Add parallel Print Page Options

Lumawak ang Kaharian ni David(A)

Pagkatapos nito, nilusob at nilupig ni David ang mga Filisteo kaya't natapos ang paghahari ng mga ito sa lupaing iyon.[a]

Nilupig din niya ang mga Moabita. Pinahilera niya nang pahiga ang mga ito at sa pamamagitan ng isang panukat, nagpapasya siya kung sino ang dapat patayin. Bawat dalawang sukat ay ipinapapatay at ang pangatlong sukat ay pinaliligtas at pinagbabayad ng buwis.

Tinalo rin niya si Hadadezer, ang anak ng Haring Rehob ng Soba. Si Hadadezer ay papunta noon sa mga lupain sa baybayin ng Ilog Eufrates upang bawiin ang mga lupaing iyon. Sa labanang ito'y 1,700 kawal na nakakabayo at 20,000 kawal na lakad ang nabihag ni David. Pinilayan niya ang mga kabayo, maliban sa itinira niyang sapat na bilang para humila ng sandaang karwahe. Ang napatay nilang tumulong kay Hadadezer na mga taga-Siria buhat sa Damasco ay dalawampu't dalawang libo. Nasakop din niya ang lugar na ito, kaya nagtayo siya ng mga himpilan sa Aram, malapit sa Damasco, at pinagbuwis niya ang mga tagaroon. Sa tulong ni Yahweh, si David ay nagtatagumpay saanman siya magpunta. Ang mga pananggang ginto ni Hadadezer na dala ng kanyang mga alipin ay sinamsam ni David at dinala sa Jerusalem. Marami rin siyang nasamsam na tanso sa Beta at Berotai, mga lunsod ni Hadadezer.

Nang mabalitaan ni Haring Toi ng Hamat na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, 10 isinugo niya ang kanyang anak na si Joram upang batiin si David, sapagkat si Hadadezer ay matagal nang kaaway ni Toi. Dinalhan siya ni Joram ng mga sisidlang pilak, ginto at tanso. 11 Inilaan ni David ang mga ito para sa pagsamba kay Yahweh, kasama ng ginto at pilak na sinamsam niya sa mga bansang kanyang nilupig— 12 sa Edom,[b] sa Moab, sa Ammon, sa Filistia at sa Amalek—at bahagi ng kanyang nasamsam kay Hadadezer, anak ni Rehob na hari ng Soba.

13 Si(B) David ay lalong natanyag nang mapatay niya ang labingwalong libong Edomita[c] sa Libis ng Asin. 14 At bago siya bumalik, nagtayo muna siya ng mga himpilan sa buong Edom at naging alipin niya ang lahat ng mamamayan doon. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya magpunta.

Ang mga Opisyal ni David(C)

15 Naghari si David sa buong Israel. Ipinatupad niya ang batas at pinairal ang katarungan. 16 Ginawa niyang pinuno ng hukbo si Joab, anak ni Zeruias. Si Jehoshafat naman na anak ni Alihud ang kalihim ng pamahalaan. 17 Si Zadok namang anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang tagapagtala at nag-iingat ng lahat ng kasulatan ay si Seraya. 18 Si Benaias na anak ni Joiada ang pinamahala niya[d] sa mga bantay na Kereteo at Peleteo. Ang mga lalaking anak ni David ay nagsilbi ring mga pari.

Footnotes

  1. 2 Samuel 8:1 kaya't natapos…iyon: o kaya'y at inagaw ni David ang bayan ng Metheg-ammah mula sa mga Filisteo .
  2. 2 Samuel 8:12 Sa ibang manuskrito'y Aram .
  3. 2 Samuel 8:13 Edomita: Sa ibang manuskrito'y Arameo .
  4. 2 Samuel 8:18 ang pinamahala niya: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.

Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan(A)

Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.

Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.

Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.

Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.

Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.

Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,

10 sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;

11 ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;

12 mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.

13 At(B) napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

14 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

15 Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.

16 At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;

17 si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;

18 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.