2 Timoteo 3
Ang Salita ng Diyos
Kawalan ng Pagsamba sa Mga Huling Araw
3 Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw, daratingang magulong panahon.
2 Ito ay sapagkat ang tao ay magigimg maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, hindi mapagpasalamat, hindi banal. 3 Sila ay walang pag-ibig, hindi mapagpatawad, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabagsik, hindi mapagmahal sa kabutihan. 4 Sila ay mga taksil, mga hindi mapigil at mga mapagpalalo. Iniibig nila ang kalayawan kaysa sa ibigin nila ang Diyos. 5 Sila ay may anyo ng pagkamaka-Diyos ngunit ipinagkakaila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga taong ito.
6 Ito ay sapagkat ang ganitong mga tao ang pumapasok sa bahay sa pamamagitan ng panlilinlang at binibihag ang mga babaeng mahihina ang kaisipan. Ang mga kasalanan ay nagpapabigat sa mga babaeng ito at inililigaw sila ng lahat ng uri ng pagnanasa. 7 Sila ay laging nag-aaral ngunit hindi sila kailanman makakaalam ng katotohanan. 8 Kung paanong si Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, gayundin ang pagsalungat sa katotohanan ng mga taong ito na may mga kaisipang napakasama. Patungkol sa pananampalataya, sila ay nasumpungang walang kabuluhan. 9 Ngunit sila ay hindi makakasulong pa. Ito sapagkat kung paanong nakita ng lahat ang kamangmangan nina Janes at Jambres, makikita rin ng lahat ang kamangmangan ng mga ito.
Ang Bilin ni Pablo kay Timoteo
10 Ngunit maingat mong sinunod ang mga itinuro ko, ang aking pamamaraan sa buhay, ang aking layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis.
11 Alam mo ang aking mga pag-uusig at ang aking mga kahirapan. Alam mo ang mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio at sa Listra. Alam mo kung anong uri ng pag-uusig ang aking binata. Iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng ito. 12 At lahat nga ng ibig na mamuhay kay Cristo ng may pagkamaka-Diyosay uusigin. 13 Ngunit ang mga taong masasama at mga mapagpakunwari ay higit pang sasama. Inililigaw nila ang iba at ililigaw din sila ng iba. 14 Ngunit ikaw ay manatili sa mga bagay na iyong natutunan at sa mga bagay na nakakatiyak ka, sapagkat kilala mo kung kanino mo ito natutuhan. 15 Mula ng ikaw ay sanggol pa lamang, alam mo na ang banal na mga kasulatan na makakapagbigay ng karunungan sa iyo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Kinasihan ng Diyos ang bawat kasulatan. Ang mga ito ay mapakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, na naihandang lubos sa mga mabubuting gawa.
Copyright © 1998 by Bibles International