2 Mga Hari 23
Ang Biblia, 2001
Pinatigil ang Pagsambang Pagano(A)
23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.
2 At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
3 Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.
4 Inutusan(B) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.
5 Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.
6 At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.
7 Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.
8 Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.
9 Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.
10 Kanyang(C) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.
11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.
12 Ang(D) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.
13 Nilapastangan(E) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.
14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[a] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.
15 Bukod(F) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[b]
16 Sa(G) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.
17 Pagkatapos(H) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”
18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.
20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(I)
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”
22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;
23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.
Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias
24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.
25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.
26 Gayunma'y hindi tinalikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya.
27 At sinabi ng Panginoon, “Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(J)
28 Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?
29 Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya.
30 Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(K)
31 Si Jehoahaz[d] ay dalawampu't tatlong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
32 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga magulang.
33 Ibinilanggo siya ni Faraon-neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, upang siya'y hindi makapaghari sa Jerusalem; at pinapagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at isang talentong ginto.
34 At(L) ginawa ni Faraon-neco si Eliakim na anak ni Josias bilang haring kapalit ni Josias, na kanyang ama, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim. Ngunit kanyang dinala si Jehoahaz at siya'y dumating sa Ehipto at namatay doon.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(M)
35 Ibinigay ni Jehoiakim ang pilak at ang ginto kay Faraon; ngunit kanyang pinapagbuwis ang lupain upang ibigay ang salapi ayon sa utos ni Faraon. Kanyang siningilan ng pilak at ginto ang taong-bayan ng lupain, sa bawat isa ayon sa kanyang paghahalaga, upang ibigay kay Faraon-neco.
36 Si(N) Jehoiakim ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Zebida na anak ni Pedaya na taga-Ruma.
37 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga ninuno.
Footnotes
- 2 Mga Hari 23:14 Sa Hebreo ay Ashera .
- 2 Mga Hari 23:15 Sa Hebreo ay Ashera .
- 2 Mga Hari 23:28 o Cronica .
- 2 Mga Hari 23:31 Tinatawag na Sallum sa Jer. 22:11.
2 Hari 23
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Pagbabago na Ginawa ni Josia(A)
23 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 2 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Dios na nakita sa templo ng Panginoon. 3 Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4 Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel. 5 Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga dios-diosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar[a] doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. 6 Pinaalis din ni Haring Josia ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao. 7 Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.[b]
8 Pinabalik ni Josia sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya[c] ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beersheba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod. 9 Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10 Ipinagiba rin ni Josia ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec. 11 Kinuha rin niya sa pintuan ng templo ng Panginoon ang mga kabayo[d] na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng templo, malapit sa kwarto ng opisyal na si Natan Melec. Sinunog din ni Josia ang mga karwahe na inihahandog sa araw.
12 Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manase sa bakuran ng templo ng Panginoon. Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron. 13 Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Ashtoret, ang kasuklam-suklam na diosa mga Sidoneo, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam dios-diosan ng mga Ammonita. 14 Ipinadurog ni Josia ang mga alaalang bato at pinagpuputol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Pagkatapos, dinungisan niya ang mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagkalat ng mga buto ng tao. 15 Ipinagiba din ni Josia kahit ang altar sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Betel. Ang sambahang ito ay ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Dinurog ito ni Josia ng pino at sinunog pati ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 At habang nakatitig siya sa paligid, nakita niya ang mga libingan sa gilid ng kabundukan. Ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog niya roon sa altar sa Betel para dungisan ito. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niya na nagpropesiya tungkol sa mga bagay na ito. 17 Nagtanong si Haring Josia, “Kaninong libingan iyan?” Sumagot ang mga mamamayan ng lungsod, “Libingan po ito ng lingkod ng Dios na taga-Juda. Siya ang nagpropesiya tungkol sa mga ginawa ninyo ngayon sa altar sa Betel.” 18 Sinabi ng hari, “Pabayaan lang ninyo ang libingan niya. Huwag ninyong kunin ang mga buto niya.” Kaya hindi nila kinuha ang mga buto nito pati ang buto ng mga propeta na taga-Samaria.
