Add parallel Print Page Options

Si David at si Batsheba

11 Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan lang siya sa Jerusalem. Sina Joab, ang mga opisyal niya, at ang lahat ng sundalo ng Israel ang pinapunta niya. Tinalo nina Joab ang mga Ammonita at sinakop ang Rabba.

Isang hapon, bumangon si David at naglakad-lakad sa patag na bubungan ng palasyo. Habang nakatingin siya sa ibaba, may nakita siyang isang magandang babaeng naliligo. Nag-utos si David na alamin kung sino ang babaeng iyon. Napag-alaman niyang ang babae ay si Batsheba na anak ni Eliam at asawa ni Uria na Heteo. Ipinasundo ni David si Batsheba at nang dumating ito, sinipingan siya ni David. (Katatapos pa lang noon ni Batsheba ng seremonya ng paglilinis dahil sa buwanan niyang dalaw.) Pagkatapos nilang magsiping, umuwi siya.

Nabuntis siya, at ipinaalam niya ito kay David. Nagpadala si David ng mensahe kay Joab na papuntahin sa kanya si Uria na Heteo. Kaya pinapunta ni Joab si Uria kay David.

Read full chapter

12 Sinabi sa kanya ni David, “Manatili ka pa rito ng isang gabi, at bukas pababalikin na kita sa kampo.” Kaya nanatili pa si Uria sa Jerusalem ng araw na iyon. Kinabukasan, 13 inanyayahan siya ni David na kumain at uminom kasama niya. At nilasing siya ni David. Pero nang gabing iyon, hindi pa rin umuwi si Uria kundi roon ulit siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David.

14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Uria. 15 Ito ang isinulat niya: “Ilagay mo si Uria sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay.”

Read full chapter