2 Tesalonica 1
Ang Salita ng Diyos
1 Akong si Pablo na kasama si Silvano at si Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
2 Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.
Pagpapasalamat at Panalangin
3 Mga kapatid, nararapat lamang na kami ay laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat ang inyong pananampalataya ay lalong lumalago at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay sumasagana at ito rin ay sumasagana sa lahat para sa isa’t isa.
4 Kaya nga, para sa amin, kayo ay ipinagmamalaki namin sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig at mga paghihirap na inyong tinitiis.
5 Ang mga ito ang katibayan ng makatarungang paghatol ng Diyos na kayo ay ariing karapat-dapat na mapabilang sa kaharian ng Diyos. Alang-alang sa kaharian ng Diyos, kayo ay natitiis. 6 Makatarungan para sa Diyos na gantihan ng paghihirap ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 Gantihan din kayo ng Diyos ng kapahingahan kasama namin, sa inyo na mga nagbata ng kahirapan, sa araw na ang Panginoong Jesucristo ay mahahayag mula sa langit kasama ng kaniyang makapangyarihang mga anghel. 8 Sa pamamagitan ng naglalagablab na apoy ay maghihiganti siya sa kanila na hindi nakakakilala sa Diyos at sila na hindi sumunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo. 9 Daranasin nila ang kaparusahang walang hanggang kapahamakan. Ito ay ang pagkahiwalay mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan. 10 Sa araw na iyon ng kaniyang pagdating, siya ay luwalhatiin ng kaniyang mga banal at kamanghaan ng lahat ng sumasampalataya. Ito ay sapagkat ang patotoo namin sa inyo ay inyong sinampalatayanan.
11 Dahil din dito, lagi namin kayong idinadalangin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag na ito. Idinadalangin din namin na ganapin ng Diyos ang bawat mabuting kaluguran sa kabutihan at gawa ng pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 12 Ito ay upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo ay maluwalhati sa inyo at kayo sa kaniya ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesucristo.
Copyright © 1998 by Bibles International