Add parallel Print Page Options

Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati (A) ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. 14 Itinakwil(B) ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.

17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[a] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(D) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(E) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[b] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”

Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[c] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”

Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang(F) Jesus na ito

‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
    ang siyang naging batong-panulukan.’

12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito.

Footnotes

  1. 22 ang Panginoon ninyong Diyos: Sa ibang manuskrito'y ang ating Panginoong Diyos .
  2. 25 inyong mga ninuno: Sa ibang manuskrito'y ating mga ninuno .
  3. 1 paring Judio: Sa ibang manuskrito'y mga punong pari.