Add parallel Print Page Options

Ang Paghihimagsik ni Seba

20 Si(A) Seba na taga-Gilgal ay isang walang-hiyang tao. Siya ay anak ni Bicri, mula sa lipi ni Benjamin. Hinipan niya ang trumpeta upang mapansin ng tao. Isinisigaw niya, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse?” Humiwalay nga kay David ang mga taga-Israel at sumama kay Seba. Ngunit nanatiling tapat ang mga taga-Juda kay David at buhat sa Jordan ay inihatid nila ang hari hanggang Jerusalem.

Pagdating(B) doon, ipinakuha ni David ang sampung asawang-lingkod na iniwan niya upang mamahala sa palasyo. Pinapunta niya ang mga ito sa isang bahay, pinatira doon at pinabantayan. Pinadadalhan niya ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan ngunit hindi na niya sila muling sinipingan. Kaya't namuhay silang parang mga biyuda hanggang sa sila'y mamatay.

Tinawag ng hari si Amasa at sinabi, “Tipunin mo ang mga kalalakihan ng Juda at dalhin mo sila rito sa loob ng tatlong araw.” Sinikap ni Amasang sundin ang utos ng hari ngunit hindi niya naiharap dito ang mga kalalakihan ng Juda sa loob ng takdang panahon. Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.” Sumama nga kay Abisai si Joab at ang mga tauhan niya, gayundin ang mga Peleteo at Kereteo, upang tugisin si Seba na anak ni Bicri. Pagsapit nila sa may malaking bato sa Gibeon, sinalubong sila ni Amasa. Suot noon ni Joab ang kanyang kasuotang pandigma, at may dala siyang espada na nakakabit sa kanyang sinturon. Habang papalapit siya, nalaglag ang kanyang espada. Sinabi niya, “Kumusta ka, kapatid ko!” sabay hawak ng kanang kamay sa balbas ni Amasa upang ito'y hagkan. 10 Hindi napapansin ni Amasa ang espadang hawak ni Joab sa kabilang kamay. Kaya't sinaksak siya nito sa tiyan. Lumuwa sa lupa ang bituka niya, at namatay agad sa saksak na iyon.

Nagpatuloy ang magkapatid na Joab at Abisai sa kanilang pagtugis kay Seba. 11 Isang tauhan ni Joab ang tumayo sa may bangkay ni Amasa at sumigaw, “Ang lahat ng kakampi ni Joab at ni David ay sumunod kay Joab!” 12 Nakabulagta sa gitna ng lansangan ang bangkay ni Amasa, naliligo sa sariling dugo. Kaya, lahat ng makakita rito ay napapahinto. Nang mapuna ito ng isang tauhan ni Joab, hinila niya ang bangkay at inilayo sa daan, saka tinakpan ng damit. 13 Nang maalis ang bangkay sa gitna ng daan lahat ay sumunod kay Joab upang tugisin si Seba.

14 Pinuntahan ni Seba ang lahat ng lipi ng Israel hanggang sa sumapit siya sa Abel-bet-maaca. Lahat ng angkan ni Bicri ay nagkaisang sumunod sa kanya na pumasok sa lunsod. 15 Nalaman iyon ng mga tauhan ni Joab, kaya't kinubkob nila ang lunsod. Nagbunton sila ng lupa sa tabi ng pader para makasampa roon habang pinababagsak ng iba ang pader ng lunsod. 16 Ngunit isang matalinong babae ang nangahas tumayo sa isang mataas na lugar sa pader at mula roon ay nanawagan, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab na pumarito. Gusto ko sana siyang makausap.” 17 Paglapit ni Joab, tinanong siya ng babae, “Kayo po ba si Joab?”

“Ako nga,” sagot nito.

“Pakinggan po ninyo ang aking sasabihin,” sabi ng babae.

“Sige, nakikinig ako,” wika naman ni Joab.

18 “Noong araw,” sabi ng babae, “mayroon pong ganitong kasabihan: ‘Magtanong ka sa lunsod ng Abel’, at ganoon nga ang ginagawa ng mga tao noon upang malutas ang kanilang suliranin. 19 Sa buong Israel ang lunsod pong ito ay maituturing na pinakatahimik at tapat. Siya'y tulad ng isang mapag-arugang ina sa Israel. Bakit gusto ninyo itong gibain? Bakit ninyo wawasakin ang lunsod na ipinamana ni Yahweh?”

20 “Hindi ko gagawin iyan!” wika ni Joab. “Hindi namin gustong wasakin ang inyong lunsod. 21 Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.”

Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.” 22 Pumasok siya sa kabayanan, at palibhasa'y matalino, sumang-ayon sa kanya ang mga taong-bayan sa kanyang binabalak. Pinugutan nila ng ulo si Seba at inihagis ito kay Joab. Hinipan naman ni Joab ang trumpeta kaya't ang lunsod ay iniwan na ng kanyang mga kawal at sila'y nagsiuwian na. Si Joab nama'y bumalik sa Jerusalem at nagpunta sa hari.

Ang mga Opisyal ni David

23 Ito ang mga opisyal ng hukbo ni Haring David: Si Joab ang pinuno sa buong hukbo ng Israel. Si Benaias, anak ni Joiada, ang pinuno ng mga bantay na Kereteo at Peleteo. 24 Si Adoram[a] naman ang tagapamahala sa lahat ng sapilitang paggawa. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ang tagapag-ingat ng mga kasulatan, 25 at si Seva naman ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang nagsilbing mga pari, 26 at si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David.

Footnotes

  1. 2 Samuel 20:24 Adoram: Sa ibang manuskrito'y Adoniram .