Daniel 7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Panaginip ni Daniel tungkol sa Apat na Hayop
7 Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat:
2 “Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon. 3 Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.
4 “Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.
5 “Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa[a] at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’
6 “Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.
7 “Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.
8 “Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.
9 “Pagkatapos ay nakita kong may mga tronong inilagay, at umupo sa kanyang trono ang Dios na Nabubuhay Magpakailanman. Nakakasilaw ang kanyang damit at buhok dahil sa kaputian. Nagliliyab ang kanyang tronong may mga gulong. 10 At mula sa kanya ay umaagos ang apoy. Milyon-milyon ang mga naglilingkod sa kanya. Handa na siyang humatol, kaya binuksan ang mga aklat.
11 “Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan. 12 At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maigsing panahon.
13 “Pagkatapos, nakita ko ang parang tao[b] na pinaliligiran ng ulap. Lumapit siya sa Dios na Nabubuhay Magpakailanman. 14 Pinarangalan siya at binigyan ng kapangyarihang maghari, at naglingkod sa kanya ang lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika. Ang paghahari niya ay walang hanggan. At walang makakapagpabagsak ng kaharian niya.
Ang Kahulugan ng Panaginip
15 “Nabagabag ako sa aking nakita. 16 Kaya lumapit ako sa isang nakatayo roon at nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng nakita kong iyon. 17 Sinabi niya, ‘Ang apat na hayop ay nangangahulugan ng apat na haring maghahari sa mundo. 18 Pero ang mga banal[c] ng Kataas-taasang Dios ang siyang bibigyan ng kapangyarihang maghari magpakailanman.’
19 “Tinanong ko pa siya kung ano ang ibig sabihin ng ikaapat na hayop na ibang-iba sa tatlo. Nakakatakot itong tingnan; ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso. Sinasakmal niya at niluluray ang kanyang mga biktima, at kung may matitira ay kanyang tinatapak-tapakan. 20 Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay. 21 Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Dios, at nananalo siya. 22 Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanman, ang Kataas-taasang Dios, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.
23 “Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo. 24 Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari. 25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Dios, at uusigin niya ang mga banal ng Dios. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista[d] at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Dios sa loob ng tatloʼt kalahating taon. 26 Pero hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos. 27 At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Dios ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian[e] ay magpapasakop sa kanila.
28 “Iyon ang panaginip ko. Nabagabag ako at namutla sa takot. Pero hindi ko ito sinabi kahit kanino.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®