Mga Awit 46
Ang Biblia, 2001
Ang Diyos ay Kasama Natin
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.
46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
isang handang saklolo sa kabagabagan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
3 bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)
4 May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
tutulungan siyang maaga ng Diyos.
6 Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
8 Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
9 Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
Ako'y mamumuno sa mga bansa,
ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
Footnotes
- Mga Awit 46:9 Sa LXX ay panangga .
Salmo 46
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Kasama Natin ang Dios
46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
2 Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
3 Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
at mayanig ang kabundukan.
4 May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
5 Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
6 Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
7 Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
8 Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
9 Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
“Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
Footnotes
- 46:10 Tumigil kayo: o, Tumahimik kayo o, Bitawan ninyo ang mga armas ninyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®