Add parallel Print Page Options

Iyon ang simula ng mahabang labanan sa pagitan ng mga matatapat na tauhan ni Saul at ni David. Lumakas nang lumakas ang grupo ni David. Pero ang kay Saul naman ay humina nang humina.

Ito ang mga anak na lalaki ni David na isinilang sa Hebron: Si Amnon ang panganay, na anak niya kay Ahinoam na taga-Jezreel. Si Kileab ang pangalawa, na anak niya kay Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca, ang anak ni Haring Talmai ng Geshur. Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital. Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Sila ang mga anak ni David na isinilang sa Hebron.

Kumampi si Abner kay David

Habang patuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Saul at ni David, naging makapangyarihang pinuno si Abner sa mga tauhan ni Saul. Isang araw, inakusahan ni Ishboshet si Abner, “Bakit mo sinipingan ang isa sa mga asawa ng ama kong si Saul?” Ang tinutukoy ni Ishboshet ay si Rizpa na anak ni Aya. Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae! Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan. 10 Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”[a] 11 Hindi na nangahas pang magsalita si Ishboshet dahil natatakot siya kay Abner.

12 Pagkatapos, nagsugo si Abner ng mga mensahero kay David na sinasabi, “Kayo ang dapat na maghari sa buong lupain ng Israel. Gumawa po tayo ng kasunduan at tutulungan ko kayong masakop ang buong bayan ng Israel.” 13 Sumagot si David, “Sige, pumapayag akong makipagkasundo sa isang kundisyon: Ibalik ninyo sa akin ang asawa kong si Mical na anak ni Saul sa pagpunta ninyo rito.”

14 Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero kay Ishboshet para sabihin, “Ibalik mo sa akin ang asawa kong si Mical, dahil ipinagkasundo kaming ipakasal kapalit ng 100 buhay at balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya ipinag-utos ni Ishboshet na bawiin si Mical sa asawa nitong si Paltiel na anak ni Laish. 16 Umiiyak na sumunod si Paltiel kay Mical hanggang sa Bahurim. Sinabihan siya ni Abner na umuwi na, at umuwi nga ito.

17 Nakipag-usap si Abner sa mga tagapamahala ng Israel. Sinabi niya, “Matagal nʼyo ng gustong maging hari si David. 18 Ito na ang pagkakataon nʼyo, dahil nangako ang Panginoon sa lingkod niyang si David na sa pamamagitan niya, ililigtas niya ang mga mamamayan niyang Israelita sa kamay ng mga Filisteo at sa lahat ng kalaban nito.”

19 Nakipag-usap din si Abner sa lahi ni Benjamin. At pumunta siya sa Hebron para sabihin kay David na sinusuportahan ng mga mamamayan ng Israel at Benjamin ang pagiging hari niya sa kanila.

20 Nang dumating si Abner sa Hebron kasama ang 20 niyang tauhan, nagdaos si David ng pagdiriwang para sa kanila. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po akong umalis para kumbinsihin ang lahat na mamamayan ng Israel na suportahan kayo bilang hari. Sa ganitong paraan, makikipagkasundo sila inyo na tatanggapin nila kayo bilang hari. Pagkatapos, makakapamuno na po kayo sa buong Israel, sa paraang gusto ninyo.” At hinayaan ni David si Abner na umalis ng matiwasay.

Pinatay ni Joab si Abner

22 Dumating si Joab at ang ibang tauhan ni David sa Hebron mula sa pagsalakay, at marami silang dalang samsam mula sa labanan. Pero wala na roon si Abner dahil pinaalis na siya ni David ng matiwasay. 23 Nang mabalitaan ni Joab na pumunta si Abner sa hari at pinaalis ng matiwasay, 24 pumunta si Joab sa hari at sinabi, “Ano po ang ginawa nʼyo? Pumunta na sa inyo si Abner, bakit pinaalis pa ninyo? Ngayon, wala na siya! 25 Kilala nʼyo naman si Abner na anak ni Ner, pumunta siya rito para dayain at obserbahan ang bawat kilos ninyo.” 26 Iniwan agad ni Joab si David, at nag-utos siyang habulin si Abner. Inabutan nila ito sa balon ng Sira at dinala pabalik sa Hebron. Pero hindi ito alam ni David. 27 Nang naroon na si Abner sa Hebron, dinala siya ni Joab sa may pintuan ng lungsod at kunwariʼy kakausapin niya ito nang silang dalawa lang. At doon sinaksak ni Joab si Abner sa tiyan bilang paghihiganti sa pagpatay ni Abner sa kapatid niyang si Asahel. At namatay si Abner.

