Add parallel Print Page Options

Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.

Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran.[a] Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.

Mga Personal na Bilin

Pagsikapan mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon 10 dahil iniwanan ako ni Demas at nagpunta siya sa Tesalonica. Iniwanan niya ako dahil mas mahal niya ang mga bagay sa mundong ito. Si Cresens naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmatia. 11 Si Lucas lang ang kasama ko. Kaya isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko. 12 Si Tykicus namaʼy pinapunta ko sa Efeso. 13 Pagpunta mo ritoʼy dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpus sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14 Napakasama ng ginawa sa akin ng panday na si Alexander. Ang Panginoon na ang bahalang magparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. 15 Mag-ingat ka rin sa kanya dahil sinasalungat niya nang husto ang mga ipinangangaral natin.

16 Walang sumama sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Dios. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas para maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Judio. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan.[b] 18 Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen!

Mga Pangangamusta

19 Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila at sa pamilya ni Onesiforus. 20 Si Erastus ay nanatili sa Corinto, at si Trofimus namaʼy iniwan ko sa Miletus dahil may sakit siya. 21 Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulus, Pudens, Linus, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito.

22 Sumainyo nawa ang Panginoon at ang pagpapala niya.

Footnotes

  1. 4:8 korona ng katuwiran: Ang ibig sabihin ay may gantimpalang ibibigay sa kanya ang Dios dahil sa matuwid niyang pamumuhay, o ang gantimpala mismo sa kanya ay ang ganap na pagkamatuwid.
  2. 4:17 sa tiyak na kamatayan: sa literal, sa bunganga ng leon.