Add parallel Print Page Options

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Ang Haring Hinirang ng Panginoon

Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
    Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
    at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
    at sa hari na kanyang hinirang.
Sinabi nila,
    “Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
    at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
Sinabi niya,
    “Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
    “Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
    at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
    at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
Pamumunuan mo sila,
    at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
    Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”

10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
    unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
    at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
    kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
    Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.

Panalangin sa Oras ng Panganib

Panginoon, kay dami kong kaaway;
    kay daming kumakalaban sa akin!
Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
Ngunit kayo ang aking kalasag.
    Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[c] na bundok.
At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.

Pumarito kayo, Panginoon!
    Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
    dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
    at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
    Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.

Footnotes

  1. 2:6 Zion: o, Jerusalem.
  2. 2:7 ako ang iyong Ama: o, ipinapakilala mong ama mo ako.
  3. 3:4 banal: o, hinirang.

Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol

Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.

Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.

Pinagsabihan ni Pablo si Pedro

11 Noong dumating si Pedro sa Antioc, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya. 12 Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga hindi Judio. Pero nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga hindi Judio. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Judiong nagpupumilit na magpatuli ang mga hindi Judio para maligtas. 13 Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Judio ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin.

14 Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga hindi Judio na mamuhay na parang mga Judio? Ikaw nga mismo na isang Judio ay namumuhay na parang hindi Judio.”

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

15 Kaming mga ipinanganak na Judio ay iba sa mga hindi Judio na itinuturing ng mga kapwa naming Judio na makasalanan. 16 Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kaming mga Judio ay sumampalataya rin kay Cristo Jesus para maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami sa kagustuhan naming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, masasabi bang si Cristo ang dahilan ng pagiging makasalanan namin? Hindi! 18 Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. 19 Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios. 20 Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. 21 Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!