Add parallel Print Page Options

Sinumbatan ng Isang Propeta si Jehoshafat

19 Si Jehoshafat na hari ng Juda ay ligtas na umuwi sa kanyang bahay sa Jerusalem.

Subalit si Jehu na anak ni Hanani na propeta ay lumabas upang salubungin siya, at sinabi kay Haring Jehoshafat, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at mahalin ang mga napopoot sa Panginoon? Dahil dito, ang poot ay lumabas laban sa iyo mula sa harapan ng Panginoon.

Gayunman, may ilang kabutihang natagpuan sa iyo, sapagkat winasak mo ang mga sagradong poste[a] sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Diyos.”

Si Jehoshafat ay nanirahan sa Jerusalem; at siya'y muling lumabas sa bayan, mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at kanyang ibinalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

Siya'y humirang ng mga hukom sa lupain sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda, sa bawat lunsod,

at sinabi sa mga hukom, “Isaalang-alang ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat kayo'y humahatol hindi para sa tao, kundi para sa Panginoon; siya'y kasama ninyo sa pagbibigay ng hatol.

Ngayon, sumainyo nawa ang takot sa Panginoon. Mag-ingat kayo sa inyong ginagawa, sapagkat walang pagpilipit ng katarungan sa Panginoon nating Diyos, o pagtatangi o pagtanggap man ng mga suhol.”

Bukod dito'y naglagay si Jehoshafat sa Jerusalem ng ilang mga Levita, mga pari, at mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel upang humatol para sa Panginoon at upang pagpasiyahan ang mga alitan. Ang kanilang mga luklukan ay nasa Jerusalem.

At kanyang tinagubilinan sila, “Ganito ang inyong gagawin sa takot sa Panginoon, sa katapatan at sa inyong buong puso:

10 tuwing may usaping dumating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na naninirahan sa kanilang mga lunsod, tungkol sa pagdanak ng dugo, sa kautusan o batas, mga tuntunin o mga kahatulan, ay inyong tuturuan sila, upang sila'y huwag magkasala sa harap ng Panginoon, at ang poot ay huwag dumating sa inyo at sa inyong mga kapatid. Gayon ang inyong gagawin, at kayo'y hindi magkakasala.

11 Si Amarias na punong pari ay mamumuno sa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sambahayan ng Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari, at ang mga Levita ay maglilingkod sa inyo bilang mga pinuno. Gumawa kayong may katapangan at ang Panginoon nawa'y makasama ng matuwid!”

Footnotes

  1. 2 Cronica 19:3 Sa Hebreo ay Ashera .

19 Bumalik si Jehoshafat sa palasyo niya sa Jerusalem na ligtas, sinalubong siya ni propeta Jehu na anak ni Hanani at sinabi, “Bakit tinulungan mo ang masama at inibig ang napopoot sa Panginoon? Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa iyo. Pero mayroon ding mabuti sa iyo. Inalis mo sa Juda ang posteng simbolo ng diosang si Ashera at hinangad mo ang sumunod sa Dios.”

Pumili si Jehoshafat ng mga Hukom

Nakatira si Jehoshafat sa Jerusalem, pero pinupuntahan niya ang mga tao mula sa Beersheba hanggang sa bulubundukin ng Efraim para hikayatin silang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng kanilang ninuno. Naglagay siya ng mga hukom sa bawat napapaderang lungsod ng Juda. Sinabi niya sa kanila, “Mag-isip muna kayo ng mabuti bago kayo humatol dahil hindi kayo hahatol para sa tao kundi para sa Panginoon, na siyang sumasainyo sa tuwing magbibigay kayo ng hatol. Gumalang kayo sa Panginoon, at humatol kayo nang mabuti dahil hindi pinapayagan ng Panginoon na ating Dios ang kawalan ng katarungan, ang paghatol nang may kinikilingan, at ang pagtanggap ng suhol.”

Naglagay din sa Jerusalem si Jehoshafat ng mga Levita, mga pari, at mga pinuno ng pamilya ng mga Israelita sa pagdinig ng mga kaso na may kinalaman sa kautusan ng Panginoon at mga alitan. At silaʼy tumira sa Jerusalem. Ito ang utos niya sa kanila: “Kailangang maglingkod kayo nang tapat at buong puso, na may paggalang sa Panginoon. 10 Kung may kaso na dumating sa inyo mula sa mga kababayan ninyo sa kahit saang lungsod na may kinalaman sa pagpatay o paglabag sa mga utos at mga tuntunin, balaan nʼyo sila na huwag magkasala sa Panginoon dahil kung hindi, ipapataw niya ang kanyang galit sa inyo at sa kanila. Gawin nʼyo ito para hindi kayo magkasala. 11 Kung may mga kaso tungkol sa Panginoon na hindi nʼyo maayos, si Amaria na punong pari ang siyang mag-aayos nito. At kung may kaso tungkol sa gobyerno na hindi nʼyo maayos, si Zebadia na anak ni Ishmael, na pinuno ng lahi ni Juda, ang siyang mag-aayos nito. Ang mga Levita ay tutulong sa inyo para matiyak na mapapairal ang hustisya. Magpakatapang kayo sa paggawa ng inyong mga tungkulin. Nawaʼy samahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng matuwid.”