Mga Awit 142
Ang Biblia, 2001
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Mga Awit 142
Ang Biblia (1978)
Panalangin upang tulungan sa panahon ng ligalig. (A)Masquil ni David, nang siya'y nasa yungib; Dalangin.
142 Ako'y (B)dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
Ako'y namamanhik ng aking tinig sa Panginoon.
2 (C)Aking ibinubugso ang daing ko sa harap niya;
Aking ipinakilala sa harap niya ang kabagabagan ko.
3 Nang nanglupaypay ang diwa ko sa loob ko,
Nalaman mo ang aking landas.
(D)Sa daan na aking nilalakaran
Ay pinagkukublihan nila ako ng silo.
4 (E)Tumingin ka sa aking kanan, at tingnan mo:
Sapagka't (F)walang tao na nakakakilala sa akin:
Kanlungan ay kulang ako;
Walang taong lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon;
Aking sinabi: Ikaw ay aking kanlungan,
(G)Aking bahagi (H)sa lupain ng may buhay.
6 Pakinggan mo ang aking daing;
Sapagka't (I)ako'y totoong nababa:
Iligtas mo ako sa nagsisiusig sa akin;
Sapagka't sila'y malakas kay sa akin.
7 (J)Ilabas mo ang aking kaluluwa sa bilangguan,
Upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan:
Kubkubin ako ng matuwid;
(K)Sapagka't ikaw ay gagawang may kagandahang-loob sa akin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
