Add parallel Print Page Options

At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.

Inutusan(A) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.

Read full chapter