Add parallel Print Page Options

Ang Paghihimagsik ni Seba

20 Nagkataon(A) na roon ay may isang masamang tao na ang pangala'y Seba, na anak ni Bicri, na Benjaminita. Kanyang hinipan ang trumpeta, at nagsabi, “Kami ay walang bahagi kay David, o anumang pamana sa anak ni Jesse; bawat tao ay sa kanyang mga tolda, O Israel!”

Kaya't iniwan si David ng lahat ng mga lalaki ng Israel at sumunod kay Seba na anak ni Bicri. Ngunit ang mga anak ni Juda ay matatag na sumunod sa kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.

At(B) dumating si David sa kanyang bahay sa Jerusalem. Kinuha ng hari ang kanyang sampung asawang-lingkod na siyang iniwan niya upang pangalagaan ang bahay, at inilagay sila sa isang bahay na may bantay. Hinandaan sila ng pagkain ngunit hindi siya sumiping sa kanila. Sa gayo'y nasarhan sila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, na nabubuhay na parang mga balo.

Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo sa akin ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw, at humarap ka rito.”

Kaya't humayo si Amasa upang tipunin ang Juda; ngunit siya'y naantala nang higit kaysa panahong itinakda sa kanya.

Sinabi ni David kay Abisai, “Si Seba na anak ni Bicri ay gagawa ng higit na masama kaysa ginawa ni Absalom. Kunin mo ngayon ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin ninyo siya, baka siya'y makakuha ng mga may pader na lunsod at makatakas sa ating paningin.”

At lumabas na kasama ni Abisai sina Joab, ang mga Kereteo, mga Peleteo, at ang lahat ng mga mandirigma. Sila'y lumabas sa Jerusalem upang habulin si Seba na anak ni Bicri.

Nang sila'y nasa malaking bato na nasa Gibeon, si Amasa ay dumating upang salubungin sila. Si Joab ay may kasuotang pandigma, at sa ibabaw niyon ay ang pamigkis na may tabak sa kanyang kaluban na nakatali sa kanyang mga balakang. Samantalang siya'y lumalabas ito ay nahulog.

At sinabi ni Joab kay Amasa, “Kumusta ka, kapatid ko?” At hinawakan ni Joab sa balbas si Amasa ng kanyang kanang kamay upang hagkan siya.

10 Ngunit hindi napansin ni Amasa ang tabak na nasa kamay ni Joab. Itinarak ito ni Joab sa katawan ni Amasa at lumuwa ang bituka nito sa lupa at ito ay namatay. Ito ay hindi na niya inulit pa. At hinabol nina Joab at Abisai na kanyang kapatid si Seba na anak ni Bicri.

11 Isa sa mga tauhan ni Joab ay pumanig kay Amasa, at nagsabi, “Sinumang panig kay Joab, at sinumang para kay David, ay sumunod kay Joab.”

12 Samantala, si Amasa ay nakahandusay sa gitna ng lansangan na naliligo sa sariling dugo. At sinumang magdaan at makakita sa kanya ay humihinto. Nang makita ng lalaki na ang lahat ng tao ay huminto, dinala niya si Amasa mula sa lansangan hanggang sa parang, at tinakpan siya ng isang kasuotan.

13 Nang siya'y maialis sa lansangan, ang buong bayan ay sumunod kay Joab upang habulin si Seba na anak ni Bicri.

14 Si Seba ay dumaan sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa Abel, hanggang sa Bet-maaca. At ang lahat na Berita ay nagtipun-tipon at sumunod sa kanya.

15 Lahat ng taong kasama ni Joab ay dumating at kinubkob siya sa Abel ng Bet-maaca. Naglagay sila ng isang bunton laban sa lunsod, at ito ay tumayo laban sa kuta; at kanilang binundol ang kuta upang ito ay maibuwal.

16 At sumigaw ang isang matalinong babae mula sa lunsod, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab, ‘Pumarito ka upang ako'y makapagsalita sa iyo.’”

17 Siya'y lumapit sa kanya at sinabi ng babae, “Ikaw ba'y si Joab?” Siya'y sumagot, “Ako nga.” At sinabi niya sa kanya, “Pakinggan mo ang mga salita ng iyong lingkod.” At siya'y sumagot, “Aking pinapakinggan.”

