2 Mga Hari 22
Magandang Balita Biblia
Si Haring Josias ng Juda(A)
22 Si(B) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boskat. 2 Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang halimbawa ng ninuno niyang si David na buong katapatang sumunod sa mga utos ng Diyos.
Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(C)
3 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, 4 “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. 5 Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa 6 mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. 7 Hindi(D) na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.”
8 Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. 9 Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. 10 Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari.
11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”
14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.