Add parallel Print Page Options

Kinuha ni David ang Kaban ng Tipan(A)

Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. Pinangunahan(B) niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. Kinuha(C) nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang.

Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[a] Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(D) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.

12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.

16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. 18 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. 19 Bago(E) nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas.

20 Pag-uwi ni David upang batiin ang kanyang pamilya, sinalubong siya ni Mical na may ganitong pagbati: “Dakilang araw ito sa hari ng Israel na parang baliw na nagsasayaw sa harapan ng mga aliping babae ng kanyang mga tauhan.”

21 Sumagot si David, “Ginawa ko iyon upang parangalan si Yahweh. Sapagkat sa halip na ang iyong ama at ang kanyang sambahayan, ako ang pinili ni Yahweh na mamuno sa Israel. At patuloy pa akong magsasayaw upang parangalan si Yahweh, 22 at gagawa pa nang mas masahol dito. Sa tingin mo'y hamak ako dahil sa aking ginawa, ngunit sa paningin ng mga babaing iyon ay marangal ang ginawa ko.”

23 Si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa siya'y mamatay.

Footnotes

  1. 2 Samuel 6:8 PEREZ-UZA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “ang pagpaparusa kay Uza”.