18 At sinabi niya, “Sinasabi nang unang panahon, ‘Humingi sila ng payo kay Abel; sa gayo'y tinapos nila ang usapin.’

19 Ako'y isa roon sa mga tahimik at tapat sa Israel. Sinisikap mong gibain ang isang lunsod na isang ina sa Israel. Bakit mo lulunukin ang pamana ng Panginoon?”

20 Si Joab ay sumagot, “Malayo nawa sa akin, malayo nawa na aking lunukin o gibain.

21 Hindi iyon totoo. Subalit isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na tinatawag na Seba na anak ni Bicri, ang nagtaas ng kanyang kamay laban sa Haring David. Ibigay mo lamang siya sa akin at ako'y aalis sa lunsod.” At sinabi ng babae kay Joab, “Ang kanyang ulo ay ihahagis ko sa iyo sa kabila ng kuta.”

22 At ang babae ay lumapit sa mga tao na dala ang kanyang matalinong panukala. Kanilang pinugot ang ulo ni Seba na anak ni Bicri at inihagis papalabas kay Joab. Kanyang hinipan ang trumpeta at sila'y kumalat mula sa lunsod, bawat tao ay sa kanyang tolda. At si Joab ay bumalik sa Jerusalem sa hari.

23 Ngayo'y si Joab ang namumuno sa buong hukbo ng Israel; si Benaya na anak ni Jehoiada ang namumuno sa mga Kereteo at sa mga Peleteo;

24 si Adoram ang namumuno sa sapilitang paggawa; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagasulat;

25 si Seva ay kalihim; sina Zadok at Abiatar ay mga pari;

26 at si Ira na taga-Jair ay pari rin ni David.

Nagrebelde si Sheba kay David

20 Ngayon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na laging naghahanap ng gulo. Siya ay si Sheba na anak ni Bicri. Pinatunog niya ang trumpeta at pagkatapos ay sumigaw, “Mga taga-Israel, wala tayong pakialam kay David na anak ni Jesse! Umuwi na tayong lahat!” Kaya iniwan ng mga taga-Israel si David at sumunod kay Sheba na anak ni Bicri. Pero nagpaiwan ang mga taga-Juda sa hari nila at sinamahan siya mula Ilog ng Jordan papuntang Jerusalem.

Nang makabalik na si David sa palasyo niya sa Jerusalem, iniutos niyang dalhin sa isang bahay ang sampung asawa niyang iniwan para asikasuhin at bantayan ang palasyo. Ibinigay niya lahat ng pangangailangan nila pero hindi na niya sinipingan ang mga ito. Doon sila nanirahan na parang mga biyuda hanggang sa mamatay.

Pagkatapos, sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo ang mga sundalo ng Juda at pumunta kayo sa akin sa ikatlong araw mula ngayon.” Kaya lumakad si Amasa at tinipon ang mga sundalo ng Juda, pero hindi siya nakabalik sa itinakdang araw ng hari. Kaya sinabi ng hari kay Abishai, “Mas malaking pinsala ang gagawin sa atin ni Sheba kaysa sa ginawa ni Absalom. Kaya ngayon, isama mo ang mga tauhan ko at habulin nʼyo siya bago pa niya maagaw ang mga napapaderang lungsod at makalayo siya sa atin.”

