labindalawang malalaking takal[p] na pinong harina, apatnapung tupa, at limampung galon ng alak. Naniniwala si Haring Ciro na talagang diyos si Bel at sumasamba siya rito araw-araw. Ngunit walang sinasamba si Daniel kundi ang kanyang Diyos.

Kaya't isang araw, sinabi ng hari, “Daniel, bakit hindi mo sinasamba si Bel?” Sumagot si Daniel, “Sapagkat hindi po ako naniniwala sa mga diyus-diyosang gawa lamang ng tao; ang sinasamba ko po'y ang buháy na Diyos, ang lumalang ng langit at lupa at siyang Panginoon ng buong sangkatauhan.”

Nagtanong muli ang hari, “Ang ibig mo bang sabihin ay hindi buháy na diyos si Bel? Hindi mo ba nakikita kung gaano karami ang kinakain niya't iniinom araw-araw?”

Tumawa si Daniel at sumagot, “Huwag kayong palinlang, Kamahalan. Iyang si Bel ay putik lamang na binalot ng tanso. Wala siyang anumang kinakain o iniinom.”

Nagalit ang hari at ipinatawag ang mga pari ni Bel at galit na sinabing, “Kapag hindi ninyo sinabi sa akin kung sino ang kumakain ng mga pagkaing ito, kayo'y mamamatay. Subalit kung mapatunayan naman ninyong si Bel nga ang kumakain nito, si Daniel ang mamamatay sapagkat sinabi niyang hindi diyos si Bel.”

At sinabi ni Daniel sa hari, “Mangyari ang inyong sinabi.”

10 Pitumpu ang mga pari ni Bel, bukod pa sa kanilang mga asawa't anak. Pumasok sa templo ni Bel ang hari, kasama si Daniel. 11 Sinabi ng mga pari sa hari, “Mahal na hari, kami po'y lalabas. Kayo na po ang maglagay ng pagkain at alak sa dambana ni Bel. Pagkatapos, isara ninyo ang pinto at tatakan ng inyong singsing. 12 Pagbalik ninyo bukas ng umaga at makita ninyong hindi inubos ni Bel ang lahat ng ito, kami ang mamamatay. Ngunit kung inubos niya, si Daniel na nagbintang sa amin ng hindi totoo ang siyang mamamatay.”

13 Matapang sila sa paghahamon nang gayon sapagkat sa ilalim ng hapag sa templo ay mayroon silang lihim na lagusan. Doon sila nagdaraan kung gabi at sila ang umuubos sa mga pagkaing dinadala roon araw-araw.

14 Pagkaalis nga ng mga pari, inilagay ng hari ang mga handog na pagkain sa dambana ng diyus-diyosang si Bel. Inutusan naman ni Daniel ang kanyang mga alipin na magdala ng maraming abo. Ikinalat nila ito sa buong bulwagan ng templo. Ang hari lamang ang nakakita ng ginawa nila. Pagkalabas nila, isinara ang pinto at nilagyan ng tatak ng hari.

Footnotes

  1. 4 ARAMAICO: Sa orihinal na wika, ang bahaging 2:4–7:28 ay nakasulat sa wikang Aramaico, isang wikang malapit sa wikang Hebreo.
  2. 15 kabigat: o kaya'y kabilis .
  3. 25 Mene, Mene, Tekel, Parsin: Sa literal ay Bilang, bilang, timbang, pagkakabahagi .
  4. 28 PERSIA: Sa wikang Aramaico, ang mga salitang “Persia” at “pagkakabahagi” ay magkasintunog.
  5. 1 Sa orihinal na wika, ang bahaging 8:1–12:13 ay nakasulat na sa wikang Hebreo.
  6. 24 Pitumpung linggo: o kaya'y Pitumpung panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon .
  7. 25 pitong linggo: o kaya'y pitong panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon .
  8. 25 animnapu't dalawang linggo: o kaya'y animnapu't dalawang panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon .
  9. 26 animnapu't dalawang linggo: o kaya'y animnapu't dalawang panahon; ang bawat panahon ay tumatagal ng pitong taon.
  10. 27 isang linggo: o kaya'y isang panahon na tumatagal ng pitong taon .
  11. 27 linggo: o kaya'y panahon na tumatagal ng pitong taon .
  12. 13 mga hari ng Persia: Sa ibang manuskrito'y mga prinsipe (o pinuno) ng kaharian ng Persia .
  13. 43 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus,” sakop nito ang kasalukuyang mga bansa ng Etiopia at Sudan.
  14. 55 HAHATIIN: Sa wikang Griego, ang salitang “hahatiin” at “maliit na puno ng goma” ay magkasintunog.
  15. 59 PUTULIN: Sa wikang Griego, ang mga salitang “putulin” at “malaking puno ng roble” ay magkasintunog.
  16. 3 MALALAKING TAKAL: Ang takalang ginagamit dito ay sinlaki ng sisidlang maaaring maglaman ng dalawang galong tubig.