Add parallel Print Page Options

Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago

15 Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,

at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.

Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.

Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.

Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.

Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.

Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”

Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.

At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.

10 Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.

11 Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.

12 At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.

13 Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.

14 Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.

15 Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.

16 Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste.[a] Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron.

17 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw.

18 At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga—pilak, ginto, at mga sisidlan.

19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.

Footnotes

  1. 2 Cronica 15:16 Sa Hebreo ay Ashera .

Si Asa ay gumawa ng pagbabago sa pagsamba.

15 At (A)ang espiritu ng Dios ay suma kay Azarias na anak ni Obed:

At siya'y lumabas na sinalubong si Asa, at sinabi niya sa kaniya, Dinggin ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: ang Panginoon ay sumasa inyo samantalang kayo'y sumasa kaniya: (B)at kung inyong hanapin siya, siya'y masusumpungan ninyo; nguni't (C)kung pabayaan ninyo siya, kaniyang pababayaan kayo.

(D)Ngayon nga ang Israel ay malaon nang walang Dios na tunay (E)at walang tagapagturong saserdote, at walang kautusan:

Nguni't nang sa kanilang kapanglawan ay nagsipagbalik sila sa Panginoon, sa Dios ng Israel, at hinanap nila siya, siya'y nasumpungan nila.

At nang mga panahong yaon ay walang kapayapaan sa kaniya na lumabas, o sa kaniya na pumasok, kundi malaking ligalig ang nangasa lahat ng mga nananahan sa mga lupain.

At sila'y nagkapangkatpangkat, bansa laban sa bansa, at bayan laban sa bayan: sapagka't niligalig sila ng Dios ng buong kapighatian.

Nguni't mangagpakalakas kayo, at huwag manglata ang inyong mga kamay; sapagka't ang inyong mga gawa ay gagantihin.

At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, at ang hula ni Obed na propeta, siya'y lumakas, at (F)inalis ang mga karumaldumal sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, (G)at sa mga bayan na kaniyang sinakop sa lupaing maburol ng Ephraim; at kaniyang binago ang dambana ng Panginoon, na nasa (H)harap ng portiko ng Panginoon.

At kaniyang pinisan ang buong Juda at Benjamin, at silang mga (I)nakikipamayan na kasama nila mula sa Ephraim at Manases, at mula sa Simeon; sapagka't sila'y nagsihilig sa kaniya na mula sa Israel na sagana, nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya.

10 Sa gayo'y nangagpipisan sila sa Jerusalem sa ikatlong buwan, sa ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa.

11 At sila'y nagsipaghain sa Panginoon sa araw na yaon, (J)sa samsam na kanilang dinala, na pitong daang baka at pitong libong tupa.

12 (K)At sila'y pumasok sa tipan upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, ng kanilang buong puso, at ng kanilang buong kaluluwa.

13 At sinomang hindi humanap sa Panginoon, sa Dios ng Israel, ay (L)papatayin, maging maliit o malaki, maging lalake o babae.

14 At sila'y nagsisumpa sa Panginoon ng malakas na tinig, at may mga hiyawan, at may mga (M)pakakak, at may mga patunog.

15 At ang buong Juda ay nagalak sa sumpa: sapagka't sila'y nagsisumpa ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang nasa; at siya'y nasumpungan sa kanila: at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.

16 At si Maacha (N)naman na (O)ina ni Asa na hari, ay inalis niya sa pagkareina, sapagka't siya'y gumawa ng nakasusuklam na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at (P)ginawang alabok, at sinunog sa batis ng Cedron.

17 Nguni't ang mga (Q)mataas na dako ay hindi inalis sa Israel: gayon ma'y ang puso ni Asa ay sakdal sa lahat ng kaniyang mga kaarawan.

18 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Dios ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at yaon mang kaniyang itinalaga, na pilak, at ginto, at mga sisidlan.

19 At nawalan na ng digma sa ikatatlong pu't limang taon ng paghahari ni Asa.