Add parallel Print Page Options

Si Elias at si Haring Ahazias ng Israel

Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.

Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias.

Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?”

Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.”

“Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari.

“Mabalahibo(A) po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila.

“Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari.

Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.”

10 Sumagot(B) si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

11 Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.”

12 Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

13 Si Haring Ahazias ay nagpatawag uli ng isa pang opisyal at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Pagdating sa burol, lumuhod ang opisyal sa paanan ni Elias at nagsumamo, “Lingkod ng Diyos, maawa po kayo sa akin at sa aking limampung tauhan. Kami po ay inyong lingkod. Huwag po ninyong itulot na mamatay kami. 14 Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na hayaan ninyo kaming mabuhay.”

15 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, “Sumama ka sa kanya at huwag kang matakot.” Sumama nga siya papunta sa hari. 16 Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat nagsugo ka ng mga tao upang sumangguni kay Baalzebub na diyos ng Ekron na para bang wala nang Diyos sa Israel, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka.’”

17 Namatay nga si Haring Ahazias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya si Joram[a] na kanyang kapatid[b] ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Jehoram na anak ni Jehoshafat.

18 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(C) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(D) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[f] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”

Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.

Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”

Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico

19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”

20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.

23 Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” 24 Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya.

25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria.

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 1:17 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay sa pangalang ito.
  2. 2 Mga Hari 1:17 na kanyang kapatid: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  3. 2 Mga Hari 2:2 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  4. 2 Mga Hari 2:4 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  5. 2 Mga Hari 2:6 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  6. 2 Mga Hari 2:16 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan, o hangin .

Pinalutang ang Talim ng Palakol

Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propetang pinapamahalaan niya. Sinabi nila, “Maliit na po para sa amin ang aming tirahan. Kung papayag kayo, pupunta kami sa Jordan at puputol kami roon ng kahoy na gagawin naming bahay.” Pumayag naman si Eliseo.

Sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.”

“Sige, sasama ako,” sagot niya. At pumunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy.

Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, “Guro, anong gagawin ko ngayon? Hiniram ko po lamang iyon.”

Itinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihagis niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” Inabot naman iyon ng lalaki.

Si Eliseo at ang mga Taga-Siria

Minsan, binalak ng hari ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon rin niya ang kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila ang kanyang napiling lugar na pagkakampuhan. Ngunit ipinasabi ito ni Eliseo sa hari ng Israel. Binalaan niya ito, “Huwag na huwag kayong pupunta sa naturang lugar sapagkat nag-aabang doon ang mga taga-Siria.” 10 At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay.

11 Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”

12 Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”

13 Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”

May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan, 14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.

15 Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”

16 Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” 17 At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.

18 Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo. 19 Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”

22 Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.” 23 Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.

Ang Pagkubkob sa Samaria

24 Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria. 25 Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati.[a]

26 Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!”

27 Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas. 28 Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari.

Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin. 29 Kaya(A) naman po iniluto namin ang aking anak at kinain. Nang hingin ko na po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw niyang ibigay.”

30 Nang marinig ito, pinunit ng hari ang kanyang damit. Nakita ng mga taong malapit sa pader na nakasuot pala siya ng damit-sako na nakapailalim sa kanyang kasuotan bilang tanda ng matinding kalungkutan. 31 Sinabi niya, “Patayin sana ako ng Diyos kapag ngayong maghapo'y hindi ko napapugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Safat!” 32 Kaya't inutusan niya ang kanyang lingkod na kunin si Eliseo.

Samantala, si Eliseo naman ay nasa kanyang bahay at kausap ng pinuno ng Israel. Papunta naman doon ang lalaking inutusan ng hari. Hindi pa ito nakakarating doon ay sinabi na ni Eliseo sa matatandang pinuno, “Tingnan ninyo at papupugutan pa ako ng mamamatay-taong iyon. Pagdating niya rito, isara ninyo ang pinto at bayaan siya sa labas. Kasunod na rin niya ang hari.”

33 Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari.[b] Sinabi nito, “Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Bakit ko pa hihintayin ang gagawin ni Yahweh bago ako kumilos?”

Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal[c] na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’”

Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.”

Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.”

