Add parallel Print Page Options

Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Dios na nakita sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.

Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel.

Read full chapter