19 Pagkatapos, giniba ni Josia ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria, tulad ng ginawa niya sa Betel. Ito ang mga sambahan na ipinagawa ng mga hari ng Israel na nakapagpagalit sa Panginoon. 20 Pinatay ni Josia ang lahat ng pari roon mismo sa mga altar ng mga sambahan na iyon. At sinunog niya ang buto ng mga tao sa mga altar na iyon para dungisan ito. Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(B)
21 Inutusan ni Josia ang lahat ng tao, “Ipagdiwang natin ang Pista ng Paglampas ng Anghel para parangalan ang Panginoon na ating Dios, ayon sa nakasulat dito sa Aklat ng Kasunduan ng Dios.” 22 Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda. 23 Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ika-18 taong paghahari ni Josia.
24 Pinalayas din ni Josia sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga dios ng mga tahanan, ang iba pang mga dios-diosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josia para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkia sa templo ng Panginoon. 25 Wala pang naging hari na katulad ni Josia na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moises, at wala ni isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya.
26 Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manase na nakapagpagalit sa kanya. 27 Kaya sinabi ng Panginoon, “Palalayasin ko sa aking harapan ang Juda katulad ng ginawa ko sa Israel at itatakwil ko ang Jerusalem, ang lungsod na aking pinili at ang templong ito na sinabi kong dito ako pararangalan.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josia(C)
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
29 Nang naghahari pa si Josia, si Faraon Neco na hari ng Egipto ay pumunta sa Ilog ng Eufrates para tulungan ang hari ng Asiria. Umalis si Haring Josia at ang mga sundalo niya para makipaglaban kay Neco, pero pinatay siya ni Neco nang magkita sila sa Megido. 30 Isinakay ng kanyang lingkod ang bangkay niya sa karwahe at dinala pabalik sa Jerusalem at inilibing sa sarili niyang libingan. At ang anak niyang si Jehoahaz ang ipinalit na hari ng mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis.
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(D)
31 Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 32 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. 33 Ibinilanggo siya ni Faraon Neco sa Ribla na sakop ng lupain ng Hamat, para hindi siya maghari sa Jerusalem. Pinagbayad ni Neco ang Juda ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto bilang buwis. 34 Si Eliakim na isa pang anak ni Josia ang ipinalit na hari ni Neco. Pinalitan ni Neco ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim. Si Jehoahaz naman ay dinala ni Neco sa Egipto at doon ito namatay. 35 Pinagbayad ng buwis ni Haring Jehoyakim ang mga taga-Juda ayon sa kayamanan nila, para ipambayad sa buwis na hinihingi ni Faraon Neco.
Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(E)
36 Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Zebida na taga-Ruma at anak ni Pedaya. 37 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.
Footnotes
- 23:5 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 23:7 mga damit … kay Ashera: o, pantakip para sa poste na simbolo ni Ashera.
- 23:8 Dinungisan niya upang hindi na ito pagsambahan ng mga tao, dahil hindi kalooban ng Dios na doon sila sumamba.
- 23:11 mga kabayo: Maaring ito ay estatwa.
2 Mga Hari 23
Ang Dating Biblia (1905)
23 At ang hari ay nagsugo, at pinisan nila sa kaniya ang lahat na matanda sa Juda, at sa Jerusalem.
2 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang lahat na taga Jerusalem na kasama niya, at ang mga saserdote, at ang mga propeta, at ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki: at kanilang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
3 At ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito: at ang buong bayan ay nananayo sa tipan.
4 At inutusan ng hari si Hilcias na dakilang saserdote, at ang mga saserdote sa ikalawang hanay, at ang mga tagatanod-pinto, na ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat na kasangkapan na ginawa kay Baal at sa mga Asera, at sa lahat na natatanaw sa langit; at kaniyang sinunog sa labas ng Jerusalem sa mga parang ng Cedron, at dinala ang mga abo niyaon sa Beth-el.
