Add parallel Print Page Options

Kayong mga kilalang babae sa Samaria, para kayong mga baka ng Bashan na inaalagaan nang mabuti. Ginigipit ninyo at pinagmamalupitan ang mga mahihirap, at inuutusan pa ninyo ang inyong asawa ng ganito, “Kumuha ka ng alak at mag-inom tayo!” Kaya pakinggan ninyo itong sinasabi ng Panginoong Dios: “Sa aking kabanalan, isinusumpa ko na darating ang araw na bibihagin kayo ng inyong mga kaaway na gaya ng pagbingwit sa isda. Palalabasin nila kayo sa inyong lungsod sa pamamagitan ng mga siwang ng inyong gumuhong pader, at dadalhin nila kayo sa lupain ng Harmon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Kayong mga Israelita, pumunta kayo sa inyong sinasambahan sa Betel at sa Gilgal at dagdagan pa ninyo ang inyong kasalanan. Magdala kayo ng inyong mga handog bawat umaga at magdala kayo ng inyong mga ikapu tuwing ikatlong araw. Sige, magsunog kayo ng tinapay na may pampaalsa bilang handog ng pasasalamat. Ipagmalaki ninyo iyan pati ang inyong mga handog na kusang-loob, dahil iyan ang gusto ninyong gawin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan; pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Ako rin ang pumigil sa ulan sa loob ng tatlong buwan bago dumating ang anihan. Pinauulan ko sa isang bayan pero sa iba ay hindi. Pinauulan ko sa isang bukirin pero ang ibang bukirin ay tigang. Dahil sa panghihina, pasuray-suray kayong naghahanap ng maiinom. Palipat-lipat kayo sa mga bayan sa paghahanap ng tubig, pero walang makuhang sapat. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga peste. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

10 “Pinadalhan ko rin kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Egipto noon. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinahirapan ko rin kayo sa baho ng mga patay sa inyong mga kampo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

11 “Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodom at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

12 “Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyo na mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Dios!”

13 Ang Dios ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,[a] at siya rin ang nagpapalipas ng araw para maging gabi. Ipinapaalam niya sa tao ang kanyang mga plano at siya ang namamahala sa buong mundo. Ang kanyang pangalan ay Panginoon, ang Dios na Makapangyarihan.

Ang Panawagan sa Pagsisisi

Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:

Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.
    Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.

Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira. Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo. Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel. Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.[b] Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi[c] at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”

Ang Dios ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan para pumunta sa mga ulap upang muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan. Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan,[d] at dinudurog ang napapaderang lungsod.

10 Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. 11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani.[e] Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. 12 Sapagkat alam ko[f] kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. 13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. 14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. 15 Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.

16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay[g] na kasama ng mga taong inupahan para umiyak. 17 May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas.[h] Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Araw ng Paghatol ng Dios

18 Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. 19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. 20 Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.

Ang Gusto ng Panginoon na Dapat Gawin ng Kanyang mga Mamamayan

21 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. 22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. 23 Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.

25 “Mga mamamayan ng Israel, noong nasa ilang ang inyong mga ninuno sa loob ng 40 taon, naghandog ba sila sa akin? Hindi! 26 At ngayon ay buhat-buhat ninyo si Sakut, ang dios-diosang itinuturing ninyong hari, at si Kaiwan, ang dios-diosan ninyong bituin. Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin. 27 Kaya ipapabihag ko kayo at dadalhin sa kabila pa ng Damascus.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na tinatawag na Dios na Makapangyarihan.

Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel

Nakakaawa kayong mga pinuno ng Zion at Samaria na nagpapasarap sa buhay at walang pakialam. Itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mararangal na tao ng nangungunang bansa, at sa inyo lumalapit ang inyong mga mamamayan na nangangailangan. Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa lungsod ng Calne, ang malaking lungsod ng Hamat, at ang lungsod ng Gat sa Filistia. Mas makapangyarihan ba kayo kaysa sa mga kahariang iyon? Mas malawak ba ang inyong lupain kaysa sa kanila?

Kawawa kayong nag-aakala na hindi darating sa inyo ang araw ng pagpaparusa. Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan, lalo ninyong pinadadali ang araw na iyon na maghahari ang karahasan.

Kawawa kayong mga pahiga-higa lang sa inyong mga mamahaling kama[i] at nagpapakabusog sa masasarap na pagkaing karne ng batang tupa at ng pinatabang guya.

Kawawa kayong mga kumakatha ng mga awit habang tumutugtog ng alpa at mahilig tumugtog ng mga tugtugin katulad ni David.

Kawawa kayong malalakas uminom ng alak at gumagamit ng mamahaling pabango, pero hindi nagdadalamhati sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.[j] Kaya kayong mga pinuno ang unang bibihagin at matitigil na ang inyong mga pagpipista at pagwawalang-bahala.

Kinamumuhian ng Panginoon ang Pagmamataas ng Israel

Sumumpa ang Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”

Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay. 10 Ang bangkay ng namatay ay kukunin ng kanyang kamag-anak upang sunugin. Tatanungin niya ang nagtatago[k] sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?”[l] Kapag sumagot siya ng wala, sasabihin ng nagtanong, “Tumahimik ka na! Baka mabanggit mo pa ang pangalan ng Panginoon at maparusahan tayo.” 11 Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.

12 Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Pero binaliktad ninyo ang katarungan para mapahamak ang tao, at ang katarungan ay ginawa ninyong masama. 13 Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lo Debar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.” 14 Pero ito ang sagot ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo Hamat hanggang sa lambak ng Araba.”

Footnotes

  1. 4:13 hangin: o, espiritu ng tao.
  2. 5:6 Kaya malilipol … makakapigil nito: sa literal, Kaya masusunog ang Betel at walang makakapatay nito.
  3. 5:7 marumi: sa literal, mapait na tanim.
  4. 5:9 napapaderang bayan: o, malalakas na kawal.
  5. 5:11 magbigay sa inyo ng kanilang ani bilang buwis o upa sa lupa.
  6. 5:12 ko: o, ng Dios.
  7. 5:16 Ipapatawag … umiyak sa mga patay: Ang ibig sabihin, ang mga magsasaka ay makikipaglibing sa mga umusig sa kanila.
  8. 5:17 Ang ubasan ay lugar ng kasayahan lalo na kapag panahon ng pagpitas ng mga bunga nito. Pero magiging lugar ito ng iyakan.
  9. 6:4 mamahaling kama: sa literal, higaan na may mga bahaging yari sa pangil ng elepante.
  10. 6:6 pagbagsak ng inyong bansa: sa literal, pagbagsak ni Jose, na ang ibig sabihin ay ang mga lahi ni Jose o ang bansang Israel.
  11. 6:10 nagtatago: o, natira.
  12. 6:10 May kasama ka pa riyan: o, May bangkay pa ba riyan?