Add parallel Print Page Options

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(A)

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. Hindi(B) na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.”

Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. 10 Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari.

11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”

14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.

Ang mga Reporma ni Josias(C)

23 Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem, at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo. Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh.

Ang(D) lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo. Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa. 10 Ipinagiba(E) rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec. 11 Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw. 12 Ang(F) mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato. 13 Ipinagiba(G) rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita. 14 Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.

15 Ipinagiba(H) rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera. 16 Nang(I) makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta. 17 Nang(J) makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”

“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.

18 Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.

19 Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel. 20 Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa(K)

21 Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.” 22 Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa. 23 Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.

Iba Pang mga Repormang Ginawa ni Josias

24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo. 25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises.

26 Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases. 27 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.”

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(A)

Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh. Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo. 10 Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito. 11 Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda. 12 Naging tapat ang mga taong katulong sa gawain. Pinamahalaan sila nina Jahat at Obadias, mga Levita buhat sa angkan nina Merari, Zacarias at Mesulam sa sambahayan ni Kohat. Mga Levita rin na pawang bihasang manunugtog 13 ang nangasiwa sa mga manggagawang naghahakot ng mga gagamitin at sa iba pang gawain. Ang ibang Levita ay ginawang kalihim, karaniwang kawani o kaya'y mga bantay.

14 Nang ilabas nila ang salaping natipon sa Templo, natagpuan ng paring si Hilkias ang Aklat ng Kautusang ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 15 Kaya tinawag niya si Safan, ang kalihim ng hari at sinabi, “Natagpuan ko sa Templo ang Aklat ng Kautusan.” Ibinigay ni Hilkias kay Safan ang aklat 16 at dinala naman nito sa hari nang siya'y mag-ulat tungkol sa pagpapaayos ng Templo. Sabi niya, “Maayos po ang takbo ng lahat ng gawaing ipinagkatiwala ninyo sa inyong mga lingkod. 17 Tinunaw na po nila ang pilak na nakuha sa Templo at ibinigay sa namamahala ng trabaho.” 18 Sinabi rin ng kalihim ang tungkol sa aklat na ibinigay sa kanya ng paring si Hilkias at binasa niya ito nang malakas sa hari.

19 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. 20 Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, 21 “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.”

22 Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. 23 Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo 24 na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. 25 Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ 26 Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbaba nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. 27 Dahil nagpakumbaba ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. 28 Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari.

Ang Pangako ni Josias at ng mga Mamamayan kay Yahweh

29 Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. 30 Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. 31 Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. 32 Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. 33 Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno.

Ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Panahon ni Haring Josias(B)

35 Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. Ayusin(C) ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”

Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.

10 Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. 13 Nilitson(D) nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. 14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. 15 Nanatili(E) sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.

16 Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. 17 Pitong(F) araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 18 Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. 19 Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.