Add parallel Print Page Options

10 Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. 11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani.[a] Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. 12 Sapagkat alam ko[b] kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. 13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. 14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. 15 Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.

16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay[c] na kasama ng mga taong inupahan para umiyak. 17 May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas.[d] Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Araw ng Paghatol ng Dios

18 Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. 19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. 20 Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.

Ang Gusto ng Panginoon na Dapat Gawin ng Kanyang mga Mamamayan

21 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. 22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. 23 Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.

Read full chapter

Footnotes

  1. 5:11 magbigay sa inyo ng kanilang ani bilang buwis o upa sa lupa.
  2. 5:12 ko: o, ng Dios.
  3. 5:16 Ipapatawag … umiyak sa mga patay: Ang ibig sabihin, ang mga magsasaka ay makikipaglibing sa mga umusig sa kanila.
  4. 5:17 Ang ubasan ay lugar ng kasayahan lalo na kapag panahon ng pagpitas ng mga bunga nito. Pero magiging lugar ito ng iyakan.