Add parallel Print Page Options

Binasbasan ni Solomon ang Buong Israel(A)

Sinabi noon ni Solomon:

“Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap.
Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay,
    isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.”

Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. Sinabi(B) niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’

“Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’

10 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.”

Ang Panalangin ni Solomon para sa Sarili(C)

12 Pagkatapos, sa harap ng buong sambayanan ng Israel, tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at iniunat ang kanyang mga kamay. 13 Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan. 14 Nanalangin siya ng ganito:

“Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 15 Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama. 16 Yahweh,(D) Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’ 17 Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod.

18 “Subalit(E) maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo? 19 Gayunman, pakinggan po ninyo Yahweh, aking Diyos, ang panalangin at pagsusumamo ng inyong lingkod. 20 Huwag(F) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang ipinangako ninyong dito sasambahin ang inyong pangalan. Pakinggan sana ninyo ako kapag ako'y humarap sa Templong ito at nananalangin.

Ang Panalangin ni Solomon para sa Sambayanan

21 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.

22 “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito, 23 pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala.

24 “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito, 25 pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.

26 “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, 27 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.

28 “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot, 29 sa sandaling ang inyong bayang Israel o sinuman sa kanila ay magsisi at iunat ang mga kamay na nananalangin paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa iyo, 30 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong trono at patawarin ninyo sila. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanyang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng puso ng tao. 31 Sa ganoon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. 32 Idinadalangin ko rin ang dayuhang mula sa malayong lugar at hindi kabilang sa inyong bayang Israel na magsasadya sa Templong ito upang manalangin sapagkat nabalitaan ang inyong dakilang pangalan at kapangyarihan. 33 Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito.

34 “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 35 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila.

36 “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain, 37 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama, 38 sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. 40 Pagmasdan ninyo kami, O Diyos, at pakinggan ang mga panalanging iniaalay sa lugar na ito.

41 ‘Sa(G) iyong tahanan, Panginoong Yahweh, pumasok ka kasama ang Kaban,
    ang Kaban na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang magpahayag ng iyong kaligtasan,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!
42 Huwag ninyong itakwil, Panginoong Yahweh, ang pinili ninyong hari.
    Alalahanin ninyo ang inyong tapat na pag-ibig kay David na inyong lingkod.’”

Ang Talumpati ni Solomon sa mga Tao(A)

Pagkatapos ay sinabi ni Solomon,

“Sinabi ng Panginoon na siya'y titira sa makapal na kadiliman.
Ipinagtayo kita ng isang marangyang bahay,
isang lugar na titirhan mo magpakailanman.”

Pumihit ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, samantalang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.

Kanyang(B) sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang kanyang ipinangako sa pamamagitan ng kanyang bibig kay David na aking ama na sinasabi,

‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayan buhat sa lupain ng Ehipto, hindi pa ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay manatili roon; at hindi ako pumili ng sinumang lalaki bilang pinuno ng aking bayang Israel.

Ngunit aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay manatili roon at aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.’

Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso.

Gayunma'y hindi ikaw ang magtatayo ng bahay, kundi ang iyong anak na ipapanganak sa iyo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’

10 Ngayo'y tinupad ng Panginoon ang kanyang ginawang pangako, sapagkat ako'y naging kapalit ni David na aking ama, at umupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at itinayo ko ang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

11 Doo'y aking inilagay ang kaban na kinalalagyan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mga anak ni Israel.”

Ang Panalangin ni Solomon(C)

12 Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay.

13 Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit.

14 Kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo;

15 ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito.

16 Ngayon,(D) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.’

17 Kaya't ngayon, O Panginoon, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David.

18 “Ngunit(E) totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!

19 Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O Panginoon kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo.

20 Ang(F) iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito.

21 Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka.

22 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito,

23 ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa.

24 “Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito,

25 dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno.

26 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila,

27 pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.

28 “Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon;

29 anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,

30 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao);

31 upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.

32 “Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito,

33 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

34 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,

35 pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan.

36 “Kung sila'y magkasala laban sa iyo,—sapagkat walang taong hindi nagkakasala,—at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit;

37 ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, ‘Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,’

38 kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,

39 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.

40 Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito.

41 “Ngayon(G) nga'y bumangon ka, O Panginoong Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O Panginoong Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.

42 O Panginoong Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang.[a] Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod.”

Footnotes

  1. 2 Cronica 6:42 Sa Hebreo ay binuhusan ng langis .