Umalis ang Hukbo ng Siria

May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.”

Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. Kaya't tumakas sila nang magtatakipsilim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.

Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” 10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” 11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”

13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”

14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.

16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.

17 Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. 18 Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, 19 ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” 20 Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod.

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 6:25 dumi ng kalapati: o kaya'y ligaw na gulay .
  2. 2 Mga Hari 6:33 hari: o kaya'y mensahero .
  3. 2 Mga Hari 7:1 TAKAL: Ang takalang ito ay maaaring maglaman ng mahigit na pitong litro.

Inagaw ni Atalia ang Trono(A)

11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.

Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.”

Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. 10 At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. 11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. 12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. 14 Pagdating(B) doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”

15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” 16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.

Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada(C)

17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. 18 Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. 19 Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. 20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.

21 Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda.

Ang Paghahari ni Joas sa Juda(D)

12 Nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel, si Joas ay nagsimulang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba. Sa buong buhay niya'y naging kalugud-lugod siya kay Yahweh dahil sa pagtuturo sa kanya ng paring si Joiada. Gayunman, hindi niya naipagiba ang mga dambana para sa mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao na maghandog ng hain at magsunog ng insenso doon.

Minsan,(E) sinabi ni Joas sa mga pari, “Ipunin ninyo sa Templo ang salaping ibinayad kaugnay ng mga handog—ang bayad para sa mga karaniwang handog at ang salaping ibinigay ng kusang-loob. Ang salapi ay tatanggapin ng bawat pari mula sa mga tao upang gamitin sa pagpapaayos ng anumang sira sa Templo.” Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay wala pang naipapaayos sa Templo ang mga pari. Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada at ang iba pang pari. “Bakit hindi pa ninyo inaayos ang mga sira sa Templo?” tanong niya sa mga ito. “Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salaping para sa pagpapaayos ng Templo.” Sumang-ayon naman ang mga pari na hindi na sila ang tatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapaayos ng Templo.

Kumuha ng kahon ang paring si Joiada at binutasan niya ang takip nito. Inilagay niya ito sa tabi ng dambana, sa gawing kanan ng pintuan ng Templo ni Yahweh. Doon inilalagay ng mga paring nagbabantay sa pinto ang lahat ng salaping ibinibigay ng mga tao. 10 At kapag marami nang laman ang kahon, binibilang ito ng Pinakapunong pari at ng kalihim ng hari, saka inilalagay sa mga supot. 11 Pagkatapos timbangin ang mga salaping naipon, ibinibigay nila ito sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga karpintero at sa mga manggagawa, 12 sa mga kantero at sa mga nagtatapyas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang pambili ng mga kahoy, ng mga batong tinapyas at ng iba pang kailangan sa pagpapaayos ng Templo ni Yahweh. 13 Ang nalikom na salaping ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng mga palangganang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapang yari sa ginto o pilak. 14 Lahat ng malikom ay ibinabayad nila sa mga manggagawa at ibinibili ng mga kasangkapan para sa pagpapaayos ng Templo. 15 Hindi(F) na nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain sapagkat matatapat ang mga ito. 16 Ang(G) salaping mula sa handog na pambayad ng kasalanan at ang salaping mula sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi na inilalagay sa kaban sapagkat nakalaan iyon sa mga pari.

17 Nang panahong iyon, ang lunsod ng Gat ay sinalakay at sinakop ni Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos, tinangka naman niyang salakayin ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Haring Joas ang mga kaloob na nalikom ng mga ninuno niyang sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na naging mga hari ng Juda, pati na rin ang mga kaloob na kanyang nalikom. Kinuha rin niya ang mga ginto at pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo, at ipinadala kay Haring Hazael. Dahil dito, hindi na sinalakay ni Hazael ang Jerusalem.

19 Ang iba pang mga ginawa ni Joas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Nagkaisa ang kanyang mga opisyal laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa bayan ng Millo, sa may papuntang Sila. 21 Ang pumatay sa kanya ay ang mga opisyal niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. Inilibing si Joas sa libingan ng mga hari, sa lunsod ni David. Humalili sa kanya ang anak niyang si Amazias bilang hari.