Add parallel Print Page Options

Panalangin para Tulungan ng Dios

O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
    dahil akoʼy nanghihina na.
O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
    Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
    Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
    sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
    Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
    dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.

Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
    dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
    at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
    kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.

Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios

Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
Baka patayin nila ako,
    katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
    kung walang magliligtas sa akin.
Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
    o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
    Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.

Sige na po, O Panginoon kong Dios,
    ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
    dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
    at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
    Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
    dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
    at namumuhay nang wasto.
Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
    at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
    dahil kayo ay Dios na matuwid,
    at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
    Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
    ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
    Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
    Nahasa na niya ang kanyang espada,
    at nakaumang na ang palasong nagbabaga.

14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
    kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
    Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
    pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.

17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
    Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.

Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan

O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
    at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
    kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.

Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
    at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
    Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
    at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.