28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Alam ng Panginoon na inosente ako at ang mga tauhan ko sa pagkamatay ni Abner na anak ni Ner. 29 Si Joab at ang pamilya niya ang may pananagutan dito. Sumpain nawa ang pamilya niya at huwag mawalan ng may sakit na tulo, malubhang sakit sa balat,[b] pilay, mamamatay sa labanan, at namamalimos.” 30 (Kaya pinatay ni Joab at ng kapatid niyang si Abishai si Abner dahil pinatay nito ang kapatid nilang si Asahel sa labanan doon sa Gibeon.)

31 Pagkatapos, sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga damit at magsuot kayo ng sako. Magluksa kayo habang naglalakad sa unahan ng bangkay ni Abner sa paglilibing sa kanya.” Nakipaglibing din si Haring David na sumusunod sa bangkay. 32 Inilibing si Abner sa Hebron, at labis ang pag-iyak ni Haring David doon sa pinaglibingan. Ganoon din ang lahat ng tao na nakipaglibing. 33 Inawit ni Haring David ang awit ng kalungkutan para kay Abner:

“Bakit namatay si Abner na gaya ng isang kriminal?
34 Hindi iginapos ang mga kamay niya ni ikinadena ang mga paa niya, pero pinatay siya ng masasamang tao.”

Muling iniyakan ng mga tao si Abner. 35 Nang araw na iyon, hindi kumain si David, kaya pinilit siya ng mga tao na kumain. Pero nanumpa si David, “Parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag kumain ako ng anuman bago lumubog ang araw.” 36 Natuwa ang mga tao sa mga sinabi ni David. Pati na rin ang lahat ng ginagawa ni David ay kanilang ikinatuwa. 37 Kaya nalaman ng lahat ng mamamayan ng Israel na walang kinalaman si Haring David sa pagkamatay ni Abner.

38 Pagkatapos, sinabi ni David sa mga tauhan niya, “Hindi nʼyo ba naiisip na napatay ang isang makapangyarihang pinuno ng Israel sa araw na ito? 39 At kahit ako ang piniling hari ngayon, hindi ko kaya sina Joab at Abishai na mga anak ni Zeruya. Mas malakas sila sa akin. Kaya ang Panginoon na lang ang maghihiganti sa masasamang taong ito dahil sa kasamaang ginawa nila.”

Pinatay si Ishboshet

Nang marinig ni Ishboshet na anak ni Saul, na pinatay si Abner sa Hebron, pinagharian siya ng matinding takot pati na ang lahat ng mamamayan ng Israel. May dalawang tauhan si Ishboshet na namumuno sa pagsalakay sa mga lungsod ng mga kalaban: sina Baana at Recab. Mga anak sila ni Rimon na taga-Beerot, mula sa lahi ni Benjamin. Ang Beerot ay sakop ngayon ng Benjamin dahil tumakas ang mga unang naninirahan dito papuntang Gittaim. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila roon bilang mga dayuhan.

(Ang isa pang anak ni Saul na si Jonatan ay may anak na nalumpo, si Mefiboset. Limang taong gulang ito nang dumating ang balitang napatay sina Saul at Jonatan sa labanan sa Jezreel. Nang marinig ng tagapag-alaga ni Mefiboset ang balita, binuhat niya ito at tumakas. Pero dahil sa pagmamadali, nabitawan niya ang bata at nalumpo.)

Isang araw, nagpunta sa bahay ni Ishboshet sina Recab at Baana na mga anak ni Rimon na taga-Beerot. Tanghaling-tapat nang dumating sila habang nagpapahinga si Ishboshet. 6-7 Pumasok sila sa bahay na kunwariʼy kukuha ng trigo. Dumiretso sila sa kwarto ni Ishboshet kung saan nakahiga ito sa kama niya at pagkatapos, sinaksak nila ito sa tiyan. Pinutol nila ang ulo ni Ishboshet at dinala nila ito sa kanilang pagtakas. Buong gabi silang naglakbay sa Lambak ng Jordan.[c]

