Colosas 2
Ang Salita ng Diyos
2 Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pakikipagbaka para sa inyo, at sa mga taga-Laodicea, at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin ng mukhaan. 2 Ito ay upang mapalakas ang kanilang mga loob na magkaisa sila sa pag-ibig. At upang magkaroon sila ng lahat ng kayamanan ng lubos na katiyakan ng pang-unawa sa pagkaalam ng hiwaga ng Diyos, at ng Ama at ni Cristo. 3 Sa kaniya natatago ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman. 4 Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong madaya ng sinuman ng mga salitang kaakit-akit. 5 Ito ay sapagkat kahit ako ay wala riyan sa aking laman, naririyan naman ako sa inyo sa aking espiritu, na nagagalak at nakakakita ng inyong kaayusan at ng katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.
Kalayaan Mula sa Tuntunin ng Tao sa Pamamagitan ng Buhay kay Cristo
6 Kaya nga, sa paraang tinanggap ninyo si Cristo bilang Panginoon, mamuhay naman kayong gayon sa kaniya.
7 Kayo ay nag-ugat ng malalim, at natayo sa kaniya na matatag na nagtutumibay sa pananampalatayang itinuro sa inyo at umaapaw dito na may pasasalamat.
8 Mag-ingat kayo, na baka bihagin kayo ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at ng walang kabuluhang panlilinlang, na ayon sa kaugalian ng mga tao, ayon sa mga espiritwal na kapangyarihan ng sanlibutanito at hindi naaayon kay Cristo.
9 Ito ay sapagkat nananahan sa kaniyang katawan ang lahat ng kapuspusan ng kalikasan ng Diyos. 10 Kayo ay ganap sa kaniya na siyang pangulo ng lahat ng pamunuan at kapamahalaan. 11 Sa kaniya, kayo ay nasa pagtutuli hindi sa pamamagitan ng mga kamay, upang hubarin ninyo ang mga kasalanan sa laman, sa pamamagitan ng pagiging nasa pagtutuli na kay Cristo. 12 Kayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo. Dito, kayo rin naman ay mulingbinuhay na kasama niya sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, sa paggawa ng Diyos na bumuhay sa kaniya mula sa mga patay.
13 Kayo, na mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at sa hindi pagiging nasa pagkatuli ng inyong laman, ay binuhay na kasama niya. Kayo ay pinatawad na sa lahat ng mga pagsalangsang. 14 Binura na niya ang nasulat na mga batas na laban sa atin. Inalis niya ito sa kalagitnaan natin at ipinako ito sa krus. 15 Hinubaran na niya ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga kapamahalaan. Inilantad niya sila sa madla at inihayag niya ang kaniyang pagtatagumpay sa pamamagitan ng krus.
16 Kaya nga, huwag ninyong hayaan na hatulan kayo ng sinuman patungkol sa pagkain, o sa inumin, o patungkol sa pagdiriwang ng kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabat. 17 Ang mga ito ay isang anino lamang ng mga bagay na darating ngunit ang katunayan ay si Cristo. 18 May taong nasisiyahan sa paggawa ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Huwag ninyong hayaan ang gayong tao na dayain kayo at hindi ninyo makuha ang inyong gantimpala. Siya ay nagkukunwaring nakakita ng mga bagay na hindi naman niya nakita. Ang kaniyang isipang makalaman ay nagpalaki ng kaniyang ulo nang walang katuturan. 19 Siya ay hindi nanatiling nakaugnay sa tunay na ulo, na kung saan ang buong katawan ay lumalago sa pamamagitan ng paglago na mula sa Diyos. Ito ay sa mga ibinibigay ng mga kasukasuan at ng mga litid na siyang nagpapalusog at nag-uugnay-ugnay sa buong katawan.
20 Kung kayo nga ay namatay na kasama ni Cristo mula sa mgaespiritwal na kapangyarihan ng sanlibutan, bakit kayo, na waring nabubuhay pa sa sanlibutan, ay nagpapasakop pa sa mga batas? 21 Ang mga ito ay: Huwag kang hahawak, huwag kang titikim, huwag kang hihipo. 22 Ang mga batas na ito ay tumutukoy sa mga bagay na masisira, kapag ang mga ito ay ginagamit. Ang mga ito ay ayon sa mga utos at sa mga aral ng mga tao. 23 Ang mga bagay na ito ay waring may karunungan sa kusang pagsamba at huwad na pagpapakumbaba at pagpapahirap ng katawan. Ngunit ang mga ito ay walang kapangyarihan laban sa kalayawan sa laman.
Colosas 2
Ang Biblia, 2001
2 Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagsisikap alang-alang sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat na hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan.
2 Upang maaliw sana ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakaisa sa pag-ibig, at magkaroon ang lahat ng mga kayamanan ng buong katiyakan ng pagkaunawa, at magkaroon ng kaalaman ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo,
3 na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.
4 Ito'y sinasabi ko upang huwag kayong madaya ng sinuman sa mga pananalitang kaakit-akit.
5 Sapagkat bagaman ako'y wala sa katawan, gayunma'y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita ko ang inyong kaayusan, at ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.
Kapuspusan ng Buhay kay Cristo
6 Kaya't kung paanong tinanggap ninyo si Cristo Jesus na Panginoon, ay lumakad kayong gayon sa kanya,
7 na nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, gaya ng itinuro sa inyo, na sumasagana sa pasasalamat.
8 Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo.
9 Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan,
10 at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan.
11 Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo;
12 nang(A) ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.
13 At(B) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di-pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan,
14 na(C) pinawi ang sulat-kamay[a] na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus.
15 Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito.
16 Kaya't(D) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,
17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.
18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,
19 at(E) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning,
21 “Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak”?
22 Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao.
23 Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman.
Footnotes
- Colosas 2:14 o talaan ng pagkakautang .
Copyright © 1998 by Bibles International
