Add parallel Print Page Options

Ang Diyos ay Kasama Natin

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.

46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
    isang handang saklolo sa kabagabagan.
Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
    bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
    bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)

May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
    ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
    tutulungan siyang maaga ng Diyos.
Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
    binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
    kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
    kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
    kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
    Ako'y mamumuno sa mga bansa,
    ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Footnotes

  1. Mga Awit 46:9 Sa LXX ay panangga .

Kasama Natin ang Dios

46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
    Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
    at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
    at mayanig ang kabundukan.

May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
    sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
    Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
    Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
    Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
    “Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
    Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
    Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”

11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Footnotes

  1. 46:10 Tumigil kayo: o, Tumahimik kayo o, Bitawan ninyo ang mga armas ninyo.