Pagdating nila sa Hebron, dinala nila kay David ang ulo ni Ishboshet at sinabi, “Narito po ang ulo ni Ishboshet ang anak ni Saul na kalaban nʼyo, na nagtangka sa inyong buhay. Sa araw na ito, ipinaghiganti kayo ng Panginoon laban kay Saul at sa angkan niya.” Sumagot si David, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa presensya ng Panginoon na buhay, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan. 10 Noon ay may taong pumunta sa akin sa Ziklag at sinabing patay na si Saul, akala niyaʼy magandang balita ang dala niya sa akin. Sa halip, ipinadakip ko siya at ipinapatay. Iyon ang gantimpalang ibinigay ko sa balitang inihatid niya sa akin. 11 Ngayon, anong gantimpala ang ibibigay ko sa masasamang taong gaya nʼyo na pumatay ng isang inosenteng tao sa sarili nitong tahanan at sa sarili niyang higaan? Hindi baʼt nararapat na patayin ko kayo para mawala na kayo sa mundo?”

12 Kaya iniutos ni David sa mga tauhan niya na patayin sina Recab at Baana, at sinunod nila ito. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid, at ibinitin ang kanilang katawan malapit sa Imbakan ng Tubig ng Hebron. Pagkatapos, kinuha nila ang ulo ni Ishboshet, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

Naging Hari si David ng Israel(A)

Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami. Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”

Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel. Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon. Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.

Sinakop ni David ang Jerusalem

Isang araw, pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Jerusalem para salakayin ang mga Jebuseo na nakatira roon. Sinabi ng mga Jebuseo kay David, “Hindi kayo makakapasok dito sa Jerusalem! Kahit mga bulag at pilay ay kaya kayong pigilan para hindi kayo makapasok.” Sinabi nila ito dahil iniisip nilang hindi makakapasok sina David. Pero nasakop ni David at ng mga tauhan niya ang matatag na kampo ng Zion, na tinatawag ngayong Lungsod ni David.

Nang hindi pa napapasok ni David ang Jerusalem, sinabi niya sa mga tauhan niya, “Doon kayo dumaan sa daanan ng tubig para makapasok kayo sa Jerusalem at talunin nʼyo ang mga ‘bulag at pilay’ na mga Jebuseo. Kinamumuhian ko sila!” Diyan nagsimula ang kasabihang “Hindi makakapasok ang mga bulag at pilay sa bahay ng Panginoon.”

Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod. 10 Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.

11 Nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero, at may dala silang mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. 12 At naunawaan ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari ng Israel at nagpaunlad ng kaharian niya para sa mga mamamayang Israelita.

13 Nang lumipat siya mula sa Hebron papuntang Jerusalem, marami pa siyang naging asawa; ang iba sa kanilaʼy mga alipin niya, at nadagdagan pa ang mga anak niya. 14 Ito ang mga pangalan ng mga anak niyang lalaki na ipinanganak sa Jerusalem: Shamua, Shobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elishua, Nefeg, Jafia, 16 Elishama, Eliada at Elifelet.

Tinalo ni David ang mga Filisteo(B)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari ng Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan ito ni David, kaya pumunta siya sa isang matatag na kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at nagkampo sa Lambak ng Refaim. 19 Kaya nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo po ba sila sa amin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil siguradong ipapatalo ko sila sa inyo.” 20 Kaya nagpunta sina David sa Baal Perazim, at doon natalo nila ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Panginoon ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha sa harapan ko.” Kaya tinawag na Baal Perazim[d] ang lugar na iyon. 21 Iniwanan doon ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila, at dinala ito ni David at ng mga tauhan niya.

22 Bumalik ang mga Filisteo at muling nagkampo sa Lambak ng Refaim. 23 Kaya muling nagtanong si David sa Panginoon, at sumagot ang Panginoon, “Huwag nʼyo agad silang salakayin kundi palibutan muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 24 Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa taas na bahagi ng puno ng balsamo, dali-dali kayong sumalakay dahil iyon ang tanda na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 25 Ginawa nga ni David ang iniutos ng Panginoon sa kanya, at pinagpapatay nila ang mga Filisteo mula sa Geba[e] hanggang sa Gezer.

Footnotes

  1. 3:10 mula Dan … Beersheba: Ang ibig sabihin, sa buong Israel.
  2. 3:29 malubhang sakit sa balat: Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang Hebreong salita nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.
  3. 4:6-7 Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.
  4. 5:20 Baal Perazim: Ang ibig sabihin, ang Panginoon na sumasalakay.
  5. 5:25 Geba: Ito ang nasa tekstong Hebreo. Sa Septuagint at 1 Cro. 14:16, Gibeon.