Awit ng mga Awit 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Lalaki
5 Nasa hardin ako ngayon, aking irog na magiging kabiyak ko. Nanguha ako ng mira at mga pabango. Kinain ko ang aking pulot at ininom ang aking alak at gatas.
Mga Babae ng Jerusalem
Kayong mga nagmamahalan, kumain kayo at uminom.
Babae
2 Habang akoʼy natutulog, nanaginip ako. Narinig kong kumakatok ang mahal ko. Ang sabi niya, “Papasukin mo ako, irog ko. Basang-basa na ng hamog ang ulo ko.” 3 Pero sinabi ko, “Hinubad ko na ang aking damit, isusuot ko pa ba itong muli? Hinugasan ko na ang aking mga paa, dudumihan ko pa ba itong muli?” 4 Nang hawakan ng aking mahal ang susian ng pinto, biglang tumibok ng mabilis ang aking puso. 5 Bumangon ako upang siyaʼy papasukin. At nang hawakan ko ang susian ng pinto tumulo ang mira sa kamay ko. 6 Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, pero wala na siya. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, pero walang sumagot. 7 Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha[a] pa nila ang aking damit. 8 Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig.
Mga Babae ng Jerusalem
9 O babaeng pinakamaganda, ano bang mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba?
Babae
10 Ang aking mahal ay makisig at mamula-mula ang kutis. Nag-iisa lamang siya sa sampung libong lalaki. 11 Mas mahal pa sa ginto ang kanyang ulo. Buhok niyaʼy medyo kulot at kasing-itim ng uwak. 12 Mga mata niyaʼy napakagandang pagmasdan, tulad ng mamahaling hiyas at tulad ng mata ng mga kalapati, na kasingputi ng gatas, sa tabi ng batis. 13 Mga pisngi niyaʼy kasimbango ng harding puno ng halamang ginagawang pabango. At ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na dinadaluyan ng mira. 14 Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro. 15 Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon. 16 Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.
Footnotes
- 5:7 kinuha: o, pinunit.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®