2 Cronica 29
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)
29 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. 2 Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David 3 Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng templo ng Panginoon at ipinaayos ito. 4 Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng templo. 5 Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili[a] ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi. 6 Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran. 7 Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel. 8 Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon. 9 Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak. 10 Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin. 11 Kaya mga minamahal,[b] huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”[c]
12 Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:
Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.
Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.
Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.
13 Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.
Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.
14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Shimei.
Sa angkan ni Jedutun: sina Shemaya at Uziel.
15 Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon. 16 Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.
17 Sinimulan nilang linisin ang templo sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng templo. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis nang ika-16 na araw ng buwan na iyon. 18 Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekia at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong templo ng Panginoon pati ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito. 19 Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitan na tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Dios. Nilinis na po namin ang mga ito at handa ng gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”
20 Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Hezekia ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa templo ng Panginoon. 21 Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon. 22 Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa. 23 Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing. 24 Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.
25 Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan. 26 Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27 At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28 Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga tagatrumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog. 29 Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Hezekia at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon. 30 Nag-utos si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita para purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Dios.
31 Pagkatapos, sinabi ni Hezekia, “Ngayong naihandog nʼyo na ang inyong sarili sa Panginoon, magdala kayo ng mga handog, kasama ang mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon.” Kaya nagdala ang mga tao ng mga handog na ito sa templo ng Panginoon, at ang iba ay kusang-loob na nag-alay ng mga handog na sinusunog. 32 Ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng mga tao ay 70 toro, 100 lalaking tupa at 200 batang tupa. 33 Nagdala rin sila ng iba pang mga handog na 600 toro at 3,000 tupa at kambing. 34 Pero kakaunti lang ang mga pari na nagkakatay ng mga hayop na ito. Kaya tumulong sa kanila ang mga kamag-anak nilang Levita hanggang matapos ang gawaing iyon at hanggang sa dumami na ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili. Sapagkat mas matapat pa ang mga Levita sa paglilinis ng kanilang sarili kaysa sa mga pari. 35 Napakaraming handog na sinusunog, pati mga taba ng mga hayop na inihandog para sa mabuting relasyon, at mga handog na inuming inialay kasama ng mga handog na sinusunog. Sa ganitong paraan, muling naibalik ang mga gawain sa templo ng Panginoon. 36 Labis ang kagalakan ni Hezekia at ng mga tao sa tulong na ginawa ng Dios, dahil ditoʼy nagawa nila ang lahat ng ito nang mabilis.
2 Cronica 29
Ang Biblia (1978)
Naghari si Ezechias.
29 Si Ezechias ay nagpasimulang maghari (A)nang siya'y dalawangpu't limang taon: at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abia na anak ni Zacharias.
2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.
3 Siya'y (B)nagbukas sa unang taon ng kaniyang paghahari, na unang buwan, ng mga pinto ng bahay ng Panginoon, at mga hinusay.
4 At kaniyang ipinasok ang mga saserdote at mga Levita, at pinisan sila sa maluwang na dako sa silanganan,
5 At sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga Levita; ngayo'y mangagpakabanal kayo, at italaga ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.
6 Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.
7 (C)Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsipagsunog ng kamangyan ni nagsipaghandog man ng mga handog na susunugin sa dakong banal sa Dios ng Israel.
8 Kaya't ang pagiinit ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ibinigay niya sila upang hamakin saa't saan man, upang maging katigilan, at kasutsutan, gaya ng inyong nakikita ng inyong mga mata.
9 Sapagka't narito, ang (D)ating mga magulang ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalake at babae at ang ating mga asawa ay nangasa pagkabihag dahil dito.
10 (E)Nasa akin ngang puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Dios ng Israel, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa atin.
11 Mga anak ko, huwag kayong mangagpabaya: sapagka't (F)pinili kayo ng Panginoon upang magsitayo sa harap niya, upang magsipangasiwa sa kaniya, at kayo'y maging kaniyang mga tagapangasiwa, at mangagsunog kayo ng kamangyan.
Nilinis ng mga Levita ang templo.
12 Nang magkagayo'y nagsitindig ang mga Levita, si Mahath na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias sa mga anak ng mga Coathita: at sa mga anak ni Merari, si Cis na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehaleleel: at sa mga Gersonita, si Joah na anak ni Zimma, at si Eden na anak ni Joah:
13 At sa mga anak ni Elisaphan, si Simri, at si Jehiel: at sa mga anak ni Asaph, si Zacharias at si Mathanias:
14 At sa mga anak ni Heman, si Jehiel at si Simi: at sa mga anak ni Jeduthun, si Semeias at si Uzziel.
15 At pinisan nila ang kanilang mga kapatid, at (G)nangagpakabanal, at nagsipasok ayon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang (H)linisin ang bahay ng Panginoon.
