Add parallel Print Page Options

Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan[a] ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal na harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” Sinabi ng opisyal na katiwala ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain ng kahit ano.”

Huminto ang mga Arameo sa Paglusob

May apat na tao na may malubhang sakit sa balat[b] na nakaupo sa pintuan ng lungsod. Sinabi nila sa isaʼt isa, “Bakit kailangan nating umupo rito hanggang sa mamatay? Kung papasok tayo sa lungsod, mamamatay tayo sa gutom at kung mauupo lang tayo rito, mamamatay din tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Arameo at sumuko. Nasa kanila na kung bubuhayin nila tayo o papatayin.”

Kaya kinagabihan, pumunta sila sa kampo ng mga Arameo. Pero pagdating nila roon, walang tao. Ipinarinig ng Panginoon sa mga sundalo ng Aram ang ingay ng mga karwahe, kabayo at mga sundalo, kaya nasabi nila sa isaʼt isa, “Baka inupahan ng hari ng Israel ang hari ng Heteo at ang hari ng Egipto para lusubin tayo.” Kaya tumakas sila nang gabing iyon at iniwanan nila ang mga tolda, kabayo at mga asno nila. Iniwan din nila ang kampo nila at iniligtas ang mga sarili nila.

Nang dumating sa kampo ang mga taong may malubhang sakit sa balat, isa-isa nilang pinasok ang mga tolda, kumain sila at uminom. Kinuha nila ang mga pilak, ginto at damit, at itinago ang mga ito. Sa bandang huli, sinabi nila sa isaʼt isa, “Hindi ito tama. Magandang balita ang nangyari sa araw na ito, kaya hindi natin dapat ilihim. Kung ipagpapabukas pa natin ang pagsasabi nito, tiyak na parurusahan tayo. Pumunta tayo ngayon sa palasyo ng hari at ibalita ang nangyari.”

10 Kaya bumalik sila sa lungsod ng Samaria at tinawag ang mga guwardya ng pintuan ng lungsod at sinabi, “Pumunta kami sa kampo ng mga Arameo at walang tao roon, maliban sa mga nakataling kabayo at asno. At naroon pa ang mga kagamitan sa tolda.”

11 Kaya isinigaw ng mga tagapagbantay ang balitang ito sa mga tao hanggang sa nakarating ito sa palasyo. 12 Bumangon ang hari nang madaling-araw at sinabi sa mga opisyal niya, “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang plano ng mga Arameo. Alam nilang nagugutom tayo, kaya iniwan nila ang kampo nila at nagtago sa bukid. Iniisip nila: ‘Kapag umalis ang mga Israelita sa lungsod, huhulihin natin sila ng buhay, pagkatapos papasukin natin ang lungsod nila.’ 13 Sumagot ang isa sa mga opisyal niya, ‘Mas mabuti po na magpadala tayo ng mga tao para alamin ang nangyari. Hayaan nating gamitin nila ang limang natirang kabayo. Kung may mangyayari po sa kanila, hindi ito malaking kawalan kaysa manatili sila rito at mamatay rin na kasama natin.’ ”

14 Kaya naghanda sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo at nagpadala ang hari ng mga tao para alamin kung ano talaga ang nangyari sa mga sundalo ng Aram. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog ng Jordan, at nakita nila sa daan ang mga damit at mga kagamitan na itinapon ng mga Arameo sa pagmamadaling makatakas. Bumalik ang mga inutusan at ibinalita ito sa hari. 16 Pagkatapos, lumabas ang mga tao sa bayan at kinuha nila ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kampo ng mga Arameo. Nangyari ang sinabi ng Panginoon na magiging isang pirasong pilak lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal na sebada.

17 Pinili ng hari ang pinagkakatiwalaan niyang opisyal para magbantay sa pintuan ng lungsod. Nang magtakbuhan ang mga tao, natumba ang opisyal at natapak-tapakan siya ng mga tao roon sa pintuan, at namatay siya ayon sa sinabi ni Eliseo na lingkod ng Dios nang pumunta ang hari sa kanya. 18 Nangyari rin ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari, “Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” 19 Sumagot noon ang opisyal ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain nito.” 20 Iyon nga ang nangyari sa opisyal, dahil natapak-tapakan siya ng mga tao na nagsiksikan sa pintuan ng lungsod hanggang sa mamatay siya.