Kaya umalis si Abishai sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. Isinama niya si Joab at ang mga tauhan nito, ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo, at ang lahat ng magigiting na sundalo. Nang naroon na sila sa malaking bato sa Gibeon, nakasalubong nila si Amasa. Nakabihis pandigma si Joab at nakasuksok ang espada sa sinturon niya. Habang lumalapit siya kay Amasa, lihim niyang hinugot ang espada niya.[a] Sinabi niya kay Amasa, “Kumusta ka, kaibigan?” Pagkatapos, hinawakan niya ng kanan niyang kamay ang balbas ni Amasa para halikan siya. 10 Pero hindi napansin ni Amasa ang espada sa kaliwang kamay ni Joab. Sinaksak siya ni Joab sa tiyan at lumuwa ang bituka niya sa lupa. Namatay siya agad kaya hindi na siya muling sinaksak ni Joab. Nagpatuloy sa paghabol kay Sheba ang magkapatid na Joab at Abishai. 11 Tumayo sa tabi ni Amasa ang isa sa mga tauhan ni Joab at sinabi sa mga tauhan ni Amasa, “Kung pumapanig kayo kina Joab at David, sumunod kayo kay Joab!” 12 Nakahandusay sa gitna ng daan ang bangkay ni Amasa na naliligo sa sarili niyang dugo. Sinumang dumadaan doon ay napapahinto at tinitingnan ang bangkay. Nang mapansin ito ng mga tauhan ni Joab, kinaladkad nila ang bangkay ni Amasa mula sa daan papunta sa bukid, at tinakpan ito ng tela. 13 Nang makuha na ang bangkay ni Amasa sa daan, nagpatuloy ang lahat sa pagsunod kay Joab sa paghabol kay Sheba.

14 Samantala, pumunta si Sheba sa lahat ng lahi ng Israel para tipunin ang lahat ng kamag-anak niya.[b] Sumunod sa kanya ang mga kamag-anak niya at nagtipon sila sa Abel Bet Maaca. 15 Nang mabalitaan ito ni Joab at ng mga tauhan niya, nagpunta sila sa Abel Bet Maaca at pinalibutan ito. Gumawa sila ng mga tumpok ng lupa sa gilid ng pader para makaakyat sila, at unti-unti nilang sinira ang pader.

16 May isang matalinong babae sa loob ng lungsod na sumigaw sa mga tauhan ni Joab, “Makinig kayo sa akin! Sabihin nʼyo kay Joab na pumunta sa akin dahil gusto kong makipag-usap sa kanya.” 17 Kaya pumunta si Joab sa kanya, at nagtanong ang babae, “Kayo ba si Joab?” Sumagot si Joab, “Oo, ako nga.” Sinabi ng babae, “Makinig po kayo sa sasabihin ko sa inyo.” Sumagot si Joab, “Sige, makikinig ako.” 18 Sinabi ng babae, “May isang kasabihan noon na nagsasabi, ‘Kung gusto nʼyong malutas ang problema nʼyo, humingi kayo ng payo sa lungsod ng Abel.’ 19 Isa po ako sa mga umaasang magpapatuloy ang kapayapaan sa Israel. Pero kayo, bakit pinipilit nʼyong ibagsak ang isa sa mga nangungunang lungsod[c] sa Israel? Bakit gusto nʼyong ibagsak ang lungsod na pag-aari ng Panginoon?” 20 Sumagot si Joab, “Hindi ko gustong ibagsak ang lungsod nʼyo! 21 Hindi iyan ang pakay namin. Sumalakay kami dahil kay Sheba na anak ni Bicri na galing sa kaburulan ng Efraim. Nagrebelde siya kay Haring David. Ibigay nʼyo siya sa amin at aalis kami sa lungsod ninyo.” Sinabi ng babae, “Ihahagis namin sa inyo ang ulo niya mula sa pader.”

22 Kaya pinuntahan ng babae ang mga nakatira sa lungsod at sinabi niya sa kanila ang plano niya. Pinugutan nila ng ulo si Sheba at inihagis nila ito kay Joab. Pagkatapos, pinatunog ni Joab ang trumpeta at umalis ang mga tauhan niya sa lungsod at umuwi. Si Joab ay bumalik sa hari, sa Jerusalem.

Ang mga Opisyal ni David

23 Si Joab ang kumander ng buong hukbo ng Israel. Si Benaya naman na anak ni Jehoyada ang pinuno ng personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoniram ang namumuno sa mga alipin na sapilitang pinagtatrabaho. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapag-ingat ng mga kasulatan sa kaharian. 25 Si Sheva ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang pinuno ng mga pari. 26 Si Ira na taga-Jair ang personal na pari ni David.

Footnotes

  1. 20:8 lihim … espada niya: o, nahulog ang espada niya.
  2. 20:14 lahat ng kamag-anak niya: sa Hebreo, Beriteo. Maaaring ang ibig sabihin, mga angkan ni Bicri.
  3. 20:19 isa sa mga nangungunang lungsod: sa literal, kabisera.