5 At kaniyang inalis ang mga saserdote na palasamba sa mga dios-diosan na inihalal ng mga hari sa Juda na nagpasunog ng kamangyan sa mga mataas na dako sa mga bayan ng Juda, at sa mga dakong nangasa palibot ng Jerusalem; pati silang nagsisipagsunog ng kamangyan kay Baal, sa araw, at sa buwan, at sa mga tala, at sa lahat ng natatanaw sa langit.
6 At kaniyang inilabas ang mga Asera sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem sa batis ng Cedron, at sinunog sa batis ng Cedron, at dinurog, at inihagis ang nangadurog niyaon sa libingan ng karaniwang mga tao.
7 At kaniyang ibinagsak ang mga bahay ng mga sodomita, na nangasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga tabing ng mga babae para sa mga Asera.
8 At dinala ang lahat na saserdote mula sa mga bayan ng Juda, at nilapastangan ang mga mataas na dako, sa pinagsusunugan ng kamangyan ng mga saserdote, mula sa Geba hanggang sa Beerseba; at kaniyang ibinagsak ang mga mataas na dako ng mga pintuang-bayan na nangasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng bayan, na nangasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng bayan.
9 Gayon ma'y ang mga saserdote sa mga mataas na dako ay hindi sumampa sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y nagsikain ng tinapay na walang lebadura sa gitna ng kanilang mga kapatid.
10 At kaniyang nilapastangan ang Topheth, na nasa libis ng mga anak ni Hinnom, upang huwag paraanin ng sinoman ang kaniyang anak na lalake o babae sa apoy kay Moloch.
11 At kaniyang inalis ang mga kabayo na ibinigay ng hari ng Juda sa araw, sa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa siping ng silid ni Nathan-melech na kamarero, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karo ng araw.
12 At ang mga dambana na nangasa bubungan ng silid sa itaas ni Achaz, na ginawa ng mga hari sa Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon ay ipinagbabagsak ng hari, at pinaggigiba mula roon, at inihagis ang alabok ng mga yaon sa batis ng Cedron.
13 At ang mga mataas na dako na nangasa harap ng Jerusalem, na nasa kanan ng bundok ng kapahamakan, na itinayo ng haring Salomon kay Asthareth na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Chemos na karumaldumal ng Moab, at sa kay Milcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon, ay nilapastangan ng hari.
14 At kaniyang pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at pinutol ang mga Asera, at pinuno ang kanilang mga dako ng mga buto ng tao.
15 Bukod dito'y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga'y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.
16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya'y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.
17 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao'y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.
18 At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat na bahay naman sa mga mataas na dako na nangasa bayan ng Samaria, na ginawa ng mga hari sa Israel upang mungkahiin ang Panginoon sa galit, ay pinagaalis ni Josias, at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat na gawa na kaniyang ginawa sa Beth-el.
20 At kaniyang pinatay ang lahat na saserdote sa mga mataas na dako na nangandoon, sa ibabaw ng mga dambana, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga yaon; at siya'y bumalik sa Jerusalem.
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.
22 Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga hari man sa Juda;
23 Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.
24 Bukod dito'y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon.
25 At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.
26 Gayon ma'y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya.
27 At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga'y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko'y doroon.
28 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
29 Nang mga kaarawan niya, si Faraon-nechao na hari sa Egipto at umahon laban sa hari sa Asiria, sa ilog Eufrates: at ang haring Josias ay naparoon laban sa kaniya; at pinatay niya siya sa Megiddo, nang makita niya siya.
30 At dinala siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo, mula sa Megiddo at dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at pinahiran ng langis siya, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama.
31 Si Joachaz ay may dalawangpu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.
32 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.