Bumalik ang Babae na Taga-Shunem

Kinausap ni Eliseo ang ina ng batang lalaki na kanyang binuhay, “Dalhin mo ang iyong pamilya at manirahan kayo sa ibang lugar dahil nagpadala ang Panginoon ng taggutom sa Israel na tatagal ng pitong taon.” Kaya sinunod ng babae ang sinabi sa kanya ng lingkod ng Dios. Umalis siya at ang pamilya niya, at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkatapos ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at pumunta sa hari para magmakaawa na ibalik sa kanya ang bahay at lupa niya. Habang pumapasok siya, nakikipag-usap ang hari kay Gehazi na katulong ni Eliseo. Sinabi ng hari, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.” Habang ikinukwento ni Gehazi sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang isang batang namatay, lumapit sa hari ang ina ng bata at nagmakaawa na maibalik ang bahay at lupa niya. Sinabi ni Gehazi, “Mahal na Hari, ito po ang babae at ang anak niyang binuhay ni Eliseo.” Tinanong ng hari ang babae kung totoo ba ang tungkol doon at sinabi ng babae na totoo iyon. Kaya nagpatawag ang hari ng isang opisyal para tulungan ang babae. Sinabi niya sa opisyal, “Tulungan mo siyang maibalik ang lahat ng nawala sa kanya, kasama ang lahat ng perang dapat kinita niya na galing sa bukid niya mula nang siyaʼy umalis hanggang ngayon.”

Pinatay ni Hazael si Ben Hadad

Pumunta si Eliseo sa Damascus, kung saan naroon ang may sakit na si Ben Hadad na hari ng Aram.[c] Nang mabalitaan ng hari na dumating ang lingkod ng Dios, sinabi niya kay Hazael, “Magdala ka ng regalo at salubungin mo ang lingkod ng Dios. Sabihin mo sa kanya na tanungin ang Panginoon kung gagaling pa ako sa aking sakit.”

Kaya pumunta si Hazael kay Eliseo na may dalang 40 kamelyo na kinargahan ng pinakamagandang produkto ng Damascus bilang regalo. Pagdating niya kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod[d] ninyong si Haring Ben Hadad ng Aram, para tanungin kayo kung gagaling pa siya sa sakit niya.” 10 Sumagot si Eliseo, “Sabihin mo sa kanya na siguradong gagaling siya, pero sinabi sa akin ng Panginoon na tiyak na mamamatay siya.” 11 Tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa nahiya ito. Pagkatapos, umiyak si Eliseo. 12 Tinanong siya ni Hazael, “Ginoo, bakit po kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Dahil nalalaman ko ang masamang gagawin mo sa mga Israelita. Susunugin mo ang matatatag na lungsod, papatayin mo ang mga binata nila sa pamamagitan ng espada, ihahampas mo ang maliliit nilang anak at hahatiin mo ang tiyan ng mga buntis.” 13 Sumagot si Hazael, “Paano magagawa ng isang aliping katulad ko ang mga bagay na yan. Gayong akoʼy isang hamak na tagasunod lang?[e]” Sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na magiging hari ka ng Aram.”

14 Umalis si Hazael at bumalik sa amo niya na si Haring Ben Hadad. Tinanong siya ni Ben Hadad, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” Sumagot si Hazael, “Sinabi niya po sa akin na tiyak na gagaling kayo.” 15 Pero nang sumunod na araw, kumuha si Hazael ng makapal na tela, isinawsaw ito sa tubig at itinakip sa mukha ng hari hanggang sa mamatay ito. Kaya si Hazael ang pumalit bilang hari ng Aram.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(A)

16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoshafat na si Jehoram nang ikalimang taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 17 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng walong taon. 18 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, tulad ng ginawa ng pamilya ni Ahab, dahil naging asawa niya ang anak nito. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 19 Pero dahil kay David, hindi winasak ng Panginoon ang Juda dahil nangako ang Panginoon na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[f]

20 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda at pumili sila ng sarili nilang hari. 21 Kaya pumunta si Jehoram sa Zair dala ang lahat ng kanyang karwahe. Pinalibutan sila ng mga Edomita. Ngunit kinagabihan, sinalakay nila ang mga Edomita, nakalusot sila at nakatakas. Pagkatapos, nagsiuwi ang mga sundalo niya sa tolda nila. 22 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda. Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna.

