Add parallel Print Page Options

Ang mga Huwad na Guro

Ngunit nagkaroon din ng mga huwad na propeta sa mga mamamayan ng Israel noong araw, at ganito rin ang mangyayari sa inyo. Magkakaroon ng mga huwad na guro sa inyo at palihim nilang ituturo ang mga aral na makakasira sa pananampalataya ninyo. Itatakwil nila maging ang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Sa kabila nito, marami pa ring susunod sa nakakahiya nilang pamumuhay, at dahil sa kanila, malalapastangan ang katotohanang sinusunod natin. Dahil sa kasakiman nila, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng matatamis na salita para kwartahan kayo. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila, at malapit na silang lipulin.

Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Dios nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay para roon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Hindi rin kinaawaan ng Dios ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas. Hinatulan din ng Dios ang mga lungsod ng Sodom at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasama. Pero iniligtas ng Dios si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao. Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya. 9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang. 11 Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon. 12 Pero nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na wala naman silang alam. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak para hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito. 13 Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo. 14 Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila! 15 Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya sila naligaw. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama. 16 At dahil nilabag niya ang utos ng Dios, sinumbatan siya ng asno[a] niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.

17 Ang mga huwad na gurong itoʼy tulad ng mga natuyong batis at mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin. Inilaan na sila ng Dios sa kadiliman. 18 Mayabang silang magsalita, pero wala namang kabuluhan. Sinasabi nilang hindi masama ang pagsunod sa masasamang nasa ng laman. Kaya nahihikayat nilang bumalik sa imoralidad ang mga taong kakatalikod pa lamang sa masamang pamumuhay. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa mga nahihikayat nila, pero sila mismo ay mga alipin ng kasalanang magpapahamak sa kanila. Sapagkat alipin ang tao ng anumang kumokontrol sa kanya. 20 Ang mga taong nakakilala na kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas ay tumalikod na sa kasamaan ng mundo. Ngunit kung muli silang bumalik sa kasamaan at maging alipin muli nito, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi na nila natagpuan ang landas patungo sa matuwid na pamumuhay, kaysa sa natagpuan ito at talikuran lang sa bandang huli ang mga banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Bagay sa kanila ang kasabihan,

    “Ang asoʼy kumakain ng suka niya.”[b]
    At, “Ang baboy, paliguan man ay babalik din sa kanyang lubluban.”

Footnotes

  1. 2:16 asno: sa Ingles, donkey.
  2. 2:22 Kaw. 26:11.