16 At ang mga saserdote ay nagsipasok sa pinakaloob ng bahay ng Panginoon, upang linisin, at inilabas ang lahat na dumi na kanilang nasumpungan sa templo ng Panginoon. At kinuha ng mga Levita upang ilabas sa (I)batis ng Cedron.
17 Sila nga'y nagpasimula na mangagpakabanal nang unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw ng buwan ay nagsiparoon sila sa portiko ng Panginoon; at kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa walong araw; at sa ikalabing anim na araw ng unang buwan ay kanilang niwakasan.
18 Nang magkagayo'y kanilang pinasok si Ezechias na hari, sa loob ng palasio, at kanilang sinabi, Aming nilinis ang buong bahay ng Panginoon, at ang dambana ng handog na susunugin, pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at ang dulang ng tinapay na handog, pati ng lahat na kasangkapan niyaon.
19 Bukod dito'y (J)lahat na kasangkapan, na inihagis ng haring Achaz sa kaniyang paghahari, nang siya'y sumalangsang, aming inihanda at itinalaga, at, narito, nangasa harap ng dambana ng Panginoon.
Handog sa kasalanan at handog na susunugin ay dinala.
20 Nang magkagayo'y si Ezechias na hari ay bumangong maaga, at pinisan ang mga prinsipe ng bayan, at sumampa sa bahay ng Panginoon.
21 At sila'y nagsipagdala ng (K)pitong baka, at pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalake, na (L)pinakahandog dahil sa kasalanan sa ikagagaling ng kaharian, at ng santuario, at ng Juda. At siya'y nagutos sa mga saserdote na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga yaon sa dambana ng Panginoon.
22 Sa gayo'y kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga saserdote ang dugo, at iniwisik sa dambana: at kanilang pinatay ang mga tupa, at iwinisik ang (M)dugo sa ibabaw ng dambana: pinatay rin nila ang mga kordero, at iniwisik ang dugo sa ibabaw ng dambana.
23 At kanilang inilapit ang mga kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan sa harap ng hari at ng kapisanan; at ipinatong (N)nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon:
24 At mga pinatay ng mga saserdote, at sila'y nagsigawa ng isang handog dahil sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga yaon sa ibabaw ng dambana, (O)upang itubos sa buong Israel: sapagka't iniutos ng hari na ang handog na susunugin at ang handog dahil sa kasalanan ay gagawin para sa buong Israel.
25 (P)At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, (Q)ayon sa utos ni David, at ni (R)Gad na tagakita ng hari, at ni (S)Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.
26 At ang mga Levita ay nagsitayo na may mga panugtog ni David, at ang mga saserdote na may mga pakakak.
27 At si Ezechias ay nagutos na maghandog ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. At nang ang handog na susunugin ay pasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan naman, at ang mga pakakak, pati ang mga panugtog ni David na hari sa Israel.
28 At ang buong kapisanan ay sumamba, at ang mga mangaawit ay nagsiawit, at ang mga manghihihip ng pakakak ay nangagpatunog; lahat ng ito ay ipinagpatuloy hanggang sa ang handog na susunugin ay natapos.
29 At nang sila'y makatapos ng paghahandog (T)ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.
30 Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.
Ang iba pang mga handog ay dinala.
31 Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga (U)kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga (V)hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin.
32 At ang bilang ng mga handog na susunugin na dinala ng kapisanan, pitongpung baka, isang daang tupang lalake, dalawang daang kordero: lahat ng mga ito ay pinakahandog na susunugin sa Panginoon.
33 At ang mga bagay na itinalaga ay anim na raang baka at tatlong libong tupa.
34 Nguni't ang mga saserdote ay naging kakaunti, na anopa't hindi nila malapnusan ang lahat na handog na susunugin (W)kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa nangagpakabanal ang mga saserdote; sapagka't (X)ang mga Levita ay matuwid ang puso na mangagpakabanal na higit kay sa mga saserdote.
35 At ang mga handog na susunugin naman ay sagana, pati ang (Y)taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, (Z)at pati ang mga handog na inumin na ukol sa bawa't handog na susunugin. Sa gayo'y ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay naayos.
36 At si Ezechias ay nagalak, at ang buong bayan, dahil sa inihanda ng Dios ang bayan: sapagka't ang bagay ay biglang nagawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978