23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoram, at ang lahat na ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 24 Nang mamatay si Jehoram, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(B)

25 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoram na si Ahazia nang ika-12 taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 26 Si Ahazia ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Haring Omri ng Israel. 27 Sumunod siya sa pamumuhay ng pamilya ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ng pamilya ni Ahab dahil ginawa niyang asawa ang isa sa kapamilya nito. 28-29 Sumama si Ahazia sa anak ni Ahab na si Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Nakipaglaban sila sa Ramot Gilead at nasugatan si Joram. Umuwi si Haring Joram sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.

Ginawang Hari ng Israel si Jehu

Ipinatawag ni Eliseo ang isa sa miyembro ng grupo ng mga propeta at sinabi, “Maghanda ka, dalhin mo ang lalagyan ng langis, at pumunta ka sa Ramot Gilead. Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat na apo ni Nimsi. Kunin mo siya sa mga kasama niya at dalhin mo sa isang kwarto na dalawa lang kayo. Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at tumakbo ka nang mabilis.”

Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead. Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.” Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel. Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel. Mauubos ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ahab. Papatayin ko ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya, alipin man o hindi. Gagawin ko sa pamilya ni Ahab ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia. 10 Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Binuksan ng batang propeta ang pinto at tumakbo papalayo.

11 Pagbalik ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, isa sa kanila ang nagtanong sa kanya, “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot si Jehu, “Kilala ninyo kung sino siya at kung ano ang kanyang pinagsasabi.” 12 Sumagot sila, “Hindi totoo iyan. Sabihin mo sa amin kung ano talaga ang sinabi niya.” Sinabi ni Jehu, “Ito ang sinabi niya sa akin, ‘Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ ” 13 Nang marinig ito ng mga opisyal, tinanggal nila ang mga balabal nila at inilatag sa hagdanan para kay Jehu. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw, “Si Jehu na ang hari!”

Pinatay ni Jehu sina Joram at Ahazia

14 Nagplano si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimsi laban kay Joram. (Nang panahong iyon, ipinagtatanggol ni Joram at ng mga taga-Israel ang Ramot Gilead laban kay Haring Hazael ng Aram. 15 Pero nasugatan si Joram sa pakikipaglaban nila sa mga Arameo kaya kinailangan niyang umuwi sa Jezreel para magpagaling.) Sinabi ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, “Kung gusto ninyo maging hari ako, huwag ninyong hayaang may lumabas sa lungsod para pumunta sa Jezreel at ibalita na ginawa ninyo akong hari.” 16 Sumakay agad si Jehu sa karwahe niya at pumunta sa Jezreel kung saan nagpapagaling si Joram. Si haring Ahazia ay naroon din dahil binisita niya si Joram.

17 Ngayon, nakita ng guwardya sa tore ng Jezreel si Jehu na paparating kasama ang mga sundalo nito, kaya sumigaw siya, “May paparating na mga sundalo!” Sumagot si Joram, “Magpadala ka ng mangangabayo para alamin kung kapayapaan ang sadya nila sa pagpunta rito.” 18 Kaya umalis ang mangangabayo para salubungin si Jehu at sinabi, “Gusto pong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”

Sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang mangangabayo pero hindi pa siya bumabalik.” 19 Kaya muling nagpadala ang hari ng isang mangangabayo. Pagdating niya kina Jehu sinabi niya, “Gustong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”

20 Muling sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang ikalawang mangangabayo, pero hindi pa siya bumabalik! Sobrang bilis magpatakbo ng karwahe ng kanilang pinuno; parang si Jehu na apo ni Nimsi!” 21 Sinabi ni Joram, “Ihanda mo ang karwahe ko.” Nang maihanda na, umalis sina Haring Joram ng Israel at Haring Ahazia ng Juda, para salubungin si Jehu. Nakasakay sila sa kani-kanilang karwahe. Nagkita sila ni Jehu sa lupain ni Nabot na taga-Jezreel. 22 Pagkakita ni Joram kay Jehu, tinanong niya ito, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, Jehu?” Sumagot si Jehu, “Kahit kailan hindi magkakaroon ng kapayapaan hanggaʼt may pagsamba sa dios-diosan sa pamamagitan ng prostitusyon at pangkukulam na inumpisahan ng iyong ina na si Jezebel.” 23 Pinabalik ni Joram ang kabayo niya at pinatakbo nang mabilis. Sinigawan niya si Ahazia, “Nagtraydor si Jehu sa akin!”

