Add parallel Print Page Options

Ang Pagwasak sa Templo(A)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog(B) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.

13 Ang(C) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(D) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.

Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(E)

18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.

Read full chapter

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.

“Pagkatapos(C) ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(D) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”

Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(E)

15 “Kapag(F) nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel (unawain ito ng nagbabasa), 16 ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, 17 ang(G) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 18 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. 19 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 20 Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat(H) sa mga araw na iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. 22 At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon.

Read full chapter