Add parallel Print Page Options

O maharlikang babae, napakaganda ng mga paa mong may sandalyas. Hugis ng iyong mga hitaʼy parang mga alahas na gawa ng bihasa. Ang pusod moʼy kasimbilog ng tasang laging puno ng masarap na alak. Ang baywang moʼy parang ibinigkis na trigong napapaligiran ng mga liryo. Ang dibdib moʼy tila kambal na batang usa. Ang leeg moʼy parang toreng gawa sa pangil ng elepante. Ang mga mata moʼy kasinglinaw ng batis sa Heshbon, malapit sa pintuang bayan ng Bet Rabim. Ang ilong moʼy kasingganda ng tore ng Lebanon na nakaharap sa Damasco. Ang ulo moʼy kasingganda ng Bundok ng Carmel. Ang buhok moʼy kasingkintab ng mga maharlikang kasuotan at ang hariʼy nabihag sa kagandahan nito.

O napakaganda mo, aking sinta, umaapaw ka sa kariktan. Ang tindig moʼy parang puno ng palma at ang dibdib moʼy parang mga bunga nito. At aking sinabi, “Aakyat ako sa palma at hahawak sa kanyang mga bunga.” Ang iyong dibdib ay parang katulad ng kumpol ng ubas, at ang samyo ng iyong hiningaʼy parang mansanas. Ang halik moʼy kasingtamis ng pinakamasarap na alak. Ang alak na itoʼy dahan-dahang dumadaloy mula sa labi ng aking minamahal.

Babae

10 Ako ay sa kanya lang, at ako lamang ang kanyang inaasam. 11 Halika mahal ko, pumunta tayo sa bukid at doon magpalipas ng gabi, sa tabi ng mga bulaklak ng henna.[a] 12 Maaga tayong gumising at ating tingnan kung namulaklak at namunga na ang ubasan. Tingnan din natin kung namumukadkad na ang mga pomegranata. At doon, ipadarama ko sa iyo ang aking pagmamahal. 13 Maaamoy mo ang bango ng mandragora, at malapit sa ating pintuan ay may mga piling hain na prutas, luma at bago. Sapagkat ang mga itoʼy sadyang inihanda ko para sa iyo, aking mahal.

Footnotes

  1. 7:11 mga bulaklak ng henna: o, mga baryo.