33 At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya'y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.
34 At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni't kaniyang dinala si Joachaz; at siya'y naparoon sa Egipto, at namatay roon.
35 At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni't kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa't isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.
36 Si Joacim ay may dalawangpu't limang taon nang magpasimulang maghari: at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.
37 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.
2 Kings 23
New International Version
Josiah Renews the Covenant(A)(B)(C)(D)
23 Then the king called together all the elders of Judah and Jerusalem. 2 He went up to the temple of the Lord with the people of Judah, the inhabitants of Jerusalem, the priests and the prophets—all the people from the least to the greatest. He read(E) in their hearing all the words of the Book of the Covenant,(F) which had been found in the temple of the Lord. 3 The king stood by the pillar(G) and renewed the covenant(H) in the presence of the Lord—to follow(I) the Lord and keep his commands, statutes and decrees with all his heart and all his soul, thus confirming the words of the covenant written in this book. Then all the people pledged themselves to the covenant.
4 The king ordered Hilkiah the high priest, the priests next in rank and the doorkeepers(J) to remove(K) from the temple of the Lord all the articles made for Baal and Asherah and all the starry hosts. He burned them outside Jerusalem in the fields of the Kidron Valley and took the ashes to Bethel. 5 He did away with the idolatrous priests appointed by the kings of Judah to burn incense on the high places of the towns of Judah and on those around Jerusalem—those who burned incense(L) to Baal, to the sun and moon, to the constellations and to all the starry hosts.(M) 6 He took the Asherah pole from the temple of the Lord to the Kidron Valley(N) outside Jerusalem and burned it there. He ground it to powder(O) and scattered the dust over the graves(P) of the common people.(Q) 7 He also tore down the quarters of the male shrine prostitutes(R) that were in the temple of the Lord, the quarters where women did weaving for Asherah.
8 Josiah brought all the priests from the towns of Judah and desecrated the high places, from Geba(S) to Beersheba, where the priests had burned incense. He broke down the gateway at the entrance of the Gate of Joshua, the city governor, which was on the left of the city gate. 9 Although the priests of the high places did not serve(T) at the altar of the Lord in Jerusalem, they ate unleavened bread with their fellow priests.
10 He desecrated Topheth,(U) which was in the Valley of Ben Hinnom,(V) so no one could use it to sacrifice their son(W) or daughter in the fire to Molek. 11 He removed from the entrance to the temple of the Lord the horses that the kings of Judah(X) had dedicated to the sun. They were in the court[a] near the room of an official named Nathan-Melek. Josiah then burned the chariots dedicated to the sun.(Y)
12 He pulled down(Z) the altars the kings of Judah had erected on the roof(AA) near the upper room of Ahaz, and the altars Manasseh had built in the two courts(AB) of the temple of the Lord. He removed them from there, smashed them to pieces and threw the rubble into the Kidron Valley.(AC) 13 The king also desecrated the high places that were east of Jerusalem on the south of the Hill of Corruption—the ones Solomon(AD) king of Israel had built for Ashtoreth the vile goddess of the Sidonians, for Chemosh the vile god of Moab, and for Molek the detestable(AE) god of the people of Ammon.(AF) 14 Josiah smashed(AG) the sacred stones and cut down the Asherah poles and covered the sites with human bones.(AH)
15 Even the altar(AI) at Bethel, the high place made by Jeroboam(AJ) son of Nebat, who had caused Israel to sin—even that altar and high place he demolished. He burned the high place and ground it to powder, and burned the Asherah pole also. 16 Then Josiah(AK) looked around, and when he saw the tombs that were there on the hillside, he had the bones removed from them and burned on the altar to defile it, in accordance(AL) with the word of the Lord proclaimed by the man of God who foretold these things.
17 The king asked, “What is that tombstone I see?”
The people of the city said, “It marks the tomb of the man of God who came from Judah and pronounced against the altar of Bethel the very things you have done to it.”
