Add parallel Print Page Options

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Sana'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kahangalan. Subalit tunay na nagtitiis kayo sa akin!

Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho, sapagkat kayo'y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo'y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen.

Ngunit(A) ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan[a] kay Cristo.

Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon.

Sa palagay ko ay hindi ako pahuhuli sa mga dakilang apostol na ito.

Bagaman ako'y hindi bihasa sa pagsasalita, gayunma'y hindi sa kaalaman, kundi sa bawat paraan ay ginawa namin itong hayag sa inyo sa lahat ng mga bagay.

Ako ba'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil sa ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos?

Aking ninakawan ang ibang mga iglesya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sahod mula sa kanila upang makapaglingkod sa inyo.

At(B) nang ako'y kasama ninyo at nasa pangangailangan, ako'y hindi naging pasanin sa kanino man, sapagkat ang aking mga pangangailangan ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Kaya't aking iniwasan at iiwasan na maging pasanin ninyo sa anumang paraan.

10 Kung paanong ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, walang makakapigil sa akin sa pagmamalaking ito sa mga lupain ng Acaia.

11 At bakit? Sapagkat hindi ko kayo minamahal? Alam ito ng Diyos!

12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisin ang pagkakataon doon sa mga nagnanais ng pagkakataon na kilalanin bilang mga kapantay namin tungkol sa ipinagmamalaki nila.

13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, na nagpapanggap na mga apostol ni Cristo.

14 At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag.

15 Kaya't hindi nakapagtataka na ang kanyang mga ministro naman ay magpanggap na mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.

Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang inyong iniisip, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang ako rin ay makapagmalaki ng kaunti.

17 Ang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi ayon sa Panginoon, kundi bilang isang hangal sa ganitong mapagmalaking pagtitiwala.

18 Yamang marami ang nagmamalaki sang-ayon sa pamantayan ng tao, ako ma'y magmamalaki.

19 Sapagkat may kagalakan ninyong pinagtitiisan ang mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo!

20 Sapagkat pinagtitiisan ninyo ito kapag inaalipin kayo, o kapag nilalapa kayo, o kapag kayo'y pinagsasamantalahan, o kapag pinagyayabangan, o kapag kayo'y sinasampal sa mukha.

21 Sa aking kahihiyan ay dapat kong sabihin, napakahina namin sa ganito! Ngunit kung ang sinuman ay malakas ang loob na nagmamalaki—ako ay nagsasalita bilang hangal—malakas din ang loob ko na ipagmalaki iyon.

22 Sila ba'y mga Hebreo? Ako man. Sila ba'y mga Israelita? Ako man. Sila ba'y mga binhi ni Abraham? Ako man.

23 Sila(C) ba'y mga ministro ni Cristo? (Ako'y nagsasalita na parang isang baliw.) Lalo pa ako na mas maraming pagpapagal, mas maraming pagkabilanggo, ng di mabilang na bugbog, at malimit na mabingit sa kamatayan.

24 Sa(D) mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit, kulang ng isa.

25 Tatlong(E) ulit na ako'y hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako'y nasa laot;

26 nasa(F) madalas na paglalakbay, nasa panganib sa mga ilog, panganib sa mga magnanakaw, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lunsod, panganib sa mga ilang, panganib sa dagat, panganib kasama ng mga huwad na kapatid;

27 sa pagpapagal at hirap, sa mga pagpupuyat, sa gutom at uhaw, madalas na walang pagkain, giniginaw at hubad.

28 Bukod sa mga bagay na nasa labas, ako'y araw-araw na nabibigatan sa alalahanin para sa mga iglesya.

29 Sino ang mahina, at ako ba'y hindi mahina? Sino ang natitisod, at ako'y di nag-iinit?

30 Kung kailangang ako'y magmalaki, ako'y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.

31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus (siyang pinupuri magpakailanpaman) ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.

32 Sa(G) Damasco, binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang lunsod ng Damasco upang ako'y dakpin,

33 subalit ako'y ibinaba sa isang tiklis palabas sa isang bintana sa pader at nakatakas sa kanyang mga kamay.

Footnotes

  1. 2 Corinto 11:3 Wala sa ibang mga kasulatan ang salitang kadalisayan .

11 Kahimanawari'y mapagtiisan ninyo (A)ako sa kaunting kamangmangan: nguni't tunay na ako'y inyong pinagtitiisan.

Sapagka't ako'y (B)naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios: sapagka't kayo'y aking pinapagasawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Cristo na (C)tulad sa dalagang malinis.

Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, (D)kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.

Sapagka't kung (E)yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o (F)ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.

Sapagka't inaakala kong (G)sa anoman ay hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol.

Datapuwa't bagaman (H)ako ay magaspang sa pananalita, gayon ma'y hindi ako (I)sa kaalaman; hindi, kundi (J)sa lahat ng paraan ay ipinahayag namin ito sa inyo.

Ako nga baga'y nagkasala (K)sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo'y mangataas dahil sa ipinangaral ko (L)sa inyo na walang bayad ang evangelio ng Dios?

Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtanggap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo;

At pagka ako'y kaharap ninyo at ako'y nagkukulang ng ikabubuhay, ako'y hindi naging pasan (M)sa kanino man; sapagka't mga kapatid nang sila'y manggaling sa Macedonia (N)ay tumakip ng aming pangangailangan; at sa lahat ng mga bagay ay pinagingatan kong huwag maging pasanin ninyo, at magiingat nga ako.

10 Kung paanong nasa akin ang katotohanan ni Cristo, sinoman ay hindi makapipigil sa akin sa pagmamapuring ito sa mga dako ng Acaya.

11 Bakit? (O)sapagka't hindi ko baga kayo iniibig? Nalalaman ng Dios.

12 Datapuwa't ang aking ginagawa ay siya kong gagawin, (P)upang maputol ko ang kadahilanan sa mga nagnanasa ng kadahilanan; upang sa anomang ipinagmamapuri nila ay mangasumpungan sila na gaya namin.

13 Sapagka't ang mga gayong tao (Q)ay mga bulaang apostol, mga magdarayang (R)manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo.

14 At hindi katakataka: sapagka't si Satanas (S)man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan.

15 Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring (T)ministro ng katuwiran; (U)na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa.

16 Muling sinasabi ko, (V)Huwag isipin ng sinoman na ako'y mangmang; nguni't kung gayon, gayon ma'y tanggapin ninyo akong gaya ng isang mangmang, upang ako naman ay makapagmapuri ng kaunti.

17 Ang ipinangungusap ko ay (W)hindi ko ipinangungusap ayon sa Panginoon, kundi gaya ng sa kamangmangan, sa pagkakatiwalang ito sa pagmamapuri.

18 Yamang maraming nagmamapuri ayon sa laman, ako nama'y magmamapuri.

19 Sapagka't pinagtitiisan ninyo na (X)may kasayahan ang mga mangmang, palibhasa'y marurunong kayo.

20 Sapagka't inyong pinagtitiisan ang sinoman, (Y)kung kayo'y inaalipin, kung kayo'y sinasakmal, kung kayo'y binibihag, kung siya'y nagpapalalo, kung kayo'y sinasampal sa mukha.

21 Sinasalita ko ang tungkol sa kapulaan, na wari ay naging mahina kami. Nguni't kung ang sinoman ay matapang sa anoman (nangungusap ako sa kamangmangan), ako'y matapang din naman.

22 Sila baga'y mga Hebreo? (Z)ako man. Sila baga'y mga (AA)Israelita? ako man. Sila baga'y binhi ni Abraham? ako man.

23 Sila baga'y mga (AB)ministro ni Cristo? (ako'y nangungusap na waring nasisira ang bait) lalo pa ako; (AC)sa pagpapagal ako'y lubhang sagana, sa mga bilangguan ay lubhang madalas, (AD)sa mga palo ay walang bilang, sa mga ikamamatay ay malimit.

24 Sa mga Judio ay makalimang tumanggap ako ng tigaapat na pung palo, kulang ng isa.

25 Makaitlong ako'y hinampas ng mga panghampas, (AE)minsan ako'y binato, makaitlong ako'y nabagbag, isang araw at isang gabi na ako'y nasa kalaliman ng dagat;

26 Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga (AF)kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga (AG)kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban (AH)sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga (AI)bulaang kapatid;

27 Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas, sa ginaw at kahubaran.

28 Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang (AJ)kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia.

29 Sino ang nanghina, (AK)at ako'y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako'y di nagdaramdam?

30 Kung kinakailangang ako'y magmapuri, (AL)ako'y magmamapuri sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.

31 (AM)Ang Dios at Ama ng Panginoong Jesus, na mapalad magpakailan pa man, ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.

32 Sa Damasco ay binantayan (AN)ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang bayan ng mga taga Damasco, upang ako'y hulihin:

33 At sa isang dungawan, ay napahugos ako sa kuta, sa isang balaong, at ako'y nakatanan sa kanilang mga kamay.