Add parallel Print Page Options

Ginapi ni David ang Ammon at ang Siria(A)

10 At nangyari pagkatapos nito, ang hari ng mga Ammonita ay namatay, at si Hanun na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Sinabi ni David, “Pagpapakitaan ko ng kagandahang-loob si Hanun na anak ni Nahas, gaya ng pagpapakita sa akin ng kagandahang-loob ng kanyang ama.” Kaya't nagsugo si David sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kanyang ama. At dumating ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.

Ngunit sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw? Hindi kaya nagsugo si David sa iyo ng kanyang mga lingkod upang siyasatin ang bayan, at upang tiktikan, at upang ito ay magapi?”

Kaya't dinakip ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.

Nang ito ay ibalita kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila, sapagkat ang mga lalaki ay lubhang napahiya. Sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, pagkatapos ay bumalik na kayo.”

Nang makita ng mga Ammonita na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, ang mga Ammonita ay nagsugo at inupahan ang mga taga-Siria sa Bet-rehob, at ang mga taga-Siria sa Soba, dalawampung libong kawal na lakad, at ang hari sa Maaca na may isanlibong tauhan at ang mga lalaking taga-Tob na labindalawang libong lalaki.

Nang ito ay mabalitaan ni David, kanyang sinugo si Joab at ang lahat ng hukbo ng mga makapangyarihang lalaki.

Ang mga Ammonita ay nagsilabas at humanay sa labanan sa pasukan sa pintuang-bayan; at ang mga taga-Siria ng Soba, ng Rehob, at ang mga lalaking taga-Tob at mga taga-Maaca ay nasa parang.

Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatutok sa kanya sa harapan at likuran, pumili siya ng ilan sa mga hirang na lalaki sa Israel at inihanay sila laban sa mga taga-Siria.

10 Ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay inilagay niya sa pamamahala ni Abisai na kanyang kapatid, at kanyang inihanay sila laban sa mga Ammonita.

11 Kanyang sinabi, “Kung ang mga taga-Siria ay napakalakas para sa akin, ay tulungan mo nga ako; ngunit kung ang mga Ammonita ay maging napakalakas para sa iyo, darating naman ako at tutulungan kita.

12 Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos; at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.”

13 Kaya't lumapit si Joab at ang mga taong kasama niya sa pakikipaglaban sa mga taga-Siria; at sila'y nagsitakas sa harap niya.

14 Nang makita ng mga Ammonita na ang mga taga-Siria ay nagsitakas, sila man ay nagsitakas din sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa lunsod. Kaya't bumalik si Joab mula sa paglaban sa mga Ammonita at dumating sa Jerusalem.

15 Subalit nang makita ng mga taga-Siria na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nagtipun-tipon.

16 Nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga-Siria na nasa kabila ng Ilog Eufrates; at sila'y dumating sa Helam na kasama ni Shobac na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.

17 Nang ito'y ibalita kay David kanyang tinipon ang buong Israel at tumawid sa Jordan, at dumating sa Helam. At ang mga taga-Siria ay humanay laban kay David, at lumaban sa kanya.

18 Ang mga taga-Siria ay tumakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga-Siria ng mga kalalakihan ng pitong daang karwahe, at apatnapung libong mangangabayo, at sinugatan si Shobac na pinuno ng kanilang hukbo, kaya't siya'y namatay doon.

19 Nang makita ng lahat ng hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nakipagpayapaan sa Israel at napasakop sa kanila. Kaya't natakot ang mga taga-Siria na tumulong pa sa mga Ammonita.

Tinalo ni David ang mga Ammonita(A)

10 Mga ilang panahon pa ang lumipas, namatay si Nahash, ang hari ng mga Ammonita. Pinalitan siya ng anak niyang si Hanun bilang hari. Sinabi ni David, “Magpapakita ako ng kabutihan kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita kay Hanun na kanilang hari, “Sa tingin nʼyo ba pinahahalagahan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan nʼyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para manmanan lang ang lungsod natin at wasakin.” Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga opisyal ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang mga damit nila mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.

Talagang hiyang-hiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang bumalik.

Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David, kaya umupa sila ng 20,000 sundalong Arameo[a] mula sa Bet Rehob at Zoba, 1,000 sundalo mula sa hari ng Maaca, at 12,000 sundalo mula sa Tob. Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang lahat ng sundalo niya sa pakikipaglaban. Pumwesto ang mga Ammonita sa bungad ng kanilang lungsod, habang ang mga Arameo naman na galing sa Rehob at Zoba at ang mga sundalong galing sa Tob at Maaca ay naroon sa kapatagan.

Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 10 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kapag nakita mo na parang natatalo kami ng mga Arameo, tulungan nʼyo kami, pero kapag kayo ang parang natatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 12 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.” 13 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 14 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai at pumasok sa lungsod nila. Pagkatapos, umuwi sina Joab sa Jerusalem mula sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.

15 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, muli silang nagtipon. 16 Tinulungan sila ng ibang mga Arameo na ipinatawag ni Hadadezer mula sa kabila ng Ilog ng Eufrates. Pumunta sila sa Helam sa pamumuno ni Shobac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.

17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumunta sa Helam. Naghanda ang mga Arameo para harapin si David, at nakipaglaban sila sa kanya. 18 Pero muling tumakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Napatay nina David ang 700 mangangarwahe at 40,000 mangangabayo.[b] Napatay din nila si Shobac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga haring kaanib ng mga Arameo, na sakop ni Hadadezer, na natalo sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila sa mga Israelita at nagpasakop sa kanila. Kaya mula noon natakot nang tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.

Footnotes

  1. 10:6 Arameo; o, Syrian.
  2. 10:18 mangangabayo: Itoʼy batay sa Hebreo. Sa ibang kopyang Griego (at sa 1 Cro. 19:18), mga sundalong naglalakad.