24 Kinuha ni Jehu ang palaso niya at pinana si Joram sa likod. Tumagos ang pana sa puso nito at humandusay ito sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang opisyal, “Kunin mo ang bangkay ni Joram at itapon sa bukid ni Nabot na taga-Jezreel. Naaalala mo ba noong nakasakay tayo sa karwahe sa likuran ni Ahab na kanyang ama? Ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya: 26 ‘Nakita ko kahapon ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak. At nangangako ako na parurusahan kita sa lupain mismo ni Nabot. Ako ang Panginoon ang nagsasabi nito.’ Kaya kunin mo ang katawan niya at itapon sa bukid ni Nabot ayon sa sinabi ng Panginoon.”

27 Nang makita ni Haring Ahazia ng Juda ang nangyari, tumakas siya papunta sa Bet Haggan. Hinabol siya ni Jehu na sumisigaw, “Panain din siya!” Kaya pinana nila siya[g] sa kanyang karwahe sa daan papunta sa Gur, malapit sa Ibleam. Nakatakas siya na sugatan hanggang sa Megido, pero namatay siya roon. 28 Kinuha ng mga lingkod ni Ahazia ang bangkay niya at isinakay sa karwahe papunta sa Jerusalem. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.

29 Naging hari ng Juda si Ahazia nang ika-11 taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel.

Pinatay si Jezebel

30 Pumunta si Jehu sa Jezreel. Nang nalaman ito ni Jezebel, kinulayan ni Jezebel ng pampaganda ang kanyang mga mata, inayos ang buhok niya at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Pagpasok ni Jehu sa pintuan ng palasyo sinabi ni Jezebel sa kanya, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, ikaw na mamamatay-tao? Katulad ka ni Zimri na pinatay ang kanyang amo!” 32 Tumingala si Jehu at nakita niya si Jezebel sa bintana at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang kakampi sa akin?” May dalawa o tatlong opisyal na dumungaw sa kanya sa bintana. 33 Sinabi ni Jehu sa kanila, “Ihulog ninyo siya!” Kaya inihulog nila si Jezebel. Tumalsik ang dugo nito sa pader at sa mga kabayo. Tinapak-tapakan ng mga kabayo ni Jehu ang katawan ni Jezebel. 34 Nang pumasok si Jehu sa palasyo, kumain siya at uminom. Pagkatapos ay sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaeng iyan at ilibing dahil anak siya ng hari.” 35 Pero nang kukunin na nila ang bangkay niya para ilibing, wala nang natira sa kanya, maliban sa kanyang bungo, mga paa at mga kamay. 36 Kaya bumalik sila at sinabi kay Jehu ang nangyari. Sinabi ni Jehu, “Natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias na taga-Tisbe: Sa isang lupain ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel. 37 Ang katawan niya ay kakalat na parang dumi sa bukid ng Jezreel at walang makakakilala sa kanya.”

Footnotes

  1. 7:1 pamilihan: sa Hebreo, pintuang bayan. Ganito rin sa talatang 18.
  2. 7:3 sakit sa balat: sa ibang salin, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ang tawag sa ibaʼt ibang uri ng sakit sa balat.
  3. 8:7 Aram: o, Syria.
  4. 8:9 lingkod: sa Hebreo, anak.
  5. 8:13 Gayong akoʼy … lang: sa literal, Para lang akong aso.
  6. 8:19 nangako … magpakailanman: sa literal, nangako ang Panginoon na bibigyan niya si David at ang kanyang angkan ng ilaw magpakailanman.
  7. 9:27 Kaya pinana nila siya: Wala ito sa tekstong Hebreo, pero nasa ibang lumang teksto.