Add parallel Print Page Options

Ang Mensahe ni Natan para kay David

12 Isinugo(A) ni Yahweh kay David ang propetang si Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa'y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Kinakalong niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinapainom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ng mayamang lalaki. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kinuha ng mayaman. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”

Napasigaw sa galit si David, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] dapat mamatay ang taong iyan! Kailangang magbayad siya nang apat na beses sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”

Sinabi agad ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Ginawa kitang hari ng Israel, iniligtas kita mula sa mga kamay ni Saul. Ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ni Saul pati ang mga lipi ng Israel at Juda. At mabibigyan pa kita ng higit pa riyan. Bakit mo hinamak ang salita ni Yahweh at gumawa ka ng masama sa kanyang paningin? Ipinapatay mo ang Heteong si Urias sa mga Ammonita at kinuha mo pa ang kanyang asawa. 10 Dahil sa ginawa mong ito, at ako'y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ 11 Sinabi(B) pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat. 12 Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’”

13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.”

Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay. 14 Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay.” 15 Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan.

Namatay ang Anak ni David

Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. 16 Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon. 17 Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain. 18 Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang. 19 Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya.

“Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila.

20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain. 21 Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!”

Sumagot si David, 22 “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. 23 Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 Inaliw ni David si Batsheba at sinipingan muli. Muli itong nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Solomon ang ipinangalan ni David sa bata. 25 Palibhasa'y mahal ni Yahweh ang bata, isinugo niya si propeta Natan upang sabihing Jedidia[b] ang itawag sa bata na ang ibig sabihi'y, “Mahal ni Yahweh.”

Ginapi ni David ang Rabba(C)

26 Samantala, ipinagpatuloy ni Joab ang pagsalakay at handa na niyang pasukin ang Rabba, ang pangunahing lunsod ng mga Ammonita. 27 Nagpadala siya ng mga sugo kay David upang ibalita na lumusob na siya sa Rabba at naagaw ang ipunan ng tubig doon. 28 Kaya kailangang pangunahan naman niya ang iba pang kawal sa pagpasok sa lunsod. “Kapag hindi siya sumama,” sabi ni Joab, “ako ang sasalakay at akin ang karangalan.” 29 Pagkatanggap ng balita, inihanda ni David ang kanyang hukbo, nilusob ang Rabba, at nagtagumpay siya. 30 Inalisan niya ng korona ang diyus-diyosang si Malcam,[c] at ipinutong ito sa kanyang ulo. May mahahalagang bato ang koronang ginto at ang bigat nito'y 35 kilo. Marami rin siyang samsam na inilabas sa lunsod. 31 Binihag niya ang mga mamamayan, at pumili siya sa mga ito ng mga kantero, panday at karpintero, at pinagawa niya ng mga adobe. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita bago sila nagbalik sa Jerusalem.

Footnotes

  1. 2 Samuel 12:5 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  2. 2 Samuel 12:25 JEDIDIA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “Mahal ni Yahweh”.
  3. 2 Samuel 12:30 diyus-diyosang si Malcam : o kaya'y hari ng Ammon .