18 “Leave it alone,” he said. “Don’t let anyone disturb his bones(AM).” So they spared his bones and those of the prophet(AN) who had come from Samaria.
19 Just as he had done at Bethel, Josiah removed all the shrines at the high places that the kings of Israel had built in the towns of Samaria and that had aroused the Lord’s anger. 20 Josiah slaughtered(AO) all the priests of those high places on the altars and burned human bones(AP) on them. Then he went back to Jerusalem.
21 The king gave this order to all the people: “Celebrate the Passover(AQ) to the Lord your God, as it is written in this Book of the Covenant.”(AR) 22 Neither in the days of the judges who led Israel nor in the days of the kings of Israel and the kings of Judah had any such Passover been observed. 23 But in the eighteenth year of King Josiah, this Passover was celebrated to the Lord in Jerusalem.(AS)
24 Furthermore, Josiah got rid of the mediums and spiritists,(AT) the household gods,(AU) the idols and all the other detestable(AV) things seen in Judah and Jerusalem. This he did to fulfill the requirements of the law written in the book that Hilkiah the priest had discovered in the temple of the Lord. 25 Neither before nor after Josiah was there a king like him who turned(AW) to the Lord as he did—with all his heart and with all his soul and with all his strength, in accordance with all the Law of Moses.(AX)
26 Nevertheless, the Lord did not turn away from the heat of his fierce anger,(AY) which burned against Judah because of all that Manasseh(AZ) had done to arouse his anger. 27 So the Lord said, “I will remove(BA) Judah also from my presence(BB) as I removed Israel, and I will reject(BC) Jerusalem, the city I chose, and this temple, about which I said, ‘My Name shall be there.’[b]”
28 As for the other events of Josiah’s reign, and all he did, are they not written in the book of the annals of the kings of Judah?
29 While Josiah was king, Pharaoh Necho(BD) king of Egypt went up to the Euphrates River to help the king of Assyria. King Josiah marched out to meet him in battle, but Necho faced him and killed him at Megiddo.(BE) 30 Josiah’s servants brought his body in a chariot(BF) from Megiddo to Jerusalem and buried him in his own tomb. And the people of the land took Jehoahaz son of Josiah and anointed him and made him king in place of his father.
Jehoahaz King of Judah(BG)
31 Jehoahaz(BH) was twenty-three years old when he became king, and he reigned in Jerusalem three months. His mother’s name was Hamutal(BI) daughter of Jeremiah; she was from Libnah. 32 He did evil(BJ) in the eyes of the Lord, just as his predecessors had done. 33 Pharaoh Necho put him in chains at Riblah(BK) in the land of Hamath(BL) so that he might not reign in Jerusalem, and he imposed on Judah a levy of a hundred talents[c] of silver and a talent[d] of gold. 34 Pharaoh Necho made Eliakim(BM) son of Josiah king in place of his father Josiah and changed Eliakim’s name to Jehoiakim. But he took Jehoahaz and carried him off to Egypt, and there he died.(BN) 35 Jehoiakim paid Pharaoh Necho the silver and gold he demanded. In order to do so, he taxed the land and exacted the silver and gold from the people of the land according to their assessments.(BO)
Jehoiakim King of Judah(BP)
36 Jehoiakim(BQ) was twenty-five years old when he became king, and he reigned in Jerusalem eleven years. His mother’s name was Zebidah daughter of Pedaiah; she was from Rumah. 37 And he did evil(BR) in the eyes of the Lord, just as his predecessors had done.
Footnotes
- 2 Kings 23:11 The meaning of the Hebrew for this word is uncertain.
- 2 Kings 23:27 1 Kings 8:29
- 2 Kings 23:33 That is, about 3 3/4 tons or about 3.4 metric tons
- 2 Kings 23:33 That is, about 75 pounds or about 34 kilograms
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

