Add parallel Print Page Options

33 Si Manases ay may labing dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limang pu't limang taon sa Jerusalem.

At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama: at siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga Baal, at gumawa ng mga Asera, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa mga yaon,

At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay malalagay ang aking pangalan magpakailan man.

At siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.

Kaniya rin namang pinaraan ang kaniyang mga anak sa apoy sa libis ng anak ni Hinnom: at siya'y nagpamahiin, at nagsanay ng panggagaway at nanghula, at nakipagsanggunian sa mga masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.

At siya'y naglagay ng larawan ng diosdiosan na inanyuan, na kaniyang ginawa, sa bahay ng Dios na pinagsabihan ng Dios kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man:

Ni babaguhin pa man ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda na ukol sa inyong mga magulang, kung kanila lamang isasagawa ang lahat na aking iniutos sa kanila, sa makatuwid baga'y ang buong kautusan at ang mga palatuntunan at ang mga ayos, sa pamamagitan ng kamay ni Moises.

At iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga Jerusalem, na anopa't sila'y nagsigawa ng higit na sama kay sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Manases, at sa kaniyang bayan: nguni't niwalang bahala nila.

11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong kawal ng hukbo ng hari sa Asiria, na siyang nagdala kay Manases na may mga tanikala, at ginapos siya ng mga damal, at nagdala sa kaniya sa Babilonia.

12 At nang siya'y nasa pagkapighati siya'y dumalangin sa Panginoon niyang Dios, at nagpakumbabang mainam sa harap ng Dios ng kaniyang mga magulang.

13 At siya'y dumalangin sa kaniya; at siya'y dininig, at pinakinggan ang kaniyang pamanhik, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Dios.

14 Pagkatapos nga nito ay nagtayo siya ng isang kutang panglabas sa bayan ni David, sa dakong kalunuran ng Gihon, sa libis, hanggang sa pasukan sa pintuang-bayan ng mga isda; at kaniyang kinulong ang Ophel, at itinaas ng malaking kataasan: at kaniyang nilagyan ng mga matapang na pinunong kawal ang lahat ng bayan na nakukutaan sa Juda.

15 At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan.

16 At kaniyang itinayo ang dambana ng Panginoon, at naghandog doon ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at tungkol sa mga pasalamat, at inutusan ang Juda na maglingkod sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

17 Gayon ma'y naghain ang bayan na nagpatuloy sa mga mataas na dako, nguni't sa Panginoon lamang na kanilang Dios.

18 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang kaniyang dalangin sa kaniyang Dios, at ang mga salita ng mga tagakita na nagsalita sa kaniya sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, narito, nangakasulat sa mga gawa ng mga hari sa Israel.

19 Gayon din ang kaniyang panalangin, at kung paanong dininig siya, at ang buo niyang kasalanan at pagsalangsang niya, at ang mga dakong kaniyang pinagtayuan ng mga mataas na dako, at pinagtindigan ng mga Asera at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba: narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Hozai.

20 Sa gayo'y natulog si Manases na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa kaniyang sariling bahay: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

21 Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem.

22 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama: at si Amon ay naghain sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kaniyang ama, at naglingkod sa mga yaon.

23 At siya'y hindi nagpakumbaba sa harap ng Panginoon, na gaya na pagpapakumbaba ni Manases na kaniyang ama: kundi ang Amon ding ito ay siyang sumalangsang ng higit at higit.

24 At ang kaniyang mga lingkod ay naghimagsik laban sa kaniya, at pinatay siya sa kaniyang sariling bahay.

25 Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipanghimagsik laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.

Ang Paghahari ni Manase sa Juda(A)

33 Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar[a] na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Nagpatayo rin siya ng mga altar para kay Baal at nagpagawa ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba siya sa lahat ng bagay sa langit. Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, na ayon sa Panginoon ay ang lugar na kung saan pararangalan siya magpakailanman. Inilagay niya ang mga altar sa dalawang bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak[b], sa Lambak ng Ben Hinom. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Napakasama ng ginawa niya at nakapagpagalit ito sa Panginoon.

Inilagay niya sa templo ang imahen na kanyang ipinagawa, kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak niyang si Solomon, “Pararangalan ako magpakailanman sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na aking pinili mula sa lahat ng lugar ng mga lahi ng Israel. Kung tutuparin lang ng mga mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan at tuntunin ko na ibinigay sa kanila ni Moises, hindi ko papayagang paalisin sila rito sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Pero hinikayat ni Manase ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem sa paggawa ng masama, at ang ginawa nila ay mas malala pa sa ginawa ng mga bansang ipinalipol ng Panginoon sa harap ng mga Israelita.

10 Kahit binalaan ng Panginoon si Manase at ang kanyang mga mamamayan, hindi pa rin sila nakinig sa kanya. 11 Kaya ipinalusob sila ng Panginoon sa mga sundalo ng Asiria. Binihag nila si Manase, nilagyan ng kawit ang kanyang ilong, kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 12 Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno. 13 At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.

14 Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda. 15 Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod. 16 Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.

17 Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, pati ang pananalangin niya sa Dios at ang mga sinabi ng mga propeta sa kanya sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 19 Ang panalangin niya at ang sagot ng Panginoon sa kanya, pati ang lahat niyang kasalanan at pagsuway sa Panginoon ay nakasulat sa aklat ng mga Propeta. Nakatala rin dito ang mga lugar na pinatayuan niya ng mga sambahan, mga posteng simbolo ng diosang si Ashera at ng iba pang mga dios-diosan, bago pa siya nagpakumbaba sa Dios. 20 Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa palasyo niya. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(B)

21 Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 22 Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manase na kanyang ama. Sinamba at hinandugan niya ang mga dios-diosan na ipinagawa ni Manase. 23 Pero hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba sa Panginoon. Sa halip, dinagdagan pa niya ang kanyang kasalanan.

24 Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya. 25 Pero pinatay ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.

Footnotes

  1. 33:3 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  2. 33:6 Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak: o, Idinaan niya sa apoy